16
Ang Kaban sa Loob ng Tolda
1 Ipinasok nila ang Kaban ng Tipan sa toldang inihanda ni David para dito. Nag-alay sila ng mga handog na susunugin at handog pangkapayapaan sa harapan ng Diyos.
2 Matapos makapaghandog, binasbasan ni David ang mga tao sa pangalan ni Yahweh,
3 at binigyan niya ang bawat Israelita ng tinapay, karne at bibingkang may pasas.
4 Naglagay rin siya ng ilang Levita na maglilingkod sa harap ng Kaban ng Tipan ni Yahweh upang manalangin, magpasalamat at magpuri kay Yahweh na Diyos ng Israel.
5 Si Asaf ang pinuno at ang mga katulong niya ay sina Zacarias, Jeiel, Semiramot, Jehiel, Matitias, Eliab, Benaias, Obed-edom, at Jeiel. Ang tinutugtog nila'y mga alpa at lira, at ang kay Asaf naman ay pompiyang.
6 Ang mga paring sina Benaias at Jahaziel ang tumutugtog ng mga trumpeta araw-araw sa harap ng Kaban ng Tipan ng Diyos.
7 Nang araw na iyon, iniatas ni David kay Asaf at sa mga kasama nito ang tungkol sa pag-awit ng pasasalamat kay Yahweh.
Ang Awit ng Papuri
(Awit 105:1-15; 96:1-13; 106:1, 47-48)
8 Magpasalamat kay Yahweh, tumawag sa kanyang pangalan;
ang lahat ng gawa niya sa lahat ay ipaalam.
9 Umawit ng pagpupuri at siya ay parangalan,
ang kahanga-hangang gawa'y ibalita kahit saan.
10 Dapat kayong magalak, sapagkat kayo'y kanyang bayan,
ang lahat ng sumasamba sa kanya ay magdiwang.
11 Lumapit kayo kay Yahweh upang tulong niya'y hingin,
sa tuwina'y parangalan siya at sambahin.
12 Inyong alalahanin ang mga kamangha-mangha niyang gawa,
ang matuwid na paghatol at gawang kahanga-hanga.
13 Mga supling ni Abraham na kanyang lingkod,
ang mga hinirang niya na mga anak ni Jacob.
14 Si Yahweh ang ating Diyos,
nasa buong mundo ang kanyang mga utos.
15 Tipan niyang walang hangga'y hindi niya lilimutin,
kahit libong salinlahi ito'y kanyang tutuparin.
16 Ang ginawa niyang tipan kay Abraham,
pinagtibay kay Isaac ang pangakong sinumpaan.
17 Kay Jacob ibinigay, pinagtibay na kautusan,
walang hanggang tipan sa Israel, ito ang nilalaman:
18 “Ang lupain ng Canaan sa iyo nakalaan.
Ito'y isang pamana ko sa iyo at sa iyong angkan.”
19 Nang sila ay kakaunti pa at walang halaga,
nangibang-bayan sila't sa Canaan nakitira.
20 Sa maraming bansa sila'y natatagpuan,
nagpalipat-lipat sa iba't ibang kaharian.
21 Di hinayaan ng Diyos sila'y alipinin,
mga hari'y binalaang huwag silang aapihin.
22 Sabi niya, “Huwag sasaktan ang bayan kong hinirang,
ang mga propeta ko ay iyong igalang.”
23 Umawit ka kay Yahweh, buong sanlibutan,
ipahayag araw-araw, bigay niyang kaligtasan.
24 Ipahayag sa mga bansa kanyang kaluwalhatian.
Sabihin sa mga tao gawa niyang makapangyarihan.
25 Si Yahweh ay dakila at karapat-dapat papurihan,
siya ay higit sa mga diyos ng buong sanlibutan.
26 Ang diyos ng mga bansa ay mga diyus-diyosan lamang,
ngunit si Yahweh ang lumikha ng buong kalangitan.
27 Kanya ang kaluwalhatian at karangalan,
lakas at kagalakan nasa kanyang tahanan.
28 Si Yahweh ay purihin ng lahat ng mga bansa,
dapat siyang kilalanin na marangal at dakila.
29 Kilalanin ng lahat maluwalhati niyang pangalan,
bawat isa'y lumapit at siya ay handugan.
Sambahin si Yahweh sa diwa ng kabanalan,
30 sa harap niya ay gumalang ang lahat ng mga bansa.
Ang sandigan ng daigdig ay matibay niyang ginawa.
31 Magalak ang kalangitan, ang daigdig ay matuwa.
“Si Yahweh ay naghahari,” ganito ang ibalita.
32 Magpuri ang karagatan at ang lahat ng naroon,
ang lahat sa kabukira'y magpuri kay Yahweh.
33 Umawit ang mga punongkahoy na nasa kagubatan
sa pagdating ni Yahweh upang lahat ay hatulan.
34 Purihin si Yahweh, sa kanyang kabutihan;
pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
35 Sabihin ding: “Iligtas mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan,
tipunin mo kami ngayon at iligtas sa kalaban;
upang aming pasalamatan ang banal mong pangalan
at purihin ka sa iyong kaluwalhatian.”
36 Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel,
purihin siya ngayon at magpakailanman!
Pagkatapos, ang buong bayan ay sumagot ng “Amen,” at nagpuri kay Yahweh.
Ang Pananambahan sa Jerusalem at Gibeon
37 Si Asaf at ang kanyang mga kamag-anak ay inatasan ni David na mangasiwa sa pagsambang idinaraos araw-araw sa lugar na kinalalagyan ng Kaban ng Tipan.
38 Si Obed-edom kasama ang animnapu't walong kamag-anak niya ang tutulong sa kanila. Si Obed-edom na anak ni Jeduthun at si Hosa naman ang magbabantay sa pinto.
39 Inatasan naman ni David si Zadok at ang mga kamag-anak nitong pari na maglingkod sa tabernakulo ni Yahweh sa Burol ng Gibeon.
40 Umaga't gabi, ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Yahweh para sa Israel, patuloy silang nag-aalay ng mga handog na susunugin sa altar.
41 Kasama nila roon sina Heman at Jeduthun at iba pang pinili upang magpasalamat kay Yahweh sapagkat pag-ibig niya'y tunay at laging tapat kailanman.
42 Silang dalawa ang tumutugtog ng trumpeta at pompiyang at iba pang uri ng panugtog na pansaliw sa mga awiting ukol sa Diyos. Ang mga anak naman ni Jeduthun ang ginawang bantay sa pintuan.
43 Pagkatapos, nagsiuwian na ang mga tao. Si David ay umuwi na rin upang makapiling ang kanyang pamilya.