32
Ang Pananalita ni Elihu
(32:1–37:24)
1 Hindi na nakipagtalo pa ang tatlong kausap ni Job sapagkat talagang iginigiit niyang wala siyang kasalanan.
2 Samantala, may nakikinig noon sa kanilang pag-uusap, isang lalaki na nagngangalang Elihu. Siya ay anak ni Baraquel, apo ni Bus na mula sa angkan ni Ram. Nagalit si Elihu kay Job sapagkat nagmamatuwid si Job sa kanyang sarili at sinisisi pa niya ang Diyos.
3 Nagalit din siya sa tatlong kaibigan ni Job sapagkat hindi nila masagot ang mga sinabi nito at parang lumalabas na ang Diyos ang may kasalanan.
4 Pinakabata si Elihu sa mga naroon kaya hinintay niyang makapagsalita muna ang lahat.
5-6 Nang wala nang maisagot ang tatlo, nagalit ito at sinabi,
“Bata ako at kayo'y matatanda,
kaya ako'y nag-aalangang magsalita.
7 Palagay ko'y nararapat na kayo muna ang magsalita,
at mamahagi ng karunungan ang nakatatanda.
8 Ngunit ang karunungan ay saan ba nagbubuhat?
Di ba sa Diyos na Makapangyarihan?
9 Ngunit hindi dahil matanda ay may pang-unawa,
hindi dahil may edad na'y alam na ang tama.
10 Kaya makinig kayo ngayon sa aking sasabihin,
itong aking opinyon, inyo namang dinggin.
11 “Matiyaga akong nakinig sa inyong pananalita,
at habang naghahanap kayo ng mahuhusay na kataga.
12 Ngunit sa aking narinig, ako'y tunay na nalungkot,
hindi ninyo napabulaanan ang sinabi nitong si Job.
13 Huwag ninyong sabihing natuklasan na ninyo ang karunungan,
sa sinabi nitong si Job, Diyos lang ang may kasagutan.
14 Kayo at hindi ako ang kausap nitong si Job,
kaya iba sa pahayag ninyo itong aking isasagot.
15 “Job, hindi sila makakibo at wala nang masabi,
16 sila ay natitigilan, hindi na makapagsalita,
mananatili ba akong naghihintay sa wala?
17 Hindi! Sasagutin kong lahat ang iyong binanggit,
sasabihin ko sa iyo ang aking iniisip.
18 Di na ako makapaghintay na magsalita,
di ko na mapipigilan ang aking mga kataga.
19 Kapag ang nasa loob ko ay hindi naibulalas,
ang dibdib ko ay puputok, laman nito'y sasambulat.
20 Hindi na nga maaari na ako ay maghintay pa,
di na ako makatiis kaya ako'y nangusap na.
21 Sa inyong usapan ay wala akong papanigan,
ang sinuman sa inyo'y hindi ko papupurihan.
22 Ang di tapat na papuri ay hindi ko nakaugalian,
kapag ginawa ko ito, ako'y paparusahan.