26
Ang Pahayag Laban sa Tiro
1 Noong unang araw ng buwan, ng ika-11 taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ni Yahweh:
2 “Ezekiel, anak ng tao, nang mawasak ang Jerusalem, sinabi ng Tiro: ‘Ngayong bagsak na ang pangunahing bansa, ako naman ang uunlad.’
3 Dahil dito, sabihin mo sa kanyang ito ang ipinapasabi ko: Tiro, ako'y laban sa iyo. Ipapalusob kita sa maraming bansa, tulad ng paghampas ng maraming alon sa dagat.
4 Iguguho nila ang iyong kuta at ibabagsak ang iyong mga toreng bantayan. Kakalkalin ko ang iyong lupa hanggang sa bato ang matira.
5 Magiging bilaran ka na lamang ng lambat sa gitna ng dagat at hahamakin ka ng kapwa mo bansa. Akong si Yahweh ang maysabi nito.
6 Ang mga mamamayan sa kalakhan ng bansa ay papatayin sa tabak. Sa gayon, makikilala mong ako si Yahweh.”
7 Ipinapasabi nga ni Yahweh: “Ang Tiro ay ipasasalakay kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia, ang pinakamakapangyarihang hari. Mula sa hilaga, darating siya kasama ang isang malaking hukbo at maraming karwahe at mangangabayo.
8 Mapapatay sa digmaan ang mga nakatira sa kalakhang bahagi ng bansa. Gagawa sila ng mga hukay na pagkukublihan at iba pang kanlungan. Kukubkubin ka ng mga kawal na ang mga kalasag ay parang matibay na pader.
9 Ang iyong pader ay iguguho sa pamamagitan ng malalaking pambayo at ang toreng bantayan ay ibubuwal sa pamamagitan ng kagamitang bakal.
10 Hindi ka makikita sa kapal ng alikabok dahil sa dami ng kanyang kabayong gagamitin sa pagsalakay sa iyo. Mayayanig ang iyong pader sa yabag ng mga kabayo, karwahe at kawal.
11 Ang mga lansangan mo'y mapupuno ng kanyang mga kabayo, at papatayin sa tabak ang iyong mga mamamayan. Anupa't mabubuwal pati ang pinakamalalaki mong haligi.
12 Sasamsamin niya ang iyong ari-arian. Iguguho niya ang iyong mga tanggulan, gigibain ang iyong magagarang bahay, at itatambak sa dagat ang mga bato at kahoy na gumuho.
13 Dahil diyan, matitigil na ang iyong masasayang awitan gayon din ang pagtugtog mo sa iyong mga lira.
14 Mag-iiwan lamang ako ng malapad na batong bilaran ng mga lambat, at hindi ka na muling itatayo bilang isang lunsod. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”
15 Ipinapasabi ni Yahweh sa Tiro: “Ang mga lupain sa baybayin ay mayayanig sa balita ng iyong pagbagsak, sa nakakapangilabot na daing ng mga sugatan, at sa dami ng mamamatay sa iyong mamamayan.
16 Dahil dito, ang mga hari ng mga pulo sa karagatan ay aalis sa kanilang luklukan, maghuhubad ng magagara nilang kasuotan, maglulupasay na nanginginig, at masisindak sa nangyari sa iyo.
17 Aawitin nila para sa iyo ang panaghoy na ito:
‘Ang bantog na lunsod ay nawasak,
pinalubog sa karagatan ang kanyang mga sasakyang-dagat.
Dati, ang mga mamamayan niya ang kinasisindakan sa karagatan.
Sila ay naghasik ng takot sa mga bayan sa baybay-dagat.
18 Ngayon, ang lahat ng pulo ay nangingilabot dahil sa kanyang sinapit.
Oo, ang mga mamamayan nito'y pawang natatakot dahil sa balita ng kanyang pagkawasak.’ ”
19 Sapagkat sabi ni Yahweh: “Gagawin kitang pook na mapanglaw, tulad ng isang lugar na walang nakatira.
20 Palulubugin kita sa tubig, tulad ng itinapon sa pusod ng dagat, tulad ng mga namatay noong unang panahon. Pananatilihin kita sa walang hanggang kalaliman para hindi na mapanahanan ninuman.
21 Daranasin mo ang kakila-kilabot na wakas at ganap kang mawawala. Hahanapin ka ngunit hindi na matatagpuan.”