5
Pinulong ni Holofernes ang mga Pinuno ng Hukbo
1 Nang makarating sa kaalaman ni Holofernes na handang makidigma ang mga Israelita, nilagyan ng harang ang mga lagusan, tinayuan ng matitibay na muog ang lahat ng dakong mataas, at naglagay ng barikada sa kapatagan,
2 nagalit siya nang husto. Ipinatawag niya ang lahat ng pinuno sa Moab, mga pinunong Ammonita, at lahat ng pinuno sa mga baybaying-dagat.
3 Nagsalita siya, “Magsabi kayo ng totoo. Anong uri ng mga tao ang naninirahan sa kaburulang iyon? Aling mga bayan ang tinitirhan nila? Gaano kalaki ang kanilang hukbo? Sino ang nagbibigay sa kanila ng kapangyarihan at kalakasan? Sino ang hari nila?
4 At bakit sila lamang ang taga-kanluran na tumangging makipagkita sa akin?”
Nagsalita si Aquior
5 Sumagot si Aquior na pinuno ng mga Ammonita, “Panginoon, kung mamarapatin ninyong makinig sa akin, sasabihin ko ang katotohanan tungkol sa bansang ito sa kaburulang hindi kalayuan dito. Isinusumpa kong hindi ako magsisinungaling sa inyo.
6 Ang mga taong iyon ay buhat sa lahi ng mga taga-Babilonia.
7 May panahong sa Mesopotamia sila namayan sapagkat ayaw nilang sumamba sa mga diyus-diyosan ng kanilang mga ninuno.
8 At dahil tinalikuran nila ang turo ng kanilang mga ninuno at sinamba ang Diyos sa langit. Ito ang kinikilala nila ngayon. Noong itaboy nga sila ng mga hukbo ng Babilonia, sila'y lumikas sa Mesopotamia at doon matagal na namalagi.
9 Pagkatapos, iniutos ng kanilang Diyos na iwan nila ang lugar na iyon upang magpunta sa Canaan at doon nga sila tumira. Umunlad ang kanilang buhay at nakaipon sila ng maraming ginto, pilak, at dumami rin ang kanilang kawan ng hayop.
10 “Nang magkaroon ng taggutom na lumaganap sa buong Canaan, sila'y pumunta naman sa Egipto at doon tumira hangga't may pagkain doon. Samantalang naroon, dumami sila nang dumami na hindi na sila makayang bilangin.
11 At ang ganito'y ikinabahala ng hari ng mga Egipcio. Kaya pinahirapan sila, nilinlang at pinilit pagawain ng tisa.
12 Sa tindi ng hirap, sila'y dumaing sa kanilang Diyos at bilang tugon, nagpadala ang kanilang Diyos
13 ng maraming salot sa buong Egipto. Kaya't ipinagtabuyan sila ng mga Egipcio.
14 Pinatuyo rin ng Diyos na ito ang Dagat na Pula kaya nakatawid sila at nakarating sa Sinai at sa Kades-barnea. Pinaalis nila ang lahat ng naninirahan sa ilang
15 at sila'y nanirahan sa lupain ng mga Amoreo. Nilipol nila ang mga taga-Hesbon. Pagkatapos, tumawid sila ng Jordan
16 at nanirahan naman sa kaburulan matapos itaboy ang mga Canaanita, Perezita, Jebusita, ang mga taga-Shekem, at lahat ng Gergesita. Doon sila nanirahan nang mahabang panahon.
17 “Sumasagana sila habang sinusunod nila ang kanilang Diyos, sapagkat siya'y Diyos na namumuhi sa kasamaan.
18 Ngunit nang lumihis sila sa kanyang itinakdang landas na dapat nilang lakaran, naranasan nila ang maraming pagkatalo sa pakikidigma at sila'y dinalang-bihag sa ibang bansa. Winasak ng kaaway ang templo ng kanilang Diyos, at sinakop ang kanilang mga lunsod.
19 Subalit nang sila'y magbalik-loob sa kanilang Diyos, nakabalik sila mula sa mga pook na kanilang pinagkatapunan. Nakuha nilang muli ang Jerusalem na kinaroroonan ng kanilang templo, at nanirahan sila sa kaburulan sapagkat walang nananahan doon.
20 “Kaya nga, panginoon ko, kung may nagawang masama ang mga taong ito at sila'y sumusuway sa kanilang Diyos, at kung mapatunayan nga nating sila'y nagkasala, sumalakay tayo at digmain sila.
21 Ngunit kung wala silang kasamaang ginawa, hayaan natin sila sapagkat sila'y tiyak na tutulungan ng kanilang Diyos at tayo ang pagtatawanan ng lahat.”
22 Matapos magsalita si Aquior, marami ang tumutol. Hiningi ng mga tauhan ni Holofernes at ng lahat ng nanggaling sa Moab at sa lupain sa hangganan na ipapatay si Aquior.
23 Ang sabi nila, “Hindi kami natatakot sa mga Israelita.
24 Hindi nila kayang lumaban. Sumalakay na tayo, Holofernes. Madali silang matatalo.”