15
Wawasakin ng Diyos ang Moab
Ito+ ang pahayag tungkol sa Moab:
Noong gabing gibain ang Ar,
gumuho na ang Moab,
noong gabing wasakin ang Kir,
bumagsak na ang Moab.
Umahon sa mga templo ang mga taga-Dibon,*
upang sa mga burol sila ay manangis;
iniiyakan ng Moab ang Nebo at Medeba.
Bawat isa sa kanila'y nagpakalbo
at nag-ahit ng balbas dahil sa pagdadalamhati.
Lahat ay nagluluksa sa mga lansangan,
nanaghoy sila sa mga bubungan ng bahay
at sa mga liwasang-bayan.
Nananaghoy ang Hesbon at ang Eleale,
dinig hanggang Jahaz ang kanilang iyakan,
nasisindak pati mga mandirigma ng Moab,
silang mga kawal, ngayo'y naduduwag.
Nahahabag ako sa Moab,
nagsisitakas ang kanyang mamamayan
patungo sa lupain ng Zoar, hanggang Eglat-selisiya.
Lumuluha silang umahon sa gulod ng Luhit,
humahagulgol sa daang patungo sa Horonaim,
dahil sa kapahamakang kanilang sinapit.
Natuyo ang mga batis ng Nimrim,
natuyo ang mga damo, natigang ang mga kaparangan,
walang natirang sariwang halaman.
Kaya itinawid nila sa kabila ng Batis Herabim
ang lahat nilang kayamanan at ari-arian.
Laganap sa buong Moab ang iyakan,
abot sa Eglaim ang hagulgulan,
dinig na dinig hanggang sa Beer-elim.
Pumula sa dugo ang mga batis ng Dibon;
ngunit may iba pang sakunang inihanda ko para sa kanya:
Papatayin ng leon ang lahat ng matitira sa Moab.
+ 15:1 Isa. 25:10-12; Jer. 48:1-47; Eze. 25:8-11; Amos 2:1-3; Zef. 2:8-11. * 15:2 mga taga-Dibon: Sa ibang manuskrito'y mga tao at ang Dibon.