Ang Unang Sulat ni
PEDRO
Panimula
Ang Unang Sulat ni Pedro ay para sa mga mananampalatayang tinatawag niyang “mga hinirang ng Diyos,” na nakakalat sa gawing hilaga ng Asia Minor. Ang pangunahing layunin ng sulat na ito ay palakasin ang loob ng mga sinulatan niya, sapagkat dumaranas ang mga ito ng matinding pag-uusig at pagtitiis dahil sa kanilang pananampalataya. Ipinagugunita sa kanila ng sumulat ang Magandang Balita ni Jesu-Cristo. Sinabi niyang ang kamatayan, muling pagkabuhay at pagbabalik ng Panginoong Jesus ang magdudulot sa kanila ng pag-asa. Dahil dito, dapat nilang tanggapin at tiisin ang kahirapan, sapagkat natitiyak nilang ito'y isang pagsubok sa katapatan ng kanilang pananampalataya. Bukod dito, sila'y gagantimpalaan “sa Araw na mahayag si Cristo.”
Kasabay ng dulot niyang pampalakas-loob sa panahon ng ligalig, pinapayuhan din ng may-akda ang mga bumabasa na mamuhay bilang tunay na mga tagasunod ni Cristo.
Nilalaman
Panimula 1:1-2
Paggunita tungkol sa pagliligtas ng Diyos 1:3-12
Pangaral tungkol sa banal na pamumuhay 1:13–2:10
Mga pananagutan ng Cristiano sa panahon ng kahirapan 2:11–4:19
Kapakumbabaan at paglilingkod ng Cristiano 5:1-11
Pagwawakas 5:12-14
1
Mula kay Pedro, isang apostol ni Jesu-Cristo—
Sa mga hinirang ng Diyos na nakikipamayan sa mga lalawigan ng Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia. Kayo'y pinili ng Diyos Ama ayon sa kanyang layunin sa mula't mula pa at pinabanal ng Espiritu Santo, upang maging masunurin kay Jesu-Cristo at nilinis sa pamamagitan ng kanyang dugo.
Sumagana nawa sa inyo ang kagandahang-loob at kapayapaan.
Isang Buháy na Pag-asa
Pasalamatan natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo'y binigyan niya ng isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Ito ang nagbigay sa atin ng isang buháy na pag-asa na magmamana tayo ng kayamanang di masisira, walang kapintasan, at di kukupas na inihanda ng Diyos sa langit para sa inyo. Sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, iniingatan kayo ng kapangyarihan ng Diyos habang hinihintay ninyo ang kaligtasang nakahandang ihayag sa katapusan ng panahon.
Ito'y dapat ninyong ikagalak, kahit na maaaring magdanas muna kayo ng iba't ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon. Ang ginto, bagama't nasisira, ay pinapadaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayundin naman, ang inyong pananampalataya, na higit na mahalaga kaysa ginto, ay sinusubok upang malaman kung ito'y talagang tapat. Sa gayon kayo'y papupurihan, dadakilain at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo. Hindi ninyo siya nakita ngunit siya'y inibig ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita hanggang ngayon, ngunit sumasampalataya kayo sa kanya. Dahil dito'y nag-uumapaw na sa inyong puso ang kagalakang di kayang ilarawan sa salita, sapagkat tinatanggap na ninyo ang bunga ng inyong* pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong buhay.
10 Tungkol sa kaligtasang ito masusing nagsiyasat at nagsuri ang mga propetang nagpahayag tungkol sa pagpapalang nakalaan sa inyo. 11 Sinuri nila kung kailan at paano ito mangyayari. Ang panahong ito ang tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila nang unang ipahayag nito ang hirap na titiisin ni Cristo at ang karangalang tatamuhin niya. 12 Nang kanilang ipahayag ang mga katotohanang ito, ipinaunawa sa kanila ng Diyos na ang ginagawa nila ay para sa inyo, at hindi para sa kanila. Ang mga katotohanang ito'y narinig ninyo ngayon sa mga nangangaral ng Magandang Balita sa kapangyarihan ng Espiritu Santo na isinugo mula sa langit. Maging ang mga anghel sa langit ay nanabik na maunawaan ang mga katotohanang ito.
Paanyaya sa Banal na Pamumuhay
13 Kaya nga, ihanda ninyo ang inyong mga isipan para sa dapat ninyong gawin. Maging mahinahon kayo at lubos na umasa sa pagpapalang tatamuhin ninyo kapag nahayag na si Jesu-Cristo. 14 Bilang masunuring mga anak, huwag kayong umayon sa masasamang pagnanasa tulad ng ginagawa ninyo noong kayo'y wala pang tunay na pagkaunawa. 15 Dahil ang Diyos na pumili sa inyo ay banal, dapat din kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa, 16 sapagkat+ nasusulat, “Magpakabanal kayo, sapagkat ako'y banal.”
17 Walang kinikilingan ang Diyos. Hinahatulan niya ang mga tao ayon sa mga ginawa nila. At dahil tinatawag ninyo siyang Ama, mamuhay kayong may takot sa kanya habang kayo'y nasa mundong ito. 18 Alam ninyo kung ano ang ipinantubos sa inyo sa walang kabuluhang pamumuhay na inyong minana sa inyong mga magulang. Tinubos kayo hindi sa pamamagitan ng mga bagay na nasisira, tulad ng ginto o pilak, 19 kundi sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Cristo. Siya'y tulad ng korderong walang dungis at kapintasan. 20 Itinalaga siya ng Diyos bago pa nilikha ang daigdig, at alang-alang sa inyo ay ipinahayag sa mga huling araw na ito. 21 Dahil kay Cristo, sumasampalataya kayo sa Diyos na sa kanya'y muling bumuhay at nagparangal, kaya't ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nasa Diyos.
22 Ngayon nalinis na ninyo ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng inyong pagsunod sa katotohanan, at naghahari na sa inyo ang tapat na pagmamahal sa mga kapatid. Kaya, maalab at taos-puso kayong magmahalan. 23 Sapagkat muli kayong isinilang, hindi sa pamamagitan ng binhing nasisira, kundi sa pamamagitan ng buháy at walang kamatayang salita ng Diyos. 24 Ayon+ sa kasulatan,
“Ang lahat ng tao ay tulad ng damo,
gaya ng bulaklak nito ang lahat niyang kariktan.
Ang damo ay nalalanta, at ang bulaklak ay kumukupas,
25 ngunit ang salita ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.”
Ang salitang ito ay ang Magandang Balitang ipinangaral sa inyo.
* 1:9 inyong: Sa ibang manuskrito'y ating. + 1:16 Lev. 11:44-45; 19:2. + 1:24 Isa. 40:6-8 (LXX).