16
Pinapunta kay Jesse si Samuel
1 Sinabi ni Yahweh kay Samuel, “Hanggang kailan ka malulungkot para kay Saul? Itinakwil ko na siya bilang hari ng Israel. Ngayo'y magdala ka ng langis at pumunta ka kay Jesse na taga-Bethlehem sapagkat pinili ko upang maging hari ang isa sa kanyang mga anak.”
2 Sumagot si Samuel, “Paano ako pupunta roon? Tiyak na papatayin ako ni Saul kapag nalaman niya ang dahilan ng pagpunta ko roon.”
Sinabi ni Yahweh, “Magdala ka ng isang dumalagang baka at sabihin mong maghahandog ka kay Yahweh.
3 Anyayahan mo si Jesse sa paghahandog at ituturo ko sa iyo kung ano ang gagawin mo at kung sino ang papahiran mo ng langis.”
4 Sinunod ni Samuel ang utos sa kanya ni Yahweh; nagpunta nga siya sa Bethlehem. Siya'y sinalubong ng matatandang pinuno sa lunsod at nanginginig na nagtanong, “Sa ikabubuti ba namin ang inyong pagparito?”
5 “Oo,” sagot niya. “Naparito ako upang maghandog kay Yahweh. Ihanda ninyo ang inyong sarili at sumama kayo sa akin.” Pinahanda rin niya si Jesse at ang mga anak nito, at inanyayahan din sila sa paghahandog.
6 Nang makarating na sila, nakita ni Samuel si Eliab. Pinagmasdan niya ito at sinabi sa sarili, “Ito na nga ang pinili ni Yahweh para maging hari.”
7 Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, “Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan sapagkat hindi siya ang pinili ko. Si Yahweh'y hindi tumitingin nang katulad ng pagtingin ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit sa puso tumitingin si Yahweh.”
8 Pagkaraan ni Eliab, tinawag ni Jesse si Abinadab at pinaraan din ito sa harapan ni Samuel. Ngunit sinabi ni Samuel, “Hindi rin siya ang pinili ni Yahweh.”
9 Tinawag ni Jesse si Samma, ngunit sinabi rin ni Samuel na hindi ito ang pinili ni Yahweh.
10 Isa-isang tinawag ni Jesse ang pito niyang anak ngunit wala sa kanila ang pinili ni Yahweh.
11 Kaya't tinanong ni Samuel si Jesse, “Mayroon ka pa bang anak na wala rito?”
“Mayroon pang isa; ang bunso na nagpapastol ng mga tupa,” sagot ni Jesse.
Sinabi ni Samuel, “Ipasundo mo siya. Hindi natin sisimulan ang paghahandog hangga't hindi siya dumarating.”
Pinili si David
12 At sinundo nga ang anak na ito ni Jesse. Siya'y makisig na binatilyo, malusog at maganda ang mga mata.
At sinabi ni Yahweh kay Samuel, “Siya ang pinili ko; buhusan mo siya ng langis.”
13 Kinuha ni Samuel ang sungay na sisidlan ng langis, at binuhusan niya si David ng langis sa harapan ng kanyang mga kapatid. At nilukuban si David ng Espiritu ni Yahweh. Mula noon, sumakanya na ang Espiritu ni Yahweh. Pagkatapos, si Samuel ay bumalik naman sa Rama.
Naglingkod si David kay Saul
14 Samantala, ang Espiritu ni Yahweh ay umalis na kay Saul at sa pahintulot ni Yahweh, isang masamang espiritu naman ang nagpahirap kay Saul.
15 Sinabi sa kanya ng kanyang mga lingkod, “Pinahihirapan kayo ng isang masamang espiritu galing sa Diyos.
16 Kung gusto po ninyo, ihahanap namin kayo ng isang taong mahusay tumugtog ng alpa. Kapag pinahihirapan kayo ng masamang espiritu, patugtugin ninyo siya upang maaliw kayo.”
17 Sinabi ni Saul, “Sige, ihanap ninyo ako.”
18 Isa sa mga lingkod na naroon ang nagsabi, “Si Jesse na isang taga-Bethlehem ay may isang anak na magaling tumugtog. Siya po ay matapang na mandirigma, mahusay magsalita at magandang lalaki. Nasa kanya si Yahweh.”
19 Kaya't nagpadala ng mga sugo si Saul kay Jesse at ipinasabi, “Papuntahin mo sa akin ang anak mong si David, ang pastol ng iyong mga tupa.”
20 Ganoon nga ang ginawa ni Jesse. Pinagdala pa niya si David ng isang sisidlang puno ng alak, isang batang kambing at isang asnong may kargang tinapay upang ibigay kay Saul.
21 Naglingkod si David kay Saul at nagustuhan naman niya ito, kaya ito'y ginawa niyang tagapagdala ng kanyang sandata.
22 Ipinasabi ni Saul kay Jesse, “Bayaan mong maglingkod sa akin si David sapagkat napamahal na siya sa akin.”
23 At tuwing dumarating kay Saul ang masamang espiritu mula sa Diyos, kinukuha ni David ang alpa at tinutugtugan niya ang hari. Si Saul naman ay naaaliw; umaalis sa kanya ang masamang espiritu at siya'y gumagaling.