Magandang Balita
Biblia
(MAY DEUTEROCANONICO)
TAGALOG
Nihil Obstat:
Rev. Fr. GERARDO R. TAPIADOR
Censor Deputatus
Imprimatur:
Most Rev. ARTURO M. BASTES, S.V.D., D.D.
Bishop of Sorsogon
Chairman, Episcopal Commission for the Biblical Apostolate
Copyright 2012
by
PHILIPPINE BIBLE SOCIETY
890 United Nations Avenue
1000 Manila, Philippines
MAGANDANG BALITA BIBLIA
(Ang mga aklat ng Deuterocanonico ay naka-intersperse sa Lumang Tipan)
MBB12TAG050DC
Magandang Balita Biblia, Lumang Tipan: © Philippine Bible Society 2005
Magandang Balita Biblia, Bagong Tipan: © Philippine Bible Society 2012
Ang United Bible Societies ay ang samahan ng mga 145 National Bible Societies sa buong mundo na naglilingkod sa mahigit na 200 bansa. Layunin nito na mapasa-kamay ng bawat tao ang Biblia o kaya’y bahagi nito sa wikang mauunawaan ng mambabasa at sa halagang makakayanan niya. Bawat taon, mahigit sa 300 milyong kopya ng Banal na Kasulatan ang naipapamahagi ng mga National Bible Societies. Inaanyayahan namin kayo na makibahagi sa gawaing ito sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at kaloob. Ikagagalak ng Philippine Bible Society (PBS) na ipabatid sa inyo ang aming iba’t ibang mga serbisyo.
PAUNANG SALITA
Ang Biblia ay ang salita ng Diyos. Ito ay may hatid na espesyal na mensahe para sa lahat ng mga taong bumabasa nito na nagnanais malaman, maunawaan, mahangaan, at buong-pusong maisapamuhay ang mga katuruan ng Diyos. Ang mensaheng ito ay hindi dapat itago sa likod ng mga salitang nagbago na o nawala na ang kahulugan at hindi na ginagamit sa karaniwang pag-uusap. Sa halip, ang mensaheng ito ay dapat ipahayag sa mga tao sa wikang maliwanag, makahulugan, at tamang nauunawaan.
Sa paglipas ng panahon mula nang unang ilimbag ang Magandang Balita Biblia (MBB), may mga pagbabagong naganap sa wikang Tagalog. Gayundin naman, nagbibigay ng panibagong hamon ang mga makabagong pagsulong sa larangan ng pagaaral sa orihinal na wika ng Biblia (Textual Criticism), dala ng pagkakatuklas at pagkakaunawa sa mga manuskritong natagpuan sa Qumran. Upang maisaalang-alang ang mga pagbabago at pagsulong na ito, minarapat ng Philippine Bible Society (PBS) na isailalim ang MBB sa isang napapanahong rebisyon. Sa ganitong paraan, patuloy na magagampanan ng rebisyon ng MBB ang espesyal na layunin nito. Tulad ng MBB, ang pangunahing layunin ng rebisyong ito ay patuloy na matapat na maisalin sa wikang Tagalog ang tunay at tamang kahulugan ng orihinal na mensahe ng Biblia na nakasulat sa mga wikang Hebreo, Aramaico at Griego, at maipahayag ang mga kahulugang ito sa wikang madaling maunawaan. Layunin ng bahaging ito na ipaliwanag sa maiksi ngunit nauunawaang paraan ang mga prinsipyo at pamamaraang ginamit sa edisyong ito.
Sa anumang pagsasalin ng Biblia, isa sa pinakamahalagang bagay na dapat bigyan ng diin ay ang mga tekstong pagbabatayan ng salin. Patakaran ng PBS na huwag magsalin ng Biblia mula sa isang salin, sa halip ay bumalik sa mga orihinal na wika ng Biblia upang matiyak ang katapatan nito sa orihinal na mensahe. Kaya’t para sa Lumang Tipan ng rebisyong ito, ang ginamit na pangunahing basehang tekstuwal ay ang pinakahuling edisyon ng Biblia Hebraica Stuttgartensia (ikaapat na edisyon, 1990) na inilimbag ng German Bible Society. Ito ay isang edisyon ng tekstong Hebreo at Aramaico na hango sa mga manuskritong isinaayos ng mga Masorete, mga Judiong iskolar ng ikaanim hanggang ikasiyam na siglo. Para naman sa Bagong Tipan, ang pangunahing basehang tekstuwal ay ang Greek New Testament (ikaapat na edisyon, ikalawang paglilimbag, 1994) na inilimbag ng United Bible Societies, isang kritikal na tekstong Griego na sadyang inihanda para sa mga tagapagsalin ng Biblia, ng mga dalubhasa at iskolar sa orihinal na wika ng Bagong Tipan.
