29
Sinariwa ni Job ang Maliligaya Niyang Araw
1 Muling nagsalita si Job,
2 “Kung maibabalik ko lang ang mga unang araw
noong ang Diyos sa akin ay palagi pang nagbabantay;
3 Nang ang liwanag niya sa akin ay gumagabay,
sa paglakad ko sa dilim, siya ang aking tanglaw.
4 Noon, ako ay sagana, maluwag ang pamumuhay,
kaibigang matalik ang Diyos na buháy, at sa buong pamilya ko, siya ang patnubay.
5 Noon ay malapit ang Makapangyarihang Diyos sa akin,
at ang mga anak ko'y lagi sa aking piling.
6 Masagana ang gatas mula sa aking kawan,
olibong nagbibigay ng langis, tumutubo kahit sa batuhan.
7 Kapag pumupunta ako noon sa mga kapulungan,
at nauupong kasama ng mga pinuno ng bayan,
8 kapag ako'y natanaw, mga kabataa'y nagbibigay-daan,
mga matatanda nama'y tumatayo at nagbibigay-galang.
9-10 Ihihinto ng pinuno, kanilang usapan,
at mga maharlika'y tatahimik na lamang.
11 “Kapag ako'y nakita at kanilang narinig,
sila'y sumasang-ayon at sa aki'y pumapanig.
12 Sapagkat tinulungan ko ang dukha sa kanilang pangangailangan,
dinamayan ko ang mga ulilang wala nang mapuntahan.
13 Pinupuri ako ng mga dumanas ng kasawian,
natulungang mga biyuda sa tuwa'y nag-aawitan.
14 At ang lagi kong adhikain, katarungan at katuwiran ay siyang pairalin.
15 Para sa mga bulag, ako'y nagsilbing mata;
at sa mga pilay, ako ang kanilang paa.
16 Nagsilbi akong ama ng mga mahihirap,
kahit di ko kilala ay aking nililingap.
17 Ang lakas ng masasama, aking sinisira
ang kanilang mga bihag, sinikap kong mapalaya.
18 “Umaasa ako noong hahaba ang aking buhay,
at sa aking tahanan payapang mamamatay.
19 Tulad ko noo'y punongkahoy na sa tubig ay sagana,
at ang mga sanga, sa hamog laging basa.
20 Pinupuri ako ng halos lahat,
at di nauubos ang aking lakas.
21 Sa mga payo ko sila'y nananabik,
sa sinasabi ko sila'y nakikinig.
22 Ang sinabi ko'y di na dapat ulitin,
pagkat sa isip agad itong naitatanim.
23 Sa mga sasabihin ko'y lagi silang naghihintay,
salita ko'y parang ulan sa panahon ng tag-araw.
24 At ang aking mga ngiti sa kanila'y pampalakas-loob,
sa saya ng aking mukha silang lahat ay nalulugod.
25 Para akong hari na sa hukbo'y nag-uutos,
at nagbibigay ng aliw kapag sila'y nalulungkot.