29
Hinirang sa Pagkapari sina Aaron
(Lev. 8:1-36)
“Ganito ang gagawin mo sa paglalagay kay Aaron at sa kanyang mga anak na lalaki sa tungkulin bilang mga pari: Kumuha ka ng isang batang toro at dalawang lalaking tupa na walang kapintasan. Kumuha ka rin ng tinapay na walang pampaalsa, bibingkang walang pampaalsa at minasa sa langis, at manipis na tinapay na wala ring pampaalsa at pinahiran ng langis. Lahat ng ito'y kailangang yari sa pinakamainam na harinang trigo. Ilagay mo ito sa isang basket at ihandog sa akin, kasama ng batang toro at ng dalawang lalaking tupa.
“Isama mo si Aaron at ang kanyang mga anak na lalaki sa pintuan ng Toldang Tipanan at maligo sila roon. Isuot mo sa kanya ang mahabang panloob na kasuotan, ang damit bago ang efod, ang efod at ang pektoral, saka itali ang pamigkis ng efod. Isuot mo kay Aaron ang turbante at ikabit rito ang koronang kinasusulatan ng katagang “Inilaan kay Yahweh”. Bilang pagtatalaga, kunin mo ang langis na pantalaga at buhusan mo ang kanyang ulo.
“Pagkatapos ni Aaron, ang kanyang mga anak naman ang iyong itatalaga. Isuot mo sa kanila ang mahabang panloob na kasuotan, itali ang mga pamigkis sa kanilang baywang, at ilagay ang turbante sa kanilang mga ulo. Sa gayon, magiging pari sila sa bisa ng aking utos. Ganyan ang gagawin mo sa pagtatalaga kay Aaron at sa kanyang mga anak.
10 “Dalhin mo sa harap ng Toldang Tipanan ang batang toro. Ipapatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng torong ito. 11 Papatayin mo ang batang toro sa harapan ni Yahweh, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 12 Kumuha ka ng kaunting dugo nito at sa pamamagitan ng iyong daliri, pahiran mo ng dugo ang mga sungay ng altar. Ang matitirang dugo ay ibuhos mo sa paanan ng altar. 13 Pagkatapos, kunin mo ang taba ng mga laman-loob, ang taba ng atay at ang dalawang bato kasama ng taba nito, at sunugin mo sa altar bilang handog. 14 Ang balat, ang karne at ang dumi ay susunugin sa labas ng kampo sapagkat ito'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan.
15 “Kunin mo ang isa sa dalawang lalaking tupa at ipatong sa ulo nito ang kamay ni Aaron at ng kanyang mga anak. 16 Patayin mo ang tupa, kumuha ka ng kaunting dugo at iwisik mo sa mga gilid ng altar. 17 Pagkatapos, katayin mo ang tupa, hugasan ang mga laman-loob nito pati ang mga paa, at ipatong mo ito sa altar kasama ang ibang bahagi nito at ang ulo. 18 Sunugin+ mo ang mga ito sa altar upang ang usok nito'y maging mabangong samyo para kay Yahweh.
19 “Kunin mo ang isa pang tupa at ipapatong din sa ulo nito ang kamay ni Aaron at ng kanyang mga anak. 20 Patayin mo ang tupa at sahurin ang dugo. Pahiran mo nito ang lambi ng kanang tainga ni Aaron at ng kanyang mga anak at ang hinlalaki ng kanang kamay at paa. Ang dugong matitira ay iwisik mo sa lahat ng gilid ng altar. 21 Kumuha ka ng kaunting dugo sa altar at kaunting langis na pantalaga. Iwisik mo ito kay Aaron at sa kanyang mga anak, pati sa kanilang kasuotan. Sa ganitong paraan, siya at ang kanyang mga anak pati ang kanilang kasuotan ay nakalaan para kay Yahweh.