Matatagpuan sa edisyong ito ang mga aklat na tinatawag na Deuterocanonico. Ang mga aklat na ito ay naka-intersperse sa Lumang Tipan mula pa sa panahon ni St. Jerome (382 A.D.) hanggang sa Konseho ng Trent (1546 A.D.). Ito ay ang mga sumusunod: Tobit, Judith, Ester (Tekstong Griego), 1 Macabeo at 2 Macabeo, Ang Karunungan ni Solomon, Ecclesiastico, Baruc (ang kabanata 6 ay ang Liham ni Jeremias), Awit ng Tatlong Kabataan (3:24-91 ng Daniel), Ang Aklat ni Susana (kabanata 13 ng Daniel), Si Bel at ang Dragon (kabanata 14 ng Daniel). Ang mga aklat na ito ay ginamit rin ng mga sinaunang Cristiano. Patuloy na ginagamit ng Iglesya Katolika Romana at ng mga kaanib ng Orthodox Church ang mga aklat na ito sa kanilang pananambahan. Para sa Deuterocanonico, ginamit na pangunahing basehang tekstuwal ang Septuaginta na inihanda ni Alfred Ralphs at inilimbag ng German Bible Society (rebisado, 1979). Subalit para sa ilang mga aklat, ang mga desisyong tekstuwal ng mga pinakahuling salin sa Ingles ng Bibliang mayroong Deuterocanonico ay kinunsulta.
Sa mga lugar na kung saan ang isang salita o grupo ng mga salita ay maaaring isalin sa iba pang paraan, ito ay binibigyang pansin sa talababa (footnote) sa pamamagitan ng pariralang “O kaya’y”. Sa mga lugar naman na kung saan ang mga manuskrito ay magkaiba ng pagbasa sa isang salita o grupo ng mga salita, ang pinakaposibleng malapit sa orihinal na wika ay inilagay sa main text, at ang alternatibong pagbasa ay binibigyang pansin naman sa talababa sa pamamagitan ng mga pariralang “Sa ibang manuskrito’y may dagdag na” at “Sa ibang manuskrito’y hindi nakasulat ang (mga) salitang ito”.
Sa Bagong Tipan, ihinuhudyat ng simbolong bracket [ ] na ang mga salitang napapaloob sa simbolong ito ay kinikilalang hindi kasama sa mga pinakamatatandang manuskritong Griego, subalit pinanatili dahil sa kanilang kahalagahan sa mahabang kasaysayan ng pagsisipi ng Biblia. Sa talababa, ipinapaliwanag ang mga ito sa pamamagitan ng pariralang “Sa ibang matatandang manuskrito’y hindi nakasulat ang (mga) salitang ito”.
Pinagsikapan na maging kapaki-pakinabang at malaking tulong ang rebisyong ito sa seryosong pag-aaral ng Biblia. Para sa mga pangalan ng Diyos sa Lumang Tipan, matapat na ginamit ang katumbas na salita para sa isang pangalan upang maipakita ang kanya-kanyang katangian at kaibahan. Halimbawa, ang Elohim ay isinalin bilang “Diyos”. Samantala, ang salitang YHWH o ang “tetragrammaton” ay isinalin bilang “Yahweh”. Ito ay ginawa upang maipaalam sa mga mambabasa ang pagkakaiba nito sa salitang Adonai, na isinalin naman bilang “(P)anginoon”. Sa mga lugar na kung saan ang mga pangalang ito ay pinagsama o isinama sa iba pang salita, ginamit ang ilang paraan upang maipabatid ito sa mga mambabasa.
Ang mga talata o bahagi ng talatang mula sa Lumang Tipan na binanggit sa Bagong Tipan ay pinagsikapang gawing magkatulad kung saan magkatulad ang mga banggit at gawing magkaiba kung saan ang mga ito’y magkaiba sa orihinal na teksto. Sa mga magkakatulad na salaysay at talinhaga sa mga aklat ng Magandang Balita ayon kina Mateo, Marcos, at Lucas (at maging kay Juan), ipinakita rin ang pagkakatulad kung magkatulad at ang mahahalagang pagkakaiba kung ito’y magkaiba sa orihinal na wika. Para naman sa mga ekspresyong madalas gamitin sa iba’t ibang lugar ngunit may iisa lamang na kahulugan, minabuti na gamitin ang mga katumbas na ekspresyon, sa paraang hindi pabagu-bago.
