22
Ang Pahayag tungkol sa Jerusalem
Ito ang pahayag tungkol sa Libis ng Pangitain:
 
Anong nangyayari sa inyo?
Bakit kayong lahat ay nagdiriwang sa bubong ng inyong mga bahay?
Ang buong lunsod ay nagkakagulo;
punô ng ingay at kasayahan.
Ang mga anak mo'y namatay hindi sa pamamagitan ng espada;
hindi sila nasawi sa isang digmaan.
Nagsitakas nang lahat ang inyong mga pinuno
ngunit nahuling walang kalaban-laban.
Ang lahat ninyong mandirigma ay nabihag na rin
kahit nakatakas na at malayo na ang narating.
Kaya sinabi ko,
“Pabayaan ninyo ako!
Hayaan ninyong umiyak ako nang buong pait;
huwag na kayong magpumilit na ako'y aliwin,
dahil sa pagkawasak ng aking bayan.”
 
Sapagkat ito'y araw
ng kaguluhan, pagyurak at pagkalito
na itinalaga ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon,
sa Libis ng Pangitain.
Araw ng pagpapabagsak ng mga pader;
araw ng panaghoy na maririnig sa kabundukan.
Dala ng mga taga-Elam ang kanilang mga pana,
sakay ng kanilang mga karwahe at kabayo,
at dala naman ng mga taga-Kir ang kanilang kalasag.
Ang magaganda ninyong libis ay puno ng mga karwahe,
at sa mga pintuan ng Jerusalem ay nakaabang ang mga kabayuhan.
Durog na ang lahat ng tanggulan ng Juda.
 
Kapag nangyari ito, ilabas ninyo ang mga sandata mula sa arsenal. Sa araw na iyon nakita ninyo na maraming sira ang tanggulan ng Lunsod ni David at nag-imbak kayo ng tubig mula sa ibabang tipunan. 10 Binilang ninyo ang mga bahay sa Jerusalem at giniba ninyo ang ilan sa mga iyon upang gamitin ang mga bato sa pagpapatibay sa pader ng lunsod. 11 Gumawa kayo ng imbakan ng tubig sa pagitan ng dalawang pader, at pinuno ninyo iyon ng tubig mula sa Lumang Tipunan. Ngunit hindi ninyo naisip ang Diyos na siyang nagplano nito noon pang una at nagsagawa nito.
 
12 Nanawagan sa inyo si Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon,
upang kayo'y manangis at managhoy,
upang ahitin ninyo ang inyong buhok at magsuot ng damit-panluksa.
13 Ngunit+ sa halip, nagdiwang kayo at nagpakasaya,
nagpatay kayo ng tupa at baka
upang kainin, at nag-inuman kayo ng alak.
Ang sabi ninyo:
“Kumain tayo at uminom,
sapagkat bukas, tayo'y mamamatay.”
14 Ganito ang ipinahayag sa akin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:
“Ang kasalanang ito'y hindi ipapatawad sa inyo, hanggang sa kayo'y mamatay.”
Babala Laban kay Sebna
15 Ganito ang sabi sa akin ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon:
“Puntahan mo si Sebna,
ang katiwala ng palasyo
at sabihin mo sa kanya:
16 ‘Anong karapatan mong pumarito?
Sinong nagpahintulot sa iyo na humukay ng sariling libingang bato na inukab sa gilid ng bundok?
17 Sino ka man ay dadamputin ka ni Yahweh
at itatapon sa malayo!
18 Parang bola kang dadamputin at ihahagis sa malayong lupain.
Doon ka mamamatay, sa tabi ng ipinagmamalaki mong mga karwahe,
ikaw ang nagdadala ng kahihiyan sa sambahayan ng iyong panginoon.’
19 Aalisin kita sa iyong katungkulan,
palalayasin kita sa iyong kinalalagyan.
20 Tatawagin ko sa araw na iyon ang aking lingkod,
si Eliakim na anak ni Hilkias.
21 Siya ang pagsusuutin ko ng iyong buong kasuotan,
ibibigay ko sa kanya ang iyong kapangyarihan,
siya ang magiging ama ng mga taga-Jerusalem at ng mga taga-Juda.
22 Ibibigay+ ko sa kanya ang susi ng sambahayan ni David;
walang makakapagsara ng anumang buksan niya,
at walang makakapagbukas ng anumang sarhan niya.
23 Itatayo ko siyang parang haligi ng tolda,
itatayo ko nang matibay sa isang matatag na lugar,
at siya'y magiging marangal na trono sa sambahayan ng kanyang ama.”
24 Sa kanya maaatang ang lahat ng kaluwalhatian ng sambahayan ng kanyang ama. Ang kanyang mga kamag-anak ay sa kanya aasa, parang mga sisidlan, mga kopa at palayok na nakasabit. 25 “Kung magkagayon,” ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “mababali ang sabitan at malalaglag. At ang lahat ng nakasabit doon ay madudurog.”
+ 22:13 1 Cor. 15:32. + 22:22 Pah. 3:7.