10
Idinaing ni Job ang Kanyang Kalagayan
1 “Ako'y nagsasawa na sa buhay kong ito,
sasabihin ko nang lahat, mapapait kong reklamo.
2 Aking Diyos, huwag n'yo muna akong hatulan,
sabihin ninyo sa akin ang inyong paratang.
3 Tama ba namang iyong pagmalupitan,
parusahan at itakwil ang likha ng iyong kamay?
At ang gawain ba ng masamang tao ang iyong magugustuhan?
4 Ang iyo bang nakikita'y tulad din ng nakikita namin?
5 Ang iyo bang buhay ay maikling tulad ng sa amin?
6 Kung gayo'y bakit mo ako hinahanapan
ng pagkakasala at kamalian?
7 Alam mo namang wala akong kasalanan,
at walang makakapagligtas sa akin mula sa iyong mga kamay.
8 “Ang mga kamay mo ang sa aki'y lumikha,
ngayo'y kamay mo rin ang sa aki'y sumisira.
9 Di ba't mula sa lupa ay ginawa mo ako,
ngayon ba'y pupulbusin at ibabalik dito?
10 Niloob mong ako'y manggaling sa aking ama,
inaruga, pinalaki sa tiyan ng aking ina.
11 Nilagyan mo ng buto at litid ang aking katawan,
saka binalutan ng balat at kalamnan.
12 Ako'y binigyan mo ng buhay at wagas na pagmamahal,
at ang pagkalinga mo ang sa aki'y bumuhay.
13 Ngunit ngayo'y alam ko na, ang iyong balak,
matagal nang panahong gusto akong ipahamak.
14 Kapag ako'y nagkasala, ito'y iyong tinatandaan,
upang ipagkait mo sa akin ang kapatawaran.
15 Kapag ako'y nagkasala, may katapat itong parusa,
kapag gumawa ako ng mabuti, wala namang gantimpala.
Punung-puno ng kahihiyan, itong aking abang buhay.
16 Kung ako'y magtagumpay,
parang leon mong tutugisin,
gumagamit ka pa ng himala upang ako'y kalabanin.
17 Palagi kang may testigo laban sa akin,
ang galit mo sa aki'y tumitindi bawat oras,
palagi kang may naiisip na panibagong bitag.
18 “Bakit mo hinayaang ako ay isilang pa?
Namatay na sana ako bago pa mayroong sa aki'y nakakita.
19 Bago ako isinilang ako sana'y namatay na,
sa libingan sana nagtuloy mula sa tiyan ng aking ina.
20 Maikli na ang aking buhay kaya't ako'y tigilan mo na
upang sa aking natitirang araw makadama ng kaunting ginhawa.
21 Ako'y malapit nang pumanaw, at hindi na magbabalik;
ang pupuntahan ko'y madilim at mapanglaw na daigdig.
22 Isang lupain ng anino at kaguluhan,
na ang pinakailaw ay ang kadiliman.”