23
Ang Magkapatid na Makasalanan
1 Sinabi sa akin ni Yahweh,
2 “Ezekiel, anak ng tao, may magkapatid na babae.
3 Sa kanilang kabataan, sila'y naging mahalay sa Egipto. Doon ay hinayaan nilang paglaruan ang maseselang bahagi ng kanilang katawan.
4 Ohola ang pangalan ng matanda at Oholiba naman ang bata. Sila'y parehong naging akin at nag-anak ng marami. Ang Ohola ay ang Samaria, at ang Jerusalem ay ang Oholiba.
5 “Si Ohola ay nagpakasama samantalang nasa aking pagkukupkop. Nakiapid siya sa mga taga-Asiria,
6 mga mandirigmang nakasuot ng kulay ube, mga gobernador, sa mga punong-kawal na puro mga gwapo, at sa mga pinunong mangangabayo.
7 Nakipagtalik siya sa mga piling tauhan ng Asiria, at nakiisa sa pagsamba at paglilingkod sa diyus-diyosan ng mga ito.
8 Patuloy siyang nagpakasama. Noong kabataan niya sa Egipto, siya'y sumiping sa mga kabinataan. Binayaan niyang simsimin ang kanyang bango at ibuhos sa kanya ang kanilang matinding pagnanasa.
9 Kaya, pinabayaan ko na siya sa kamay ng Asiria na kanyang mangingibig.
10 At siya'y ginahasa nito. Pinatay siya sa tabak, pati ang kanyang mga anak. At siya ay naging usap-usapan ng mga kababaihan. Ang parusa ay ipinaranas na sa kanya.
11 “Nakita ito ni Oholiba. Naging mas masama siya kaysa kanyang kapatid.
12 Nahumaling din siya sa mga taga-Asiria: sa mga gobernador, punong-kawal, mandirigmang larawan ng kapangyarihan, mangangabayo na pawang kaakit-akit.
13 At nakita kong siya man ay nagpakasamang tulad ng kanyang kapatid.
14 Ngunit hindi pa siya nakuntento roon. Nakakita siya ng larawan ng mga lalaki, nakaukit sa pader; ito'y larawan ng mga pinuno ng Babilonia na nakaguhit ng matingkad na pula.
15 Ang mga ito'y may magagandang pamigkis. Magaganda rin ang palawit ng kanilang mga turbante. Sila ay mga pinuno at mga taga-Babiloniang naninirahan sa Caldea.
16 Nang makita niya ang mga ito, nahumaling siya. Kaya, pinasabihan niya ang mga iyon.
17 At pinuntahan siya ng mga taga-Babilonia. Sinipingan siya ng mga ito at pinagpasasaan. Pagkatapos niyang magpakasaya sa piling ng mga ito, siya ay lumayo na muhing-muhi.
18 Nang makita ko ang hayagan niyang pagpapakasama at pagpapaubaya, namuhi ako sa kanya, tulad ng pagkamuhi ko sa kanyang kapatid. Siya'y aking tinalikuran.
19 Nagpatuloy siya sa pakikiapid tulad ng ginawa niya sa Egipto noong kanyang kabataan.
20 Doo'y nahumaling siya sa mga kalaguyo na kung manibasib ay parang asno at kung magbuhos ng binhi ay parang kabayo.
21 Ang ginagawa mo'y tulad ng ginawa mo sa pakikiapid sa Egipto. Hinayaan mong simsimin ang iyong bango at himas-himasin ang iyong mga dibdib.
Ang Hatol ng Diyos sa Nakababatang Kapatid
22 “Kaya nga, Oholiba, ito ang sinasabi ko sa iyo: Ngayon, ang kinamuhian mong mga kalaguyo ay inudyukan ko laban sa iyo. Ipapalusob kita sa kanila mula sa iba't ibang dako.
23 Darating ang mga taga-Babilonia, Caldea, Pecod, Soa, Koa, at lahat ng taga-Asiria; ang makikisig na kabinataan, gobernador, punong-kawal, pinuno at mandirigma na pawang kabayuhan.
24 Ikaw ay sasalakayin nilang sakay ng mga karwahe at kariton. Magmumula sila sa iba't ibang dako. Sila'y may pananggalang sa braso, at panay naka-helmet. Ipauubaya ko sa kanila ang pagpaparusa sa iyo. Hahayaan kong gawin nila sa iyo ang gusto nila.
