5
Dalanging Paghingi ng Awa
1 Gunitain mo, Yahweh, ang nangyari sa amin;
masdan mo ang sinapit naming kahihiyan!
2 Ang aming mana ay ibinigay sa mga dayuhan,
at ang aming mga tahanan nama'y ipinagkaloob sa mga taga-ibang bayan.
3 Ang aming mga ama'y pinatay ng mga kaaway;
kaya't aming mga ina, wala nang kaagapay.
4 Kailangang bayaran namin ang tubig na iinumin,
pati ang panggatong ay binibili na rin.
5 Pinagtrabaho kaming parang mga hayop,
hindi man lamang pinagpapahinga.
6 Para lang magkaroon ng sapat na pagkain,
nakipagkasundo kami sa Egipto at Asiria.
7 Nagkasala nga ang aming mga ninuno,
at dahil sa kanila kami ay nagdurusa.
8 Mga alipin ang namamahala sa amin;
walang makapagligtas sa amin mula sa kanilang mga kamay.
9 Sa paghahanap ng pagkain, nanganganib ang aming buhay,
sapagkat naglipana ang aming mga kaaway.
10 Dahil sa matinding gutom, nag-aapoy ang aming katawan,
para kaming nakalagay sa mainit na pugon.
11 Ang aming mga asawa ay ginahasa sa Zion,
ang mga dalaga nama'y pinagsasamantalahan sa mga bayan ng Juda.
12 Ginagapos at ibinibitin ang mga pinuno;
at ang matatanda ay hindi na nirespeto.
13 Ang mga kabataang lalaki'y pinagtatrabahong parang alipin;
nakukuba sa bigat ng pasan nilang kahoy ang mga batang lalaki.
14 Ayaw nang magpulong ang matatanda ng bayan,
ayaw nang tumugtog ng mga kabataan.
15 Naparam ang kagalakan sa aming puso;
ang aming pagsasaya ay naging pagluluksa.
16 Walang natira sa aming ipinagmamalaki;
“tayo'y nagkasala kaya tayo'y nagdurusa!”
17 Nanlupaypay kami,
at nagdilim ang aming paningin,
18 pagkat iniwan ng tao ang Bundok ng Zion,
mga asong-gubat na lang ang naninirahan doon.
19 Ngunit ikaw, O Yahweh, ang hari magpakailanman,
ang iyong luklukan ay walang katapusan.
20 Kay tagal mo kaming pinabayaan.
Kailan mo kami aalalahaning muli?
21 Ibalik mo kami, O Yahweh,
sa dati naming kaugnayan sa iyo!
22 Talaga bang itinakwil mo na kami?
Sukdulan na bang talaga ang galit mo sa amin?