22 “Kunin mo ang taba ng tupa: ang taba sa buntot, ang tabang nakabalot sa laman-loob, ang taba ng atay, ang dalawang bato kasama ang taba at ang kanang hita. 23 Kumuha ka ng isang tinapay, isang tinapay na hinaluan ng langis, at isang manipis na tinapay. Ang mga tinapay na ito ay walang pampaalsa at nakalagay sa basket na nasa altar ni Yahweh. 24 Lahat ng ito'y pahawakan mo kay Aaron at sa kanyang mga anak upang ialay nila bilang natatanging handog kay Yahweh. 25 Pagkatapos, kunin mo ito sa kanila at sunugin sa altar, sa ibabaw ng handog na sinusunog, upang ang usok nito'y maging mabangong samyo sa akin.
26 “Kunin mo ang parteng dibdib ng tupang ito, at ialay mo bilang natatanging handog kay Yahweh; ito naman ang bahaging nakalaan para sa iyo.
27 “Iaalay mo bilang natatanging handog ang dibdib at ang hitang para kay Aaron at sa kanyang mga anak. 28 Ito ay magiging tuntuning magpakailanman para kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ang mga bahaging nabanggit na para sa kanila ay mula sa handog pangkapayapaan ng mga Israelita.
29 “Pagkamatay ni Aaron, ang sagrado niyang kasuotan ay ibibigay sa kanyang mga anak. Ang kasuotang ito ang gagamitin nila sa panahon na sila ay italaga at buhusan ng langis. 30 Pitong araw na isusuot ito ng sinumang hahalili kay Aaron pagpasok nito upang maglingkod sa Toldang Tipanan.
31 “Kunin mo ang tupang ginamit sa pagtatalaga at ilaga mo ito sa isang sagradong lugar. 32 Ipakain mo ito kay Aaron at sa kanyang mga anak, kasama ng tinapay na nasa basket, doon sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 33 Kakainin nila ang inihandog para sa kapatawaran ng kasalanan nang sila'y italaga. Mga pari lamang ang kakain nito sapagkat ito'y sagrado. 34 Kung hindi maubos ang tupa o ang tinapay, sunugin ito kinaumagahan at huwag kakainin sapagkat ito'y sagrado.
35 “Sundin mong lahat ang iniutos ko sa iyo tungkol sa pagtatalaga kay Aaron at sa kanyang mga anak; pitong araw mo itong gagawin. 36 Araw-araw, maghahandog ka ng isang bakang lalaki para sa pagpapatawad ng kasalanan. Gagawin mo ito upang maalis ang kasalanan sa altar. Pagkatapos, buhusan mo ito ng langis upang maging sagrado. 37 Pitong araw kang maghahandog ukol sa kasalanan at pagtatalaga. Pagkatapos, ito'y ituturing na ganap na sagrado at anumang malagay rito ay magiging sagrado.
Ang Paghahandog Araw-araw
(Bil. 28:1-8)
38 “Ganito ang gagawin mong paghahandog sa altar araw-araw: kumuha ka ng dalawang tupang isang taon ang gulang at iyong ihandog, 39 isa sa umaga, isa sa hapon. 40 Ang ihahandog sa umaga ay samahan mo ng kalahating salop na pinakamainam na harinang minasa sa isang litrong langis. Maglagay ka rin ng isang litrong alak bilang handog na inumin. 41 Ang ihahandog naman sa hapon ay samahan mo rin ng handog na pagkaing butil at inumin upang ang usok nito'y maging mabangong samyo para kay Yahweh. 42 Ang paghahandog na ito'y gagawin ninyo habang panahon. Gaganapin ninyo ito sa harapan ko, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Doon ko kayo tatagpuin. Doon ako makikipag-usap sa inyo. 43 Doon ko nga tatagpuin ang mga Israelita at ang pook na iyon ay pababanalin ng aking kaluwalhatian. 44 Gagawin kong sagrado ang Toldang Tipanan, ganoon din ang altar, at ibubukod ko si Aaron at ang kanyang mga anak na lalaki upang maglingkod sa akin bilang mga pari. 45 Ako'y makakasama nila at ako ang magiging Diyos nila. 46 Makikilala nilang ako si Yahweh, ang Diyos na nagligtas sa kanila sa Egipto. Maninirahan akong kasama nila; ako si Yahweh, ang kanilang Diyos.
+ 29:18 Ef. 5:2; Fil. 4:18.