3
Ang Tungkulin ng mga Levita
Ito ang salinlahi nina Aaron at Moises nang kausapin siya ni Yahweh sa Bundok ng Sinai. Ang+ mga anak ni Aaron ay si Nadab na siyang panganay at sina Abihu, Eleazar at Itamar. Sila ang mga itinalagang pari na magsisilbi sa Toldang Tipanan. Ngunit+ sina Nadab at Abihu ay namatay sa harap ng altar sa Bundok ng Sinai nang magsunog sila ng handog kay Yahweh sa pamamagitan ng apoy na hindi itinalaga para roon. Wala silang anak kaya sina Eleazar at Itamar ang naglingkod bilang pari habang nabubuhay ang kanilang ama.
Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Tipunin mo ang lipi ni Levi at italaga mo sila bilang katulong ni Aaron. Tutulungan nila si Aaron sa mga gawain sa Toldang Tipanan at ang mga mamamayan sa kanilang paghahandog. Sila ang mangangasiwa sa mga kagamitan sa loob ng Toldang Tipanan at sila rin ang tutulong sa mga Israelita sa kanilang pagsamba. Ang tanging tungkulin ng mga Levita ay ang tumulong kay Aaron at sa kanyang mga anak sa gawain nila sa Toldang Tipanan. 10 Si Aaron naman at ang kanyang mga anak na lalaki ay itatalaga mo bilang pari at sila lamang ang gaganap ng mga gawaing kaugnay nito. Sinumang hindi mula sa lipi ni Aaron na gumanap ng tungkulin ng pari ay dapat patayin.”
11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 12 “Pinili ko ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay na lalaki, kaya sila'y para sa akin. 13 Akin+ ang lahat ng panganay sapagkat nang lipulin ko ang lahat ng panganay ng Egipto, ibinukod ko para sa akin ang lahat ng panganay, maging tao o hayop. Kaya, sila ay akin, ako si Yahweh.”
14 Sinabi noon ni Yahweh kay Moises sa ilang ng Sinai, 15 “Lahat ng lalaki sa lipi ni Levi, mula sa gulang na isang buwan pataas ay ilista mo ayon sa kani-kanilang angkan at sambahayan.” 16 Kaya, ang lipi ni Levi ay inilista ni Moises ayon sa utos sa kanya ni Yahweh. 17 Ito ang mga anak ni Levi: sina Gershon, Kohat at Merari. 18 Ang mga anak naman ni Gershon ay sina Libni at Simei. 19 Ang mga anak ni Kohat ay sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. 20 Ang mga anak naman ni Merari ay sina Mahali at Musi. Ito ang talaan ng lipi ni Levi ayon sa kani-kanilang angkan.
21 Ang angkan ni Gershon na binubuo ng mga sambahayan nina Libni at Simei 22 ay umabot sa 7,500 ang may edad na isang buwan pataas. 23 Nagkampo sila sa gawing kanluran, sa likod ng tabernakulo, 24 at ang pinuno nila ay si Eliasaf na anak ni Lael. 25 Sila ang mangangasiwa sa kaayusan ng Toldang Tipanan, 26 sa bubong at sa tali nito, sa mga kurtina sa pinto at sa bulwagan sa paligid, at ng altar.
27 Ang angkan ni Kohat ay binubuo ng mga sambahayan nina Amram, Izar, Hebron at Uziel, 28 at umabot sa 8,600 ang mga kalalakihang isang buwan pataas ang edad. 29 Sila ay sa gawing timog ng tabernakulo pinagkampo 30 at pinamunuan ni Elizafan na anak ni Uziel. 31 Sila naman ang mangangalaga sa Kaban ng Tipan, sa mesang lalagyan ng handog, sa ilawan, sa mga altar, sa kagamitan ng mga pari at sa mga tabing.
32 Si Eleazar na anak ni Aaron ang magiging pinuno ng mga Levita at mamamahala sa mga katulong sa paglilingkod sa santuwaryo.
33 Ang angkan ni Merari ay binubuo ng mga sambahayan nina Mahali at Musi, 34 at umabot sa 6,200 ang kalalakihang may edad na isang buwan pataas. 35 Ang pinuno nila ay si Zuriel na anak ni Abihail, at ang pinagkampuhan nila ay ang gawing hilaga ng tabernakulo. 36 Sila ang pinamahala sa mga gamit sa tabernakulo tulad ng mga haliging patayo at pahalang, poste, patungan ng mga poste at lahat ng kawit na gamit dito. 37 Sila rin ang pinamahala sa mga poste, sa patungan ng mga poste, sa mga tulos at mga panali sa bulwagan sa labas.
38 Magkakampo naman sa gawing silangan ng tabernakulo, sa harap ng Toldang Tipanan, sina Moises at Aaron at ang mga anak nito. Ang tungkulin nila ay sa loob ng santuwaryo; gawin ang anumang kailangang gawin para sa Israel o paglilingkod para sa mga Israelita. Sinumang lumapit sa Dakong Banal liban sa kanila ay dapat patayin. 39 Ang kabuuang bilang ng mga Levita na naitala nina Moises at Aaron ayon sa utos ni Yahweh ay 22,000.
Ang Pagtubos sa mga Panganay
40 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bilangin at ilista mo ang pangalan ng mga panganay na lalaki sa buong Israel, mula sa edad na isang buwan pataas. 41 Ibubukod mo ang mga Levita para sa akin, bilang kapalit ng mga panganay na lalaki ng buong sambayanan. Ibubukod mo rin ang mga alagang hayop ng mga Levita bilang kapalit ng panganay ng mga hayop ng buong sambayanan.” 42 At itinala nga ni Moises ang lahat ng panganay na lalaki sa Israel ayon sa utos sa kanya ni Yahweh. 43 Ang naitala niya'y umabot sa 22,273.
44 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 45 “Ilaan mo sa akin ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay na lalaki ng Israel, at ang alagang hayop ng mga Levita bilang kapalit ng mga panganay ng mga hayop ng mga Israelita. Ang mga Levita ay para sa akin. 46 Sapagkat mas marami ng 273 ang panganay ng mga Israelita kaysa mga lalaking Levita, ipatutubos mo 47 ng limang pirasong pilak bawat isa, ayon sa opisyal na timbangan ng santuwaryo (ang isang pirasong pilak ay katumbas ng labindalawang gramo). 48 Lahat ng salaping malilikom ay ibibigay mo kay Aaron at sa kanyang mga anak.” 49 Kinuha nga ni Moises ang pantubos sa mga panganay ng mga Israelita na humigit sa bilang ng mga Levita. 50 Ang kabuuang nalikom ay umabot sa 1,365 pirasong pilak. 51 Ang lahat ng ito'y ibinigay ni Moises kay Aaron at sa mga anak nito bilang pagsunod sa utos ni Yahweh.
+ 3:2 Bil. 26:60. + 3:4 Lev. 10:1-2; Bil. 26:61. + 3:13 Exo. 13:2.