7
Ang Kasalanan ni Acan
1 Ngunit nilabag ng Israel ang utos ni Yahweh na huwag kukuha sa Jerico ng mga bagay na ipinawawasak ni Yahweh bilang handog sa kanya. Si Acan na anak ni Karmi, apo ni Zabdi at apo-sa-tuhod ni Zera, mula sa lipi ni Juda, ay kumuha ng ilang bagay na ipinagbabawal kunin. Kaya't nagalit sa kanila si Yahweh.
2 Samantala, nagsugo si Josue ng ilang tao buhat sa Jerico upang lihim na magmanman sa lunsod ng Ai na nasa silangan ng Bethel at malapit sa Beth-aven.
3 Pagbabalik nila'y sinabi nila kay Josue, “Hindi na po kailangang pumaroon ang lahat. Magpadala lamang kayo ng mga dalawang libo hanggang tatlong libong mandirigma upang sumalakay sa lunsod ng Ai. Huwag na ninyong pagurin ang lahat, sapagkat maliit lang ang lunsod na iyon.”
4 Kaya't tatlong libong Israelita lang ang sumalakay sa Ai, ngunit sila'y naitaboy ng mga tagaroon.
5 Hinabol sila buhat sa pintuan ng lunsod hanggang sa tibagan ng bato. Tatlumpu't anim ang napatay sa kanila nang sila'y umatras pababa sa bundok, kaya't natakot sila at nasiraan ng loob.
6 Pinunit ni Josue at ng pinuno ng Israel ang kanilang kasuotan dahil sa matinding paghihinagpis. Nagpatirapa sila sa harap ng Kaban ng Tipan ni Yahweh. Naglagay din sila ng abo sa ulo bilang tanda ng kalungkutan hanggang sa paglubog ng araw.
7 At sinabi ni Josue, “Panginoong Yahweh, bakit pa ninyo kami pinatawid ng Ilog Jordan kung ipalilipol din lamang sa mga Amoreo? Mabuti pa'y nanatili na kami sa kabila ng Jordan!
8 Anong sasabihin ko, Panginoon, ngayong umatras sa labanan ang bayang Israel?
9 Mababalitaan ito ng mga Cananeo at ng iba pang naninirahan sa lupaing ito. Pagtutulung-tulungan nila kaming lipulin sa balat ng lupa. Wala po ba kayong gagawin upang ipagtanggol ang inyong dakilang pangalan?”
10 Sumagot si Yahweh, “Tumayo ka! Bakit ka nagpapatirapa nang ganyan?
11 Nagkasala ang bayang Israel! Sumira sila sa kasunduang ibinigay ko sa kanila sapagkat kumuha sila ng mga bagay na nakatakdang wasakin. Ninakaw nila ang mga iyon, itinago at isinama sa kanilang mga ari-arian.
12 Iyan ang dahilan kaya sila natalo ng kanilang kaaway. Natakot sila sapagkat sila rin ay dapat lipulin. Hindi ko na kayo tutulungan hanggang hindi ninyo isinusuko ang bagay na ipinagbabawal ko sa inyo.
13 Tumayo ka at sabihin mo sa bayan na maghanda sila bukas sa pagharap sa akin, sapagkat akong si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ay ganito ang sasabihin: ‘Ikaw rin, Israel, ay dapat wasakin sapagkat may nagtatago sa inyo ng mga bagay na ipinag-utos kong wasakin. Hindi kayo makakaharap sa inyong mga kaaway hanggang hindi naaalis sa inyo ang mga bagay na iyan!
14 Kaya bukas ng umaga, haharap kayo sa akin ayon sa inyu-inyong lipi. Ang liping mapili ko ay hahanay ayon sa kani-kanilang angkan. Ang angkan naman na mapili ko ay hahanay rin ayon sa kani-kanilang sambahayan. At ang sambahayang mapili ko ay hahanay na isa-isa.
15 Ang kakitaan ng mga bagay na ipinag-utos kong wasakin ay siyang ihahagis sa apoy, kasama ang kanyang sambahayan at mga ari-arian, sapagkat hindi niya iginalang ang kasunduang ibinigay ko sa kanila at nagdulot siya ng napakalaking kahihiyan sa buong Israel.’ ”
16 Kinabukasan, maagang bumangon si Josue at pinahanay ang buong Israel ayon sa kani-kanilang lipi, at napili ang lipi ni Juda.
17 Tinawag ang lipi ni Juda at napili ang angkan ni Zera. Tinawag ang angkan ni Zera at napili ang sambahayan ni Zabdi.
18 Tinawag ang sambahayan ni Zabdi at napili si Acan, na anak ni Karmi at apo ni Zabdi, na anak ni Zera.
19 Kaya't sinabi ni Josue kay Acan, “Anak, nasa harapan ka ni Yahweh, ang Diyos ng Israel! Igalang mo ang kanyang pangalan. Magsabi ka ng totoo. Huwag kang magkakaila ng anuman! Ano ang ginawa mo?”
20 Sumagot si Acan, “Totoo pong nagkasala ako kay Yahweh, ang Diyos ng Israel.
21 Sa mga bagay na nasamsam ko sa Jerico, may nakita akong isang mamahaling balabal na yari sa Babilonia, halos walong librang pilak, at isang baretang ginto na mahigit pang dalawang libra. Kinuha ko ang mga iyon at ibinaon sa lupa, sa loob ng aking tolda. Nasa kailaliman po ang pilak.”
22 Nagsugo si Josue ng dalawang tao na patakbong pumunta sa tolda ni Acan. Nakabaon nga roon ang damit at nasa ilalim nito ang pilak.
23 Iniharap nila kay Josue at sa buong Israel ang lahat ng iyon, at inilatag sa harapan ni Yahweh.
24 Dinala ni Josue at ng buong bayan si Acan, gayundin ang pilak, ang damit, at ang barang ginto, sa Libis ng Kaguluhan. Isinama rin nila ang kanyang asawa, mga anak, mga baka, kabayo, at tupa, tolda at lahat niyang ari-arian.
25 At sinabi ni Josue, “Bakit mo kami ipinahamak? Ikaw naman ngayon ang ipapahamak ni Yahweh.” At pinagbabato ng buong bayan si Acan at ang buo niyang sambahayan hanggang mamatay. Sinunog silang lahat kasama ng kanilang ari-arian.
26 Pagkatapos, tinabunan nila ng mga bato. Naroon pa hanggang ngayon ang mga batong iyon.
Nawala ang galit ni Yahweh. Mula noon, ang pook na iyo'y tinawag na Libis ng Kaguluhan.