Tulad ng MBB, layunin din ng rebisyong ito na matapat na maisalin ang tunay na kahulugan ng mga tekstong Hebreo, Aramaico, at Griego sa wikang likas at nauunawaan ng mga gumagamit ng wikang Tagalog. Bilang pangunahing prinsipyo ng pagsasalin sa rebisyong ito, binigyan ng mahalagang pansin ang tunay na kahulugan ng orihinal na wika kaysa sa anyo nito. Subalit sa mga lugar na kung saan ang anyo ay mahalagang bahagi ng kahulugan, ito ay maingat na isinasaalang-alang. Ang uri ng pagsasaling ito’y tinatawag na Functional (tinatawag ring Dynamic) Equivalence Translation.
May mga salita at pangungusap sa orihinal na wika na sadyang mahirap unawain ang kahulugan sapagkat ang mga ito’y mga idyoma o may kinalaman sa kultura ng binabanggit. Katulad ng MBB, minabuti na ipakita ang tamang kahulugan nito kaysa isaling literal ang mga nasa orihinal na wika; ito’y upang maiwasan ang maling pagkakaunawa.
Mayroon ding mga salitang nagkaroon na ng mga tradisyunal na kahulugang pangdoktrina para sa simbahan, subalit hindi naman nauunawaan o walang kahulugan para sa mga taong una pa lang nagbabasa ng Biblia. Para sa kapakanan ng higit na kaunawaan, mas mainam na gumamit ng mga karampatang salita o mga salita upang maliwanag na maipabatid ang tunay na kahulugan. Gayunpaman, maingat na iniwasan na gumamit ng mga bulgar o salitang kanto sa rebisyong ito, upang sa gayo’y mainam pa ring basahin sa loob ng simbahan ang bawat katagang makikita sa rebisyong ito. Pinagsikapan din na iwasang gumamit ng malalalim na salitang Tagalog, liban sa ilang bahaging talagang hindi maiiwasan, halimbawa’y sa mga Panulaan (Poetry). Iniwasan ring gamitin ang mga salitang kolokyal o mga salitang nauunawaan ng iilang lugar lamang. Sa mga pagkakataong ito, ginamit ang mga pangkalahatang salita (generic) upang ito ay madaling maunawaan.
May mga salita sa MBB na hindi na masyadong ginagamit sa karaniwang paguusap (halimbawa: patutot para sa isang babaing nagbebenta ng aliw, pakakak para sa trumpeta, balintuna para sa kabaligtaran, lebadura para sa pampaalsa, saserdote para sa pari, at marami pang iba). Sinikap na gamitin ang mga salitang mas pangkaraniwang ginagamit at higit na nauunawaan ng maraming taong gumagamit ng wikang Tagalog.
Ang mga sukat at timbang na ginamit sa Biblia ay iba sa kasalukuyang ginagamit na sistema sa Pilipinas. Sa rebisyong ito, ang sukatang Metriko ang ginamit na pagkukunan ng katumbas na bigat o timbang. Sa halip na literal na isalin ang mga ito, gumamit ng mga katumbas na salita sa sukatang Metriko upang ang mga ito ay hindi maging sagabal sa pang-unawa ng mga mambabasa. Gayunpaman, sa ilang pagkakataon, ginamit ang ilang wikang Tagalog upang ipabatid sa mambabasa ang sukat o timbang ng binabanggit, at ipinapaliwanag sa talababa ang katumbas na timbang o sukat sa sistemang Metriko. Para naman sa mga salapi, sa halip na isaling literal, pinagpasyahang gamitin ang mga karaniwang salitang may kinalaman sa pananalapi sa Pilipinas. Subalit sa mga lugar na kinakailangang ipahayag ang katumbas, ito’y tinatalakay sa talababa.
Ang kalakip na Talaan ng mga Salita ay isinaayos sa kaparaanang madaling magkaroon ng ideya ang mambabasa kung saang lupon ng kahulugan napapabilang ang salitang tinitingnan. Upang mabigyan naman ang mambabasa ng impormasyon patungkol sa mga kasaysayang binabanggit sa Banal na Kasulatan, ang Kronolohiya ng Biblia at ang mga Mapa ay isinama pa rin sa edisyong ito.
Ang Biblia ay hindi lamang isang magandang panitikan na dapat hangaan; ito ay ang Salita ng Diyos na naglalahad ng kanyang pagmamahal sa sangkatauhan. Mapagpakumbabang inihahandog ngayon ng Philippine Bible Society ang rebisyong ito at dinadalangin naming ang Salita ng Diyos ay patuloy na matapat na maisalin sa wikang nauunawaan, makahulugan, at makapagbabago ng buhay.
Sa Diyos ang lahat ng papuri at karangalan!