Ang Aklat ng
DANIEL
Panimula
Ang Aklat ng Daniel ay nasulat sa panahon ng labis na paghihirap ng mga Judio dahil sa pag-uusig at pang-aapi ng isang haring pagano. Sa pamamagitan ng paggamit ng mga kuwento at ulat tungkol sa mga pangitain, pinapalakas ng may-akda ang loob ng kanyang mga kababayan, kasama ang pag-asang ibabagsak ng Diyos ang malulupit na pinuno at ibabalik ang kapangyarihan sa kanyang bayan.
May dalawang pangunahing bahagi ang aklat na ito: 1) Mga ulat tungkol kay Daniel at sa iba pang mga bihag na nagtagumpay laban sa kanilang mga kaaway sa pamamagitan ng kanilang pananalig at pagsunod sa Diyos. Nangyari ang kasaysayang ito noong panahon ng mga imperyo ng Babilonia at ng Persia. 2) Mga pangitain ni Daniel na sumasagisag sa paglitaw at pagbagsak ng ilang imperyo, simula sa Babilonia, ang pagbagsak ng paganong mananakop, at ang tagumpay ng bayan ng Diyos.
Para sa saling ito, ang tatlong salaysay sa wikang Griego (Ang Awit ng Tatlong Kabataan, Susana, at Si Bel at ang Dragon) ay isinama na sa Aklat ng Daniel sa wikang Hebreo. Ang Awit ng Tatlong Kabataan ay mababasa sa 3:24 hanggang 3:91. Ito ay tumatalakay sa kakaibang pananampalataya ng mga kaibigan ni Daniel bagama't sila'y ipinatapon ni Haring Nebucadnezar sa nagniningas na pugon.
Sa kabanatang labintatlo ay mababasa ang salaysay tungkol kay Susana, isang maganda at mabait na dilag na pinaratangan ng pangangalunya, subalit naligtas dahil sa karunungan at katapangan ni Daniel.
Samantala, sa kabanatang labing-apat, mababasa naman ang kuwento tungkol sa karunungan at katapangan ni Daniel nang ibunyag nito na hindi totoo ang diyus-diyosang si Bel. Ipinapakita rin dito kung paano pinatay ni Daniel ang dragon na sinasamba ng mga taga-Babilonia.
Nilalaman
Si Daniel at ang kanyang mga kaibigan 1:1–6:28
a. Ang panalangin ni Azarias at Awit ng Tatlong Kabataan 3:24-91
Mga pangitain ni Daniel 7:1–12:13
a. Ang apat na halimaw 7:1-28
b. Ang tupang lalaki at ang kambing 8:1–9:27
c. Ang sugo mula sa langit 10:1–11:45
d. Ang tungkol sa huling panahon 12:1-13
Ang Aklat ni Susana 13:1-64
Si Bel at ang Dragon 14:1-42
1
Si Daniel at ang Kanyang mga Kaibigan
Nang+ ikatlong taon ng paghahari ni Haring Jehoiakim sa Juda, ang Jerusalem ay kinubkob ni Nebucadnezar na hari ng Babilonia. Pinahintulutan+ ng Panginoon na bihagin niya si Haring Jehoiakim at samsamin ang ilang kasangkapan sa Templo. Lahat ng ito ay dinala ni Nebucadnezar sa lupain ng Babilonia at inilagay sa kabang-yaman ng templo ng kanyang mga diyos.
Iniutos ng hari kay Aspenaz, ang pinakamataas na opisyal ng palasyo, na pumili ng ilang Israelitang kabilang sa angkan ng mga hari at ilan sa angkan ng mga maharlika. Ang pipiliin nila ay mga kabataan na walang kapansanan, makikisig, matatalino, madaling turuan, may malawak na pang-unawa at karapat-dapat maglingkod sa palasyo. Tuturuan din sila ng wika at panitikan ng mga taga-Babilonia. Iniutos ng hari na sila'y paglaanan ng pagkain at alak araw-araw mula sa kanyang sariling pagkain at alak. Tatlong taon silang sasanayin bago maglingkod sa hari. Kabilang sa mga napili ay sina Daniel, Hananias, Misael, at Azarias na pawang nagmula sa lipi ni Juda. Binigyan sila ni Aspenaz ng mga bagong pangalan. Si Daniel ay Beltesazar, Shadrac naman si Hananias, Meshac si Misael, at Abednego si Azarias.
Ngunit ipinasya ni Daniel na hindi niya durungisan ang kanyang sarili sa pamamagitan ng mga pagkain at alak na galing sa hari. Kaya, ipinakiusap niya kay Aspenaz na huwag silang pakainin at painumin ng mga iyon. Niloob naman ng Diyos na siya'y kalugdan at pagbigyan ni Aspenaz. 10 Ngunit sinabi niya kay Daniel, “Natatakot lamang ako sa gagawin sa akin ng mahal na hari na naglalaan ng pagkain at inumin ninyo kapag nakita niyang mas mahina kayo kaysa sa ibang mga kabataan na kasing-edad ninyo. Tiyak na papupugutan niya ako ng ulo.”
11 Dahil dito, lumapit si Daniel sa bantay na pinagkatiwalaan ni Aspenaz na mangalaga sa kanya at sa tatlo niyang kaibigan. 12 Pakiusap niya, “Subukin ninyo kami sa loob ng sampung araw. Gulay lang at tubig ang ibigay ninyo sa amin. 13 Pagkatapos, ihambing ninyo kami sa mga kasing-edad namin na pinapakain ninyo ng pagkaing bigay ng hari at gawin ninyo sa amin ang nararapat.”
14 Sinubok nga sila sa loob ng sampung araw. 15 At pagkalipas ng sampung araw, nakitang mas malulusog at malalakas sila kaysa mga kasing-edad nilang pinakain ng pagkaing galing sa hari. 16 Kaya, gulay at tubig na lang ang ibinigay sa kanila sa halip na pagkain at inuming galing sa hari.
17 Binigyan ng Diyos ang apat na kabataan ng kaalaman at kakayahan sa panitikan at agham. Bukod dito, binigyan pa si Daniel ng kakayahang umunawa at magpaliwanag ng lahat ng uri ng pangitain at panaginip.
18 Pagkaraan ng tatlong taon na itinakda ng hari sa pagsasanay sa kanila, ang lahat ng kabataang pinili ni Aspenaz ay iniharap niya kay Haring Nebucadnezar. 19 Kinausap sila ng hari at nakita niyang walang kapantay sina Daniel, Hananias, Misael at Azarias. Kaya't naging lingkod sila ng hari. 20 Nakita ng hari na sa lahat ng bagay na itanong sa kanila, sampung ulit na mas mahusay at magaling sila kaysa mga salamangkero at mga enkantador ng kaharian. 21 Naglingkod si Daniel doon hanggang sa unang taon ng paghahari ni Ciro.
+ 1:1 2 Ha. 24:1; 2 Cro. 36:5-7. + 1:2 2 Ha. 20:17-18; 24:10-16; 2 Cro. 36:10; Isa. 39:7-8.