3
Ang Taksil na Israel
1 Sinabi ni Yahweh, “Kapag ang isang babae ay pinalayas at hiniwalayan ng kanyang asawa, at siya'y mag-asawa ng ibang lalaki, hindi na siya dapat tatanggapin ng unang asawa. Ang ganito'y magpaparumi sa lupain. Subalit ikaw, Israel, kay rami mong kinasama, at ngayo'y ibig mong magbalik sa akin!
2 Tumingin ka sa tuktok ng mga burol; may lugar ba roong hindi mo dinungisan ng iyong kahalayan? Para kang babaing nagbebenta ng sarili na naghihintay ng manliligaw sa mga tabing-daan. Tulad mo'y Arabong nag-aabang ng biktima sa ilang. Dahil sa mahalay mong pamumuhay, ang lupain ay nadungisan.
3 Para kang babaing bayaran, wala ka nang kahihiyan! Dahil dito'y pinigil ko ang ulan at hindi pumatak kahit sa panahon ng tagsibol.
4 “At ngayo'y sinasabi mong ako ang iyong ama na umiibig sa iyo mula pa sa pagkabata,
5 at hindi magtatagal ang galit sa iyo. Ito'y pansamantala lamang. Iyan ang sinasabi mo, Israel, ngunit ang iyong ginagawa ay pawang kasamaan.”
Isang Panawagan Upang Magsisi
6 Noong panahon ni Haring Josias, sinabi sa akin ni Yahweh: “Nakita mo ba ang ginawa ng taksil na Israel? Umaakyat siya sa bawat burol at nakikipagtalik sa lilim ng mayayabong na punongkahoy.
7 Akala ko'y babalik siya sa akin matapos gawin iyon. Ngunit hindi, at sa halip ay nakita pa ito ng kapatid niyang taksil na si Juda.
8 Nakita rin ng Juda nang pinalayas at hiwalayan ko ang Israel dahil sa pagtataksil sa akin at pagiging masamang babae. Ngunit hindi man lamang natakot ang taksil ding Juda. Naging masama rin siyang babae.
9 Ito'y hindi niya ikinahiya, bagkus ay dinumihan ang lupain nang mangalunya siya sa pamamagitan ng pagsamba sa mga bato at punongkahoy.
10 At pagkatapos ng lahat ng ito, nagkunwari ang taksil na Juda na bumabalik sa akin ngunit ito'y hindi taos sa kanyang puso. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.”
11 Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh na kahit tumalikod sa kanya ang Israel, ito'y hindi kasinsama ng taksil na Juda.
12 Inutusan niya akong magpunta sa hilaga at sabihin sa Israel, “Manumbalik ka, taksil na Israel. Hindi na kita kagagalitan sapagkat ako'y mahabagin. Hindi habang panahon ang galit ko sa iyo.
13 Aminin mo lamang na nagkasala ka at naghimagsik laban kay Yahweh na iyong Diyos. Sabihin mo na sa ilalim ng bawat punongkahoy ay nakiapid ka sa kahit sinong diyos at hindi ka sumunod sa aking mga utos,” ang sabi ni Yahweh.
14 “Magbalik kayo sa akin, kayong mga taksil na anak, sapagkat ako ang inyong Panginoon,” sabi pa ni Yahweh. “Kukuha ako sa inyo ng isa sa bawat bayan at dalawa sa bawat angkan at ibabalik ko kayo sa Bundok ng Zion.
15 Bibigyan ko kayo ng mga pinunong sumusunod sa akin, at pamamahalaan nila kayo nang buong katalinuhan at pagkaunawa.
16 At kung dumami na kayo sa lupaing iyon, hindi na pag-uusapan ng mga tao ang tungkol sa Kaban ng Tipan ni Yahweh. Hindi na nila ito iisipin o aalalahanin. Hindi na rin nila ito kakailanganin o gagawa ng isa pa.
17 Sa araw na iyon, ang Jerusalem ay tatawaging ‘Luklukan ni Yahweh’. Lahat ng bansa'y magkakatipon doon upang sambahin ako. Hindi na nila gagawin ang kasamaang kanilang gustong gawin.
18 Magkakaisa ang Israel at ang Juda. Magkasama silang babalik mula sa hilaga at maninirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga magulang, upang maging kanila magpakailanman.”
Sumamba sa Diyus-diyosan ang Israel
19 Sinabi ni Yahweh,
“Itinuring kitang anak, Israel,
at binigyan ng lupaing pinakamainam sa lahat,
sapagkat inakala kong kikilalanin mo akong ama,
at hindi ka na tatalikod sa akin.
20 Ngunit gaya ng taksil na asawa, iniwan mo ako.
Hindi ka naging tapat sa akin.”
21 May narinig na ingay sa mga kaburulan.
Nananangis ang mga taga-Israel
dahil sa mabigat nilang kasalanan;
at kinalimutan nila si Yahweh na kanilang Diyos.
22 “Manumbalik kayo, mga anak na taksil,” sabi ni Yahweh,
“pinapatawad ko na kayo sa inyong mga kasalanan.”
Sabihin ninyo: “Oo, lalapit na kami sapagkat si Yahweh ang aming Diyos!
23 Walang naitulong sa amin ang mga diyus-diyosang sinasamba namin sa kaburulan. Si Yahweh lamang na aming Diyos, ang tunay na kaligtasan ng Israel.
24 Dahil sa aming pagsamba kay Baal, nawala sa amin ang lahat ng bagay na pinaghirapan ng aming mga magulang, mula pa noong una—ang aming mga anak, mga hayop at mga kawan.
25 Dapat kaming manliit sa kahihiyan, sapagkat kami'y nagkasala kay Yahweh, kami at ang aming mga magulang. Mula sa pagkabata hanggang ngayon, hindi namin sinunod ang tinig ni Yahweh na aming Diyos.”