Ang Aklat ng
JOEL
Panimula
Kakaunti ang alam natin tungkol kay Propeta Joel at hindi malinaw kung kailan siya nabuhay. Ngunit marahil nasulat ang aklat na ito noong ikalima at ikaapat na siglo B.C., sa panahon ng pamamayani ng Imperyo ng Persia. Inilalarawan ni Joel ang nakahihindik na pananalakay ng mga balang at ang malubhang tagtuyot na nangyari sa Palestina. Sa mga pangyayaring ito'y nakikita niya ang palatandaan ng pagdating ng Araw ni Yahweh—ang panahon ng pagpaparusa niya sa mga sumasalungat sa kanyang matuwid na kalooban. Ipababatid ng propeta ang panawagan ni Yahweh sa mga tao upang magsisi at ang kanyang pangakong muling ibabalik at pagpapalain ang kanyang bayan. Kapansin-pansin ang pangako ng Diyos na ipadadala niya ang kanyang Espiritu sa lahat ng tao—lalaki at babae, bata at matanda.
Nilalaman
Ang pananalakay ng mga balang 1:1–2:17
Ang pangakong muling ibabalik 2:18-27
Ang araw ni Yahweh 2:28–3:21
1
Pagdadalamhati Dahil sa Pagkasira ng Pananim
Ang aklat na ito ay naglalaman ng mensahe ni Yahweh sa pamamagitan ni Joel na anak ni Petuel.
Makinig kayo, matatandang pinuno,
pakinggan ninyo ito, lahat ng nasa Juda.
May nangyari na bang ganito sa inyong panahon,
o sa panahon ng inyong mga ninuno?
Isalaysay ninyo ito sa inyong mga anak,
upang maisalaysay naman nila ito sa magiging mga anak nila,
at sila ang magsasabi nito sa kasunod nilang salinlahi.
 
Pinagsawaan ng laksa-laksang balang ang mga pananim;
kinain ng sumunod ang natira ng una.
Gumising kayo at tumangis, mga maglalasing!
Umiyak kayo, mga manginginom!
Sapagkat wala nang ubas na magagawang alak.
 
Sinalakay+ ng makapal na balang ang ating lupain.
Sila'y mapangwasak at di mabilang;
parang ngipin ng leon ang kanilang mga ngipin.
Sinira nila ang ating mga ubasan
at sinalanta ang mga puno ng igos.
Sinaid nila ang balat ng mga puno,
kaya't namuti pati mga sanga.
 
Tumangis ka, bayan, gaya ng isang dalagang nagluluksa
dahil sa pagkamatay ng binatang mapapangasawa niya.
Walang butil o alak na maihahandog sa Templo ni Yahweh;
kaya't nagdadalamhati pati mga pari dahil wala silang maihandog kay Yahweh.
10 Walang maani sa mga bukirin,
nagdadalamhati ang lupa;
sapagkat nasalanta ang mga trigo,
natuyo ang mga ubas,
at nalanta ang mga punong olibo.
 
11 Malungkot kayo, mga magsasaka!
Umiyak kayong nag-aalaga ng mga ubasan, trigo at sebada,
sapagkat lahat ng pananim ay pawang nasalanta.
12 Natuyo ang mga ubasan, nalanta ang mga puno ng igos;
ang mga punong granada, palma at mansanas—lahat ng punongkahoy ay natuyo;
at nawala ang kagalakan ng mga tao.
13 Magluksa kayo at tumangis,
mga paring naghahandog sa altar.
Pumasok kayo sa Templo at magdamag na magluksa.
Walang trigo o alak na naihahandog sa inyong Diyos.
14 Iutos ninyo na mag-ayuno ang lahat.
Tipunin ninyo ang mga tao.
Tipunin ninyo ang matatandang pinuno
at ang lahat ng taga-Juda,
sa Templo ni Yahweh na inyong Diyos
at dumaing sa kanya.
15 Malapit+ na ang araw ni Yahweh,
ang araw ng pangwawasak ng Makapangyarihang Diyos.
16 Di ba't kitang-kita natin ang pagkasira ng mga pananim,
at ang pagkapawi ng kagalakan at kasiyahan sa templo ng ating Diyos?
17 Hindi sumisibol ang mga binhi sa tigang na lupa.
Walang laman ang mga kamalig,
at wasak ang mga imbakan, sapagkat ang mga trigo ay hindi sumibol.
18 Umungal ang mga baka
sapagkat walang mapagpastulan sa kanila.
Gayundin naman, ang mga kawan ng tupa ay wala na ring makain.
19 O Yahweh, dumaraing ako sa iyo,
sapagkat natuyo ang mga pastulan,
at ang mga punongkahoy ay parang sinunog ng apoy.
20 Maging ang mga hayop sa gubat ay dumaraing sa iyo
sapagkat natuyo rin ang mga batis,
at ang pastulan ay parang tinupok ng apoy.
+ 1:6 Pah. 9:8. + 1:15 Isa. 13:6.