8
Humingi ng Hari ang Israel
Nang matanda na si Samuel, ginawa niyang mga hukom ng Israel ang kanyang mga anak na lalaki. Ang panganay niya ay si Joel at ang pangalawa'y si Abias. Sila'y nagsilbing hukom sa Beer-seba. Ngunit hindi sila sumunod sa halimbawa ng kanilang ama. Naging gahaman sila sa salapi, tumanggap ng suhol, at hindi pinairal ang katarungan.
Dahil dito, ang pinuno ng Israel ay sama-samang nagsadya kay Samuel sa Rama at kanilang+ sinabi, “Matanda na po kayo. Ang mga anak naman ninyo'y hindi sumusunod sa inyong mga yapak. Kaya't ipili ninyo kami ng isang haring mamumuno sa amin tulad ng ibang mga bansa.”
Nalungkot si Samuel dahil sa kahilingan ng mga tao, kaya't nanalangin siya kay Yahweh. Sinabi naman sa kanya ni Yahweh, “Sundin mong lahat ang sinasabi nila sapagkat hindi ikaw kundi ako ang itinatakwil nila bilang hari nila. Ang ginagawa nila sa iyo ngayon ay ginagawa na nila sa akin mula pa nang ilabas ko sila sa Egipto. Noon pa'y tumalikod na sila sa akin, at naglingkod sa mga diyus-diyosan. Sundin mo sila, ngunit bigyan mo sila ng babala at ipaliwanag mo sa kanila kung ano ang gagawin ng hari na nais nilang mamahala sa kanila.”
10 Lahat ng sinabi ni Yahweh kay Samuel ay sinabi nito sa mga Israelita. 11 Ito ang sabi niya, “Ganito ang gagawin sa inyo ng magiging hari ninyo: Kukunin niya ang mga anak ninyong lalaki upang gawing kanyang mga kawal; ang iba'y sasakay sa kanyang karwaheng pandigma, ang iba nama'y sa hukbong kabayuhan at ang iba nama'y maglalakad sa unahan ng mga karwahe. 12 Ang iba'y gagawin niyang opisyal para sa libu-libo at sa lima-limampu. Ang iba'y pagtatrabahuhin niya sa kanyang bukirin at sa pagawaan ng mga sandata at sasakyang pandigma. 13 Ang inyong mga anak na babae naman ay gagawin niyang manggagawa ng pabango, mga tagapagluto at tagagawa ng tinapay. 14 Kukunin din niya ang pinakamagaganda ninyong bukirin, ubasan, taniman ng olibo at ibibigay sa kanyang mga opisyal. 15 Kukunin din niya ang ikasampung bahagi ng inyong ani sa bukid at ubasan para ibigay sa kanyang mga pinuno at mga opisyal sa palasyo. 16 Kukunin niya pati ang inyong mga alila, babae't lalaki, ang pinakamagaganda ninyong baka, kabayo at asno upang magtrabaho para sa kanya. 17 Kukunin din ang ikasampung bahagi ng inyong kawan at kayo'y gagawin niyang alipin. 18 Pagdating ng araw na iyon, irereklamo ninyo kay Yahweh ang inyong hari na kayo mismo ang pumili ngunit hindi kayo papakinggan ni Yahweh.”
19 Hindi pinansin ng mga Israelita ang mga sinabi ni Samuel. Sa halip, sinabi nila, “Basta, gusto naming magkaroon ng hari 20 upang kami'y maging katulad ng ibang bansa, at upang ang aming hari ang siyang mamamahala at mangunguna sa amin sa digmaan laban sa aming mga kaaway.” 21 Nang mapakinggan ni Samuel ang kahilingan ng mga tao, sinabi niya ang mga ito kay Yahweh.
22 Sinabi naman sa kanya ni Yahweh, “Pagbigyan mo na ang gusto nila. Bigyan mo sila ng hari.”
Pagkatapos nito'y pinauwi na ni Samuel ang mga Israelita sa kani-kanilang bayan.
+ 8:5 Deut. 17:14.