13
Ang Talinghaga ng mga Damit-panloob
1 Ganito ang utos sa akin ni Yahweh, “Bumili ka ng mga damit-panloob na yari sa linen at iyong isuot ngunit huwag mong babasain.”
2 Kaya bumili nga ako ng damit-panloob, ayon sa sinabi ni Yahweh, at aking isinuot.
3 Pagkatapos ay inutusan akong muli ni Yahweh,
4 “Pumunta ka sa Ilog Eufrates; hubarin mo ang damit-panloob, at iyong itago sa isang butas sa bato.”
5 Kaya ginawa ko ang iniutos sa akin ni Yahweh at pagkatapos, ako'y umuwi.
6 Makalipas ang maraming araw, pinabalik niya ako sa Eufrates upang kunin ang mga damit-panloob na kanyang ipinatago.
7 Nagbalik naman ako sa Eufrates at kinuha ang damit sa aking pinagtaguan. Ngunit sira na ito at hindi na mapapakinabangan.
8 Muling nagsalita si Yahweh,
9 “Ganyan ang gagawin ko sa palalong Juda at sa mas palalo pang Jerusalem.
10 Ang masasamang taong ito'y hindi sumunod sa aking mga utos; lalo silang nagmatigas at sinunod ang kanilang sariling kagustuhan. Sumamba pa sila at naglilingkod sa mga diyus-diyosan. Matutulad sila sa sirang damit-panloob na wala nang kabuluhan.
11 Kung paanong kumakapit sa katawan ng tao ang damit-panloob, gayon ang nais ko sa mga taga-Israel at taga-Juda—na sila'y kumapit sa akin nang mahigpit. Ginawa ko ito upang sila'y maging karapat-dapat na bansang hinirang, at sa gayo'y papurihan nila at parangalan ang aking pangalan. Ngunit ayaw naman nilang sumunod sa akin.”
Ang Talinghaga ng Lalagyan ng Alak
12 Sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Sabihin mo sa kanila na ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Punuin ninyo ng alak ang bawat tapayan. Ganito naman ang isasagot nila, ‘Alam namin na dapat punuin ng alak ang bawat tapayan.’
13 Pagkatapos, sasabihin mo sa kanila, ‘Ang mga tao sa lupaing ito ay paiinumin ni Yahweh ng alak hanggang sa sila'y malasing: mula sa mga hari na mga salinlahi ni David, mga pari, mga propeta, at lahat ng tao sa Jerusalem.
14 At pagkatapos, pag-uumpug-umpugin ko silang parang mga tapayan hanggang madurog na lahat, matatanda't mga bata. Hindi ko sila kahahabagan kaunti man kapag ginawa ko ito.’ ”
Nagbababala si Jeremias tungkol sa Kapalaluan
15 Mga Israelita, si Yahweh ay nagpahayag na!
Magpakumbaba kayo at siya'y dinggin.
16 Parangalan ninyo si Yahweh na inyong Diyos,
bago niya palaganapin ang kadiliman,
at bago kayo madapa sa mga bundok kapag dumilim na;
bago niya gawing matinding kadiliman
ang liwanag na inaasahan ninyo.
17 Ngunit kung hindi kayo makikinig,
palihim akong tatangis dahil sa inyong kapalaluan;
buong kapaitan akong iiyak, at tutulo ang aking mga luha
sapagkat nabihag ang bayan ko.
18 Sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Sabihin mo sa hari at sa kanyang inang reyna na bumabâ na sa kanilang trono sapagkat naalis na sa kanilang ulo ang magaganda nilang korona.
19 Nasakop na ang mga bayan sa timog ng Juda; wala nang makapasok doon. Dinalang-bihag ang mga taga-Juda at ipapatapong lahat.”
20 Masdan ninyo, mga taga-Jerusalem! Dumarating na mula sa hilaga ang inyong mga kaaway. Nasaan ang mga taong ipinagkatiwala sa inyo, ang bayang ipinagmamalaki ninyo?
21 Ano ang sasabihin mo kapag sinakop ka at pinagharian ng mga taong inakala mong mga kaibigan? Maghihirap ka tulad ng isang babaing nanganganak.
22 At kung itanong mo kung bakit nangyari ito sa iyo: kung bakit napunit ang iyong damit, at kung bakit ka pinagsamantalahan; ang dahilan ay napakabigat ng iyong kasalanan.
23 Kaya bang baguhin ng isang Etiope ang kulay ng kanyang balat o maaalis kaya ng isang leopardo ang kanyang mga batik? Kapag iyan ay nangyari, matututo na rin kayong gumawa ng matuwid, kayo na walang ginagawa kundi pawang kasamaan.
24 Dahil dito, pangangalatin kayo ni Yahweh, tulad ng ipang ipinapadpad ng hangin.
25 “Iyan ang mangyayari sa inyo,” sabi ni Yahweh. “Iyan ang gagawin ko sa inyo, sapagkat ako'y kinalimutan ninyo at naglingkod kayo sa mga diyus-diyosan.
26 Huhubaran kita at malalantad ka sa kahihiyan.
27 Nakita ko ang mga kasuklam-suklam na gawa mo: Ang iyong pagsamba sa mga diyus-diyosang nasa mga burol at kabukiran; tulad ng lalaking nagnanasa sa asawa ng kanyang kapwa, gaya ng kabayong lalaki na humahalinghing pagkakita sa isang kabayong babae. Nakatakda na ang iyong kapahamakan, Jerusalem! Kailan ka pa kaya magsisisi upang maging malinis ka?”