36
Mga Tuntunin tungkol sa Kaparte ng Babaing Tagapagmana
1 Ang mga pinuno ng sambahayan ng angkan ni Gilead na anak ni Maquir at apo ni Manases na anak ni Jose ay lumapit kay Moises at sa mga pinuno ng Israel.
2 Sinabi nila, “Iniutos sa inyo ni Yahweh na ipamahagi ang lupain sa pamamagitan ng palabunutan. Iniutos din po na ang bahagi ng kapatid naming si Zelofehad ay ibigay sa mga anak niyang babae.
3 Kung ang mapangasawa nila'y mula sa ibang lipi, ang bahagi nila'y mapupunta sa liping iyon, kaya't mababawasan ang bahagi ng aming lipi.
4 At pagdating ng Taon ng Paglaya, kapag ang lupaing naipagbili ay ibinalik nang tuluyan sa dating may-ari, ang bahagi nila'y mauuwi nang lubusan sa lipi ng kanilang asawa. Kapag nagkagayon, mababawas ito sa aming lipi.”
5 Dahil dito, sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Tama ang sinabi ng mga apo ni Jose.
6 Kaya't ang utos ni Yahweh tungkol sa mga anak ni Zelofehad ay malaya silang mag-asawa sa sinumang gusto nila, ngunit huwag lamang lalabas sa lipi ng kanilang ama.
7 Ang bahagi ng alinmang lipi ay hindi maaaring ilipat sa ibang lipi, iyon ay pananatilihin sa lipi ng kanilang ama.
8 Ang babaing may namana sa kanyang ama ay kailangang kumuha ng mapapangasawa mula rin sa lipi nito, upang hindi malipat sa ibang lipi ang kaparte ng kanilang ama.
9 Ang kaparte ng alinmang lipi ay hindi maaaring ilipat sa ibang lipi; pananatilihin ng bawat lipi ang kani-kanilang kaparte.”
10 Sinunod nga ng mga anak ni Zelofehad ang utos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.
11 Sina Maala, Tirza, Hogla, Milca at Noa ay nag-asawa nga ng mga lalaking mula sa angkan ng kanilang ama,
12 na kabilang sa lipi ni Manases na anak ni Jose. Kaya, nanatili ang kanilang kaparte sa lipi ng kanilang ama.
13 Ito ang mga batas at tuntuning ibinigay ni Yahweh sa Israel sa pamamagitan ni Moises, sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan, sa tapat ng Jerico.