ANG AKLAT NI SUSANA
Panimula
Ang salaysay tungkol kay Susana ay idinagdag sa Aklat ni Daniel nang ito ay isalin sa wikang Griego. Ang maikling kuwentong ito ay isa sa mga pinakamainam na maikling panitikan sa buong mundo. Sa pamamagitan ng paggamit ng mga paksang “tagumpay ng mabuti laban sa masama” at “pananampalataya sa Diyos”, ipinapakita nito ang angking kagandahang sining. Isinasalaysay dito kung paanong ang maganda at butihing si Susana na pinaratangan ng pangangalunya ay pinawalang sala dahil sa karunungan at katapangang ipinamalas ni Daniel.
1
Naakit ang Dalawang Hukom sa Kagandahan ni Susana
1 May nakatira noon sa Babilonia na isang lalaking nagngangalang Joakim.
2 Ang asawa niya ay si Susana na anak ni Hilkias. Si Susana ay isang babaing bukod sa napakaganda ay may takot pa sa Diyos.
3 Ang kanyang mga magulang ay mga tapat na Judio at pinalaki siya ng mga iyon ayon sa Kautusan ni Moises.
4 Napakayaman ni Joakim at ang bahay niya'y napapaligiran ng malawak at magandang hardin. Karaniwa'y doon nagpupulong ang mga Judio sapagkat iginagalang siya ng lahat.
5-6 Iyon ang naging tanggapan ng dalawang hukom ng bayan at doon nagpupunta ang mga taong may usapin. Nang taong iyon, nahalal na hukom ang dalawang matandang pinuno, at ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa kanila: “Lumabas sa Babilonia ang kasamaan sa katauhan ng dalawang matanda na naglilingkod sa bayan bilang mga hukom.”
7 Nakagawian na ni Susana ang mamasyal sa hardin ng kanyang asawa pagkaalis ng mga tao upang mananghalian.
8 Sa araw-araw na pamamasyal niya doon ay nakikita siya ng dalawang pinuno at naakit ang mga ito sa kanya.
9 Nagkaroon sila ng masamang hangarin sa babae. Sa kanilang pagkahibang kay Susana, tinalikuran nila ang pananalangin at kinalimutan ang kanilang tungkuling magpatupad ng katarungan sa bayan.
10 Kapwa sila nag-aalab sa pagnanasa kay Susana, ngunit inililihim nila sa isa't isa ang kanilang nadarama,
11 sapagkat nahihiya silang aminin ang kanilang pagnanasa.
12 Kaya't buong pananabik nilang hinihintay ang gayong oras bawat araw upang makita si Susana.
13 Isang araw, sabi nila sa isa't isa, “Umuwi na tayo! Oras na ng pananghalian.”
14 Naghiwalay nga sila ngunit nagbalik agad upang sundan ng tingin si Susana. Hindi sinasadya'y nagkasalubong sila. Noong una'y sinikap nilang ipaliwanag ang dahilan kung bakit naroon sila, ngunit sa huli ay inamin nila ang tunay nilang nadarama. Kaya't nagkasundo silang abangan si Susana habang ito ay nag-iisa.
Tinangka ng Dalawang Hukom na Akitin si Susana
15 At dumating ang pagkakataon. Gaya nang dati, si Susana ay pumasok sa hardin na kasama ang dalawa niyang katulong. Napakainit noon kaya't naisipan niyang maligo.
16 Wala nang iba pang nasa hardin kundi ang nagkukubling dalawang hukom na naninilip sa kanya.
17 Sinabi ni Susana sa kanyang mga katulong, “Dalhan ninyo ako ng pabango at langis ng olibo, at isara ninyo ang mga pinto para makapaligo na ako.”
18 Sumunod naman ang mga inutusan. Isinara nga nila ang mga pinto ng hardin. Lumabas sila sa maliit na pinto sa tagiliran upang kunin ang kanyang kailangan. Hindi nila nakita ang nagtatagong dalawang hukom.
19 Pagkaalis ng mga katulong, mabilis na lumapit kay Susana ang dalawang hukom.
20 “Sarado ang mga pinto at walang makakakita sa atin,” sabi nila kay Susana. “Sabik na sabik kami sa iyo, kaya't pagbigyan mo na ang aming kahilingan.
21 Kapag tumanggi ka, sasabihin naming nahuli ka namin na nakikipagtagpo sa isang binata, kaya mo pinaalis ang iyong mga katulong.”
22 Litung-lito si Susana at nasabi niya, “Wala akong lusot. Kung papayag ako sa inyo, paparusahan ako ng kamatayan. Kapag tumanggi naman ako, maghihiganti kayo sa akin.
