9
Ang mga Hatol ng Panginoon
1 Nakita kong nakatayo sa may altar ang Panginoon. At siya'y nag-utos ng ganito:
“Bayuhin mo ang mga haligi ng templo hanggang sa mauga ang buong pundasyon,
at ihampas ito sa ulo ng mga tao.
Ang mga nalabi ay masasawi sa digmaan,
walang sinumang makakatakas;
isa ma'y walang makakaligtas.
2 Humukay man sila patungo sa daigdig ng mga patay,
aabutan ko pa rin sila.
Umakyat man sila sa langit,
hihilahin ko silang pababa mula roon.
3 Kung magtago man sila sa Bundok ng Carmel,
tutugisin ko sila't huhulihin.
Magtago man sila sa kalaliman ng dagat,
uutusan ko ang dambuhala sa dagat upang sila'y lamunin.
4 Kung bihagin man sila ng kanilang kaaway,
iuutos kong sila'y patayin sa pamamagitan ng tabak.
Ipinasya ko nang puksain sila at hindi tulungan.”
5 Si Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon,
siya na humipo sa lupa at iyon ay natutunaw,
at ang lahat ng naroon ay nagdadalamhati.
Dahil dito'y ang buong lupain ay tumataas gaya ng Ilog Nilo,
at bumababa gaya ng ilog sa Egipto.
6 Siya na gumagawa ng mga silid doon sa kalangitan,
at naglalagay ng pundasyon nito sa ibabaw ng lupa,
inipon niya ang tubig sa dagat,
at ibinubuhos iyon sa lupa.
Yahweh ang kanyang pangalan!
7 Sinasabi ni Yahweh,
“Para sa akin, kayong mga taga-Israel, ay kapantay lang ng mga taga-Etiopia.
Hinango ko ang Israel mula sa Egipto;
iniahon ko ang mga Filisteo sa Caftor at ang mga taga-Siria mula sa Kir.
8 Ako ang Panginoong Yahweh na nagmamasid sa makasalanang kaharian ng Israel.
Lilipulin ko sila sa balat ng lupa,
ngunit di ko lubusang pupuksain ang lahi ni Jacob.
9 “Iuutos kong ligligin
ang bayan ng Israel kasama ng lahat ng bansa;
tulad ng pag-alog sa salaan,
ngunit walang butil na babagsak sa lupa.
10 Ang mga makasalanan sa aking bayan ay masasawi sa digmaan;
lahat ng nagsasabing, ‘Hindi ipahihintulot ng Diyos na tayo'y mapahamak.’ ”
Manunumbalik ang Israel
11 “Sa araw na iyon, ibabangon kong muli
ang nawasak na kaharian ni David,
at aayusin kong muli ang mga nasirang dako.
Ibabalik ang mga guho;
itatayo kong muli iyon, kagaya noong una.
12 Sa gayon ay sasakupin ng Israel ang nalalabi sa lupain ng Edom
at ang lahat ng bansang dati'y aking pag-aari,”
sabi ni Yahweh na siyang gagawa ng mga bagay na ito.
13 Sinabi rin ni Yahweh, “Darating ang panahon,
mag-aararo ang magbubukid habang nag-aani pa ang manggagapas;
at maghahasik na ng binhi ng ubas ang magsasaka habang gumagawa pa ng alak ang mag-aalak.
Dadaloy sa mga bundok ang bagong alak,
at masaganang aagos sa mga burol.
14 Ibabalik ko sa kanilang lupain ang aking bayan.
Itatayo nilang muli ang kanilang mga lunsod na nawasak, at doon sila maninirahan.
Tatamnan nilang muli ang mga ubasan at sila'y iinom ng alak.
Magtatanim silang muli sa mga halamanan at kakain ng mga bunga niyon.
15 Ibabalik ko ang Israel sa lupaing ibinigay ko sa kanila,
at hindi na sila maaalis pang muli roon.”
Si Yahweh na inyong Diyos ang nagsasalita.