Ang Aklat ng
JEREMIAS
Panimula
Si Propeta Jeremias ay nabuhay noong huling bahagi ng ikapitong siglo at unang bahagi ng ikaanim na siglo B.C. Sa loob ng kanyang mahabang paglilingkod, binabalaan niya ang bayan ng Diyos tungkol sa kapahamakang darating dahil sa pagsamba nila sa mga diyus-diyosan at sa iba pang kasalanan. Nakita niya ang katuparan nito nang ang Jerusalem ay sakupin ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia, winasak ang lunsod at ang Templo, at dalhing-bihag sa Babilonia ang hari ng Juda at ang maraming mamamayan. Ipinahayag din niya ang magaganap na pagbabalik ng mga binihag at ang muling pagtatayo ng bansa.
Ang Aklat ng Jeremias ay nahahati sa sumusunod: 1) Ang pagkatawag kay Jeremias. 2) Mga pahayag ng Diyos sa Juda at sa kanyang mga pinuno nang panahon ng paghahari nina Josias, Jehoiakim, Jehoiakin, at Zedekias. 3) Kasulatan mula sa aklat-talaan ni Baruc, ang kalihim ni Jeremias, kabilang ang iba't ibang pagpapahayag at mahahalagang pangyayari sa buhay ng propeta. 4) Mga pahayag mula kay Yahweh tungkol sa iba't ibang bansa. 5) Apendiseng pangkasaysayan na nag-uulat tungkol sa kasaysayan ng pagbagsak ng Jerusalem at pagkakadalang-bihag sa Babilonia.
Si Jeremias ay isang lalaking may malambot na kalooban at labis na nagmahal sa kanyang mga kababayan. Hindi niya ibig magpahayag ng kahatulan sa kanila bagama't kinakailangan. Sa maraming bahagi ng aklat na ito ay inilahad niya ang mga hirap na kanyang tiniis dahil sa pagkatawag sa kanya ng Diyos na maging propeta. Ang salita ni Yahweh ay parang apoy sa kanyang puso; hindi niya ito masugpo.
Ang ilan sa pangunahing nilalaman ng aklat na ito ay tumutukoy sa panahon makalipas ang magulong kalagayan ng kapanahunan ni Jeremias hanggang sa pagkakaroon ng bagong kasunduan na isasagawa ng bayan ng Diyos, kahit walang gurong magpapaalaala sa kanila sapagkat masusulat ito sa kanilang mga puso (31:31-34).
Nilalaman
Ang pagkatawag kay Jeremias 1:1-19
Mga pahayag sa panahon ng paghahari nina Josias, Jehoiakim, Jehoiakin, at Zedekias 2:1–25:38
Mga pangyayari sa buhay ni Jeremias 26:1–45:5
Mga pahayag laban sa mga bansa 46:1–51:64
Ang pagbagsak ng Jerusalem 52:1-34
1
Ang Pagtawag at Pagsusugo kay Jeremias
1 Ang aklat na ito ay naglalaman ng mga sinabi at ginawa ni Jeremias na anak ni Hilkias, isang pari na mula sa bayan ng Anatot, sa lupain ni Benjamin.
2 Si Yahweh ay nagpahayag sa kanya noong ikalabintatlong taon ng paghahari sa Juda ni Haring Josias, anak ni Haring Ammon.
3 Muling nagpahayag si Yahweh sa kanya nang si Jehoiakim na anak ni Josias ang hari ng Juda. Maraming beses pa siyang nagpahayag pagkatapos noon hanggang sa ikalabing isang taon ng paghahari ni Zedekias na anak rin ni Josias. At noong ikalimang buwan din ng taóng iyon, ang mga taga-Jerusalem ay sinakop at dinalang-bihag sa ibang bansa.
Ang Pagkatawag kay Jeremias
4 Sinabi sa akin ni Yahweh,
5 “Bago ka pa ipinaglihi at ipanganak ay pinili na kita upang maging propeta para sa lahat ng bansa.”
6 Ang sagot ko naman, “Panginoong Yahweh, hindi po ako magaling na tagapagsalita; bata pa po ako.”
7 Subalit ang sabi niya sa akin, “Huwag mong sabihing bata ka pa. Pumunta ka sa mga taong sasabihin ko sa iyo. Ipahayag mo sa lahat ang aking sasabihin sa iyo.
8 Huwag kang matakot sa kanila sapagkat ako'y kasama mo at iingatan kita. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.”
9 Pagkatapos, iniunat ni Yahweh ang kanyang kamay, hinipo ang aking mga labi, at sinabi, “Ngayon ay ibinigay ko na sa iyo ang mga mensaheng dapat mong sabihin.
10 Ibinibigay ko rin ngayon sa iyo ang kapangyarihang mangaral sa mga bansa at kaharian, upang sila'y bunutin at ibagsak, wasakin at itapon, itayo at itanim.”
Dalawang Pangitain
11 Tinanong ako ni Yahweh, “Jeremias, ano ang nakikita mo?”
“Sanga po ng almendra,” sagot ko.
12 “Tama ka,” ang sabi ni Yahweh, “sapagkat ako'y magbabantay upang matiyak na matutupad nga ang aking mga sinasabi.”
13 Muli akong tinanong ni Yahweh, “Ano pa ang nakikita mo?”
Sumagot ako, “Isa pong kalderong kumukulo ang laman at halos tumagilid na mula sa gawing hilaga.”
14 At sinabi niya sa akin, “Mararanasan ng lahat ng naninirahan sa lupaing ito ang isang pagkawasak na magmumula sa hilaga.
15 Tatawagin ko ang lahat ng bansa sa hilaga. Darating silang lahat at ang kanilang mga hari'y maglalagay ng kani-kanilang trono sa harap ng pintuan ng Jerusalem, sa paligid ng mga pader nito, at sa ibang mga lunsod ng Juda.
16 Paparusahan ko ang aking bayan dahil sa kanilang kasalanan; tumalikod sila sa akin. Naghandog sila at sumamba sa mga diyus-diyosang ginawa ng kanilang mga kamay.
17 Humanda ka at magpakatatag; sabihin mo sa kanila ang lahat ng iuutos ko. Huwag kang matatakot sa kanila kundi'y hahayaan nga kitang matakot kung ikaw ay nasa kalagitnaan nila.
18-19 Subalit pakinggan mo itong mabuti, Jeremias! Ang bawat isa sa buong Juda—kasama na ang mga hari, mga pinuno, mga pari, at ang buong bayan—ay kakalabanin ka. Ngunit hindi sila magtatagumpay. Magiging sintatag ka ng isang lunsod na ligtas sa anumang panganib, sintibay ng haliging bakal o pader na tanso. Hindi ka nila matatalo sapagkat iingatan kita. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.”