23 Ngunit mamatamisin ko pang lasapin ang tindi ng inyong higanti kaysa magkasala ako laban sa Panginoon.”
24 Pagkasabi niyon ay malakas na nagsisigaw si Susana, ngunit sinabayan siya ng paratang ng dalawang lalaki.
25 Ang isa'y tumakbo sa pinto at binuksan ito.
26 Narinig sa buong kabahayan ang ingay sa hardin, kaya't nagmamadaling pumasok ang mga utusan sa pinto sa tagiliran para alamin kung ano ang nangyayari roon.
27 Sinabi ng dalawang hukom ang kanilang paratang kay Susana at ang mga katulong ay nabigla sa kanilang narinig sapagkat wala pa silang narinig na gayong paratang laban kay Susana.
Ang Paratang ng Dalawang Hukom Laban kay Susana
28 Kinabukasan, nang magkatipon na sa bahay ni Joakim ang mga tao, dumating ang dalawang hukom. Handa na silang hatulan ng kamatayan si Susana.
29 Sa harapan ng lahat ay ipinag-utos nilang tawagin si Susana, ang anak ni Hilkias at kabiyak ni Joakim.
30 Dumating ang babae, kasama ang kanyang mga magulang, mga anak, at lahat ng kanyang kamag-anak.
31 Si Susana ay napakaganda at napakahinhin.
32 May takip na belo ang kanyang mukha, subalit iniutos ng dalawang masamang hukom na alisin iyon upang pagsawaang tingnan ang kagandahan ni Susana.
33 Lungkot na lungkot namang nag-iiyakan ang pamilya ni Susana, maging ang mga taong naroroon.
34 Tumayo ang dalawang hukom, ipinatong sa ulo ni Susana ang mga kamay nila at ipinahayag ang kanilang mga paratang laban kay Susana.
35 Napatingala na lamang sa langit ang lumuluhang si Susana sapagkat tunay na nananalig siya sa Panginoon.
36 Sinabi ng mga hukom, “Naglalakad kami sa hardin nang pumasok ang babaing ito, kasama ang kanyang dalawang katulong. Isinara niya ang mga pinto ng hardin, saka pinaalis ang mga katulong.
37 Hindi nagtagal, lumabas sa pinagkukublihan ang isang binata at silang dalawa'y nagtalik.
38 Naroon kami sa isang sulok ng hardin. Pagkakita namin sa kanilang ginagawang kasamaan, lumapit kami.
39 Kahit na nakita namin sila na nagyayakapan, hindi namin napigilan ang lalaki. Higit na malakas siya kaysa amin, kaya't madali niyang nabuksan ang pinto at tumakas.
40 Itong babae ang pinigilan namin at tinanong kung sino ang binatang iyon, subalit ayaw niyang magtapat. Nanunumpa kaming ang aming ipinahayag ay pawang katotohanan.”
41 Sapagkat kinikilala silang pinuno ng bayan at mga hukom pa, pinaniwalaan ng mga tao ang kanilang salaysay at nagkaisang parusahan ng kamatayan si Susana.
Nanalangin si Susana
42 Dahil dito, malakas na sinabi ni Susana, “Diyos na walang hanggan, nalalaman po ninyo ang lahat ng lihim at nakikita ang lahat ng bagay bago pa mangyari.
43 Alam po ninyo na walang katotohanan ang ibinibintang nila sa akin. Bakit ako papatayin gayong hindi ko naman ginawa ang ibinibintang nila sa akin?”
Iniligtas ni Daniel si Susana
44-45 Dininig ng Diyos ang kanyang dalangin. Nang si Susana ay dinadala na sa bitayan, isang binatang nagngangalang Daniel ang nilukuban ng Diyos upang magpahayag ng pagtutol.
46 “Ayokong mapabilang sa mga sumasang-ayong patayin ang babaing ito,” sigaw niya.
47 Tinanong siya ng mga tao, “Ano ang ibig mong sabihin, binata?”
48 Tumayo ang binata sa kalagitnaan nila at nagpatuloy ng pagsasalita, “Mga Israelita, hangal ba kayo at hinatulan ninyo ang babaing ito nang hindi muna sinisiyasat at maingat na inalam ang katotohanan?
49 Kailangang ulitin ang paglilitis; walang katotohanan ang katibayang inilahad ng dalawang iyan laban sa kanya.”
50 Nagmamadaling bumalik ang mga tao sa lugar na pinaglitisan. Sinabi ng mga pinuno, “Daniel, dahil binigyan ka ng Diyos ng karunungang gaya ng sa isang pinuno, halika at sumama ka sa amin sa paghatol sa usaping ito.”
51 Pagkatapos, nagsalita si Daniel, “Paglayuin ninyo ang dalawang hukom at magkahiwalay ko silang sisiyasatin.”
52 Nang mapaglayo na sila, tinawag ni Daniel ang isa at sinabi, “Matandang walang kahihiyan