25 Ipalalasap ko sa iyo ang tindi ng aking galit. Tatagpasin nila ang iyong ilong at tainga. At ang iyong mga anak ay ihahagis sa apoy.
26 Huhubaran nila kayo ng kasuotan at alahas.
27 Sa ganyang paraan ko puputulin ang iyong mahalay na pamumuhay mula pa nang ika'y nasa Egipto. Sa gayon, hindi ka na mahuhumaling sa mga diyus-diyosan at malilimutan mo na ang Egipto.”
28 Ito ang sinasabi ni Yahweh: “Ipauubaya kita sa mga taong kinamumuhian mo.
29 Ipadarama naman nila sa iyo ang kanilang kalupitan. Sasamsamin nila ang lahat ng iyong ari-arian pati iyong kasuotan. Iiwan ka nilang hubo't hubad. Nagpakasama ka.
30 Nakiapid ka sa mga bansa at nakisamba sa kanilang mga diyus-diyosan.
31 Pinarisan mo ang iyong kapatid kaya naman ipalalasap ko sa iyo ang parusang ipinataw ko sa kanya.”
32 Ito nga ang ipinapasabi ni Yahweh:
“Ang iinuman mong saro ng iyong kapatid ay malaki at malalim.
Ikaw ay pagtatawanan at tutuyain;
pagkat umaapaw ang laman nito.
33 Malalasing ka at matitigib ng kalungkutan,
sapagkat ang saro ng Samaria na kapatid mo,
ay saro ng pagkatakot at pagkawasak.
34 Iyong uubusin ang laman ng saro,
pagkatapos, babasagin mo ito at susugatan ang iyong dibdib.”
35 Kaya nga ipinapasabi ni Yahweh: “Dahil sa iyong paglimot at pagtalikod sa akin, pagdurusahan mo ang iyong pakikiapid at mahalay na pamumuhay.”
Ang Parusa ni Yahweh sa Magkapatid
36 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, hahatulan mo na ba sina Ohola at Oholiba? Ipamukha mo sa kanila ang kasuklam-suklam nilang gawain.
37 Sila'y naging mamamatay-tao at mapangalunya. Pinatay nila ang kanilang mga anak at inihandog sa kanilang diyus-diyosan.
38 Bukod dito, pinarumi pa nila ang aking Templo at winalang-halaga ang Araw ng Pamamahinga.
39 Sinalaula nila ang aking Templo nang sila'y pumasok dito pagkatapos ihandog sa diyus-diyosan ang kanilang mga anak.
40 “Paulit-ulit pa silang nagpasundo ng mga lalaki mula sa malalayong dako. Nagpaayos pa silang mabuti para sa mga iyon: naglinis sila, nagkulay ng mata, at naglagay ng mga hiyas.
41 Nagpagawa pa sila ng isang magarang pahingahan, at ng isang mesang ubod ng ganda at doon inilagay ang kamanyang at langis na ibinigay ko sa kanila.
42 Napapaligiran sila ng mga taong nagkakaingay sa tuwa. Naroon din ang mga karaniwang tao mula sa ilang. Ang mga babae ay sinuotan nila ng pulseras at pinutungan ng magagandang korona.
43 “Nasabi ko sa aking sarili: Ang babaing iyon ay tumanda na sa pakikiapid. Gayunpaman, marami pa ring nakikipagtalik sa kanya
44 sapagkat ang paglapit sa kanya'y tulad ng paglapit ng isang lalaki sa isang babaing mahalay. Ganoon sila lumalapit kina Ohola at Oholiba para isagawa ang kanilang kahalayan.
45 Ngunit hahatulan sila ng mga taong matuwid dahil sa kanilang pangangalunya at pagpatay, sapagkat mapakiapid sila at ang mga kamay nila'y tigmak ng dugo.”
46 Kaya nga, ito ang ipinapasabi ni Yahweh: “Ipapalusob na sila sa naghihintay na hukbo upang sila'y takutin at pagnakawan.
47 Sila'y babatuhin ng malaking hukbong yaon at gagamitan ng tabak. Papatayin sila pati kanilang mga anak, at susunugin ang kanilang mga tirahan.
48 Sa ganitong paraan ko wawakasan ang kahalayan sa lupaing iyon upang magsilbing babala sa mga kababaihan, at nang walang sumunod sa kanilang hakbang.
49 Pagbabayaran ninyong magkapatid ang inyong kahalayan, at daranasin ang bigat ng parusa sa pagsamba sa diyus-diyosan. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”