28
1 Nang panahong iyon, inihahanda ng mga Filisteo ang kanilang hukbong sandatahan upang digmain ang Israel. Sinabi ni Aquis kay David, “Inaasahan kong ikaw at ang mga tauhan mo'y sasanib sa aking hukbo.”
2 Sumagot si David, “Maaasahan po ninyo. Ngayon ko ipapakita sa inyo kung ano ang magagawa ko.”
Sinabi ni Aquis, “Mabuti kung gayon. Ikaw ang gagawin kong pansariling bantay ko habang buhay.”
Sumangguni si Saul sa Isang Kumakausap sa Espiritu ng mga Namatay na
3 Patay na noon si Samuel at ipinagluksa siya ng buong Israel. Siya'y inilibing nila sa Rama, sa kanyang sariling bayan. Noon ay pinalayas na ni Saul ang mga sumasangguni sa espiritu ng mga namatay na at ang mga manghuhula.
4 Ang mga Filisteo ay nagkampo sa Sunem at sina Saul naman ay sa Gilboa.
5 Nanginig sa takot si Saul nang makita niya ang hukbo ng mga Filisteo.
6 Nang sumangguni siya kay Yahweh, hindi sumagot si Yahweh kahit sa pamamagitan ng panaginip, ni sa pamamagitan man ng Urim o ng mga propeta.
7 Dahil dito, iniutos niya sa kanyang mga tagapaglingkod na ihanap siya ng isang babaing kumakausap sa mga espiritu ng namatay na upang siya'y tanungin. Sinabi naman sa kanya ng kanyang mga lingkod na mayroong ganoong babae sa Endor.
8 Nagbalatkayo si Saul, isinama ang dalawa niyang tagapaglingkod at sila'y lumakad. Gabi na nang dumating sila sa Endor. Sinabi niya sa babae, “Tingnan mo nga kung ano ang magiging kapalaran ko; kausapin mo ang espiritu ng sinumang sasabihin ko sa iyo.”
9 Sinabi sa kanya ng babae, “Hindi mo ba alam na pinalayas na ni Saul sa Israel ang mga sumasangguni sa mga espiritu ng patay at ang mga manghuhula? Bakit mo inilalagay sa panganib ang aking buhay?”
10 Kaya't nangako si Saul sa pangalan ni Yahweh. Sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, hindi ka mapaparusahan dahil sa gagawin mong ito.”
11 Itinanong ng babae, “Kaninong espiritu ang gusto mong tawagin ko?”
“Kay Samuel,” sagot niya.
12 Nang makita ng babae si Samuel, napasigaw ito. Sinabi niya kay Saul, “Bakit ninyo ako nilinlang? Kayo pala si Haring Saul!”
13 Sinabi ni Saul, “Huwag kang matakot. Ano ba ang nakita mo?”
“Isang espiritu na lumilitaw mula sa lupa,” sagot ng babae.
14 Itinanong ni Saul, “Ano ang hitsura?”
“Isa siyang matandang lalaking nakabalabal,” sagot ng babae. Natiyak ni Saul na si Samuel ang tinutukoy ng babae, kaya siya'y nagpatirapa at nagbigay-galang.
15 Itinanong ni Samuel kay Saul, “Bakit mo ginagambala ang aking pamamahinga?”
Sumagot siya, “May malaki akong suliranin. Sinasalakay kami ng mga Filisteo. Tinalikuran na ako ng Diyos at ayaw na niyang magpahayag sa akin, maging sa mga propeta o sa mga panaginip. Ipinatawag nga kita upang itanong kung ano ang dapat kong gawin.”
16 Sinabi ni Samuel, “Bakit magtatanong ka pa sa akin gayong tinalikuran ka na ni Yahweh at siya'y kaaway mo na?
17 Iyan na ang katuparan ng ipinasabi niya sa iyo. Inalis na sa iyo ang pagiging hari, at ibinigay na kay David.
18 Hindi mo sinunod ang kanyang utos na lipulin ang mga Amalekita, kaya ginagawa niya ito sa iyo.
19 Ikaw at ang buong Israel ay ibibigay ni Yahweh sa kamay ng mga Filisteo. Bukas, ikaw at ang iyong mga anak ay mamamatay rin sapagkat niloob na ni Yahweh na mahulog kayo sa kamay ng mga Filisteo.”
20 Dahil sa matinding takot sa sinabi ni Samuel, biglang nabuwal si Saul sa lupa. Bukod dito, hinang-hina na siya dahil sa pagod at gutom sapagkat maghapo't magdamag na siyang hindi kumakain.
21 Nilapitan siya ng babae at nakita niyang takot na takot si Saul. Kaya, sinabi niya, “Pinagbigyan ko po ang inyong kahilingan kahit alam kong nakataya ang aking buhay.
22 Ngayon po, ako naman ang hihiling sa inyo. Ipaghahanda ko kayo ng pagkain para lumakas kayo at makapagpatuloy sa inyong lakad.”
23 Sumagot si Saul, “Ayokong kumain.” Ngunit pinilit siya ng kanyang mga tauhan at ng babae. Pumayag na rin siya at pagkatapos ay naupo sa isang higaan.
24 Ang babae ay may isang pinatabang guya. Dali-dali niya itong kinatay. Nagmasa siya ng harina, ginawa itong tinapay na walang pampaalsa,
25 saka inihain kay Saul at sa mga kasamahan nito. Pagkakain, nagmamadali silang umalis.