35
Ang Landas ng Kabanalan
1 Muling sasaya ang ulilang lupain na matagal nang tigang;
mamumulaklak ang mga halaman sa disyerto.
2 Ang disyerto ay aawit sa tuwa,
ito'y muling gaganda tulad ng mga Bundok ng Lebanon
at mamumunga nang sagana tulad ng Carmel at Sharon.
Mamamasdan ng lahat ang kaluwalhatian
at kapangyarihan ni Yahweh.
3 Inyong palakasin ang mahinang kamay,
at patatagin ang mga tuhod na lupaypay.
4 Ito ang sabihin sa pinanghihinaan ng loob:
“Huwag kang matakot, lakasan mo ang iyong loob!
Darating na ang Diyos,
at ililigtas ka sa mga kaaway.”
5 Ang mga bulag ay makakakita,
at makakarinig ang mga bingi.
6 Ang mga pilay ay lulundag na parang usa,
aawit sa galak ang mga pipi.
Mula sa kaparangan ay aagos ang tubig,
at dadaloy sa disyerto ang mga batis.
7 Ang nakakapasong buhanginan ay magiging isang lawa,
sa tigang na lupa ay bubukal ang tubig.
Ang dating tirahan ng mga asong-gubat,
ay tutubuan ng tambo at talahib.
8 Magkakaroon ng isang maluwang na lansangan,
na tatawaging Landas ng Kabanalan.
Sa landas na ito ay hindi makakaraan,
ang mga makasalanan at mga hangal.
9 Walang leon o mabangis na hayop
na makakapasok doon;
ito'y para lamang sa mga tinubos.
10 Babalik sa Jerusalem ang mga tinubos ni Yahweh
na masiglang umaawit ng pagpupuri.
Paghaharian sila ng kaligayahan.
Ang lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak magpakailanman.