24
Hindi Pinatay ni David si Saul
1 Nang magbalik si Saul mula sa pagtugis sa mga Filisteo, may nagsabi sa kanyang si David ay nasa ilang ng En-gedi.
2 Kaya, kumuha siya ng tatlong libong mahuhusay na kawal mula sa Israel at isinama ang mga ito sa paghahanap kay David sa Kaburulan ng Maiilap na Kambing.
3 Nang mapatapat sila sa isang kulungan ng tupa sa tabi ng daan, dumumi si Saul sa loob ng kuweba sa tapat ng mga kulungan ng tupa. Nagkataon namang si David at ang kanyang mga tauhan ay nagtatago sa loob ng kuwebang iyon.
4 Sinabi kay David ng kanyang mga tauhan, “Ito na ang katuparan ng sinabi ni Yahweh na, ‘Ibibigay ko sa iyo ang iyong kaaway at maaari mong gawin sa kanya ang gusto mo.’ ” Dahan-dahang lumapit si David at pinutol ang laylayan ng kasuotan ni Saul.
5 Nang magawâ niya ito, inusig siya ng kanyang budhi sapagkat para na niyang nilapastangan ang hari.
6 Sinabi niya sa kanyang mga tauhan, “Huwag nawang itulot ni Yahweh na gawan ko ng masama ang hari na kanyang hinirang.”
7 Pinakiusapan ni David ang kanyang mga kasama na huwag saktan si Saul. Tumayo na si Saul at umalis.
8 Nang malayu-layo na si Saul, lumabas ng kuweba si David at sumigaw, “Mahal kong hari!” Nang lumingon si Saul, buong paggalang na yumukod si David.
9 Sinabi niya, “Bakit po kayo naniniwala sa mga nagsasabi sa inyo na gusto ko kayong patayin?
10 Mapapatunayan ko sa inyo na hindi totoo iyon. Kanina sa yungib ay binigyan ako ni Yahweh ng pagkakataong mapatay kayo. Gusto na ng mga tauhan kong patayin kayo ngunit hindi ko ginawa. Sinabi ko sa kanila na hindi ko maaaring pagbuhatan ng kamay ang aking hari sapagkat siya'y pinili ni Yahweh.
11 Narito, ama ko, ang kapiraso ng laylayan ng inyong balabal. Kung ito'y naputol ko sa inyong kasuotan, magagawa ko ring patayin kayo noon kung gusto ko. Ito ang katunayan na hindi ko kayo gagawan ng masama kahit pinagpipilitan ninyo akong patayin.
12 Hatulan nawa tayong dalawa ni Yahweh. Siya na ang magpaparusa sa inyo ngunit hindi ko kayo maaaring pagbuhatan ng kamay.
13 Gaya ng kasabihan ng matatanda, ‘Masamang tao lamang ang gumagawa ng masama,’ kaya't hindi ko kayo pagbubuhatan ng kamay.
14 Sino ba ako upang hanapin ng hari ng Israel? Isang patay na aso o pulgas lamang ang aking katulad!
15 Si Yahweh nawa ang humatol sa ating dalawa. Magsiyasat nawa siya, at ipaglaban ako at iligtas sa iyong mga kamay.”
16 Pagkatapos magsalita ni David, sinabi ni Saul, “David, anak ko, ikaw nga ba iyan?” At siya'y tumangis.
17 Sinabi pa ni Saul, “Tama ka, David, at ako'y mali. Sinusuklian mo ng mabuti ang masamang ginagawa ko sa iyo.
18 Ito'y pinatunayan mo ngayon; hindi mo ako pinatay kahit inilagay na ako ni Yahweh sa iyong mga kamay.
19 Bihira sa tao ang makakagawa ng ginawa mo, ang pawalan pa ang kaaway na nasa ilalim na ng kanyang kapangyarihan. Pagpalain ka nawa ni Yahweh sa ginawa mong ito sa akin.
20 Ngayon, alam kong ikaw ay magiging hari ng Israel at sigurado akong magiging matatag ang kaharian sa ilalim ng iyong kapangyarihan.
21 Ipangako mo sa pangalan ni Yahweh, na hindi mo uubusin ang aking lahi at hindi mo buburahin sa daigdig ang pangalan ng aking angkan.”
22 Ipinangako naman ito ni David kay Saul.
Pagkatapos nito'y umuwi na si Saul. Sila David naman ay nagbalik sa kanilang pinagtataguan.