9
Ang Karunungan at ang Kahangalan
Gumawa na ng tahanan itong karunungan,
na itinayo niya sa pitong patibayan.
Nagpatay siya ng hayop, nagtimpla ng inumin,
ang mesa ay inihanda, punung-puno ng pagkain.
Katulong ay isinugo sa gitna nitong bayan,
upang lahat ay abutin ng ganitong panawagan:
“Ang kulang sa kaalaman, dito ngayon ay lumapit.”
Sa mga mangmang ay ganito ang sinambit:
“Halikayo't inyong kainin ang pagkain ko,
at tunggain ang inuming inilaan ko sa inyo.
Lisanin ang kamangmangan upang kayo ay mabuhay,
at ang landas ng unawa ang tahakin at daanan.”
 
Ang pumupuna sa mapangutya ay nag-aani ng pagdusta,
ang nagtutuwid sa masama'y nagkakamit ng alipusta.
Punahin mo ang mapangutya at magagalit pa sa iyo,
ngunit payuhan mo ang matalino at iibigin ka nito.
Matalino'y turuan mo't lalo siyang tatalino,
ang matuwid ay aralan, lalago ang dunong nito.
10 Ang+ paggalang at pagsunod kay Yahweh ay pasimula ng karunungan,
ang pagkilala sa Banal na Diyos ay may dulot na kaalaman.
11 Sa pamamagitan ko, hahaba ang iyong mga araw,
dahil sa akin, lalawig ang iyong buhay.
12 Kung mayroon kang karunungan, mayroon kang pakinabang,
ngunit ika'y magdurusa kapag siya'y tinanggihan.
 
13 Ang nakakatulad nitong taong mangmang,
babaing magaslaw at walang kahihiyan.
14 Lagi siyang naroon sa pinto ng kanyang bahay,
o sa lantad na bahagi ng lansangan nitong bayan.
15 Bawat taong nagdaraan na kanyang masulyapan,
ay pilit na tatawagin at kanyang aanyayahan,
16 “Lapit dito, kayong lahat na kulang sa kaalaman!”
Kanya namang sinasabi sa mga mangmang,
17 “Tubig na ninakaw ay ubod ng tamis,
tinapay na nakaw, masarap na labis.”
18 Hindi alam ng biktimang wakas niyo'y kamatayan,
at lahat ng pumasok doo'y naroon na sa libingan.
 
+ 9:10 Job 28:28; Awit 111:10; Kaw. 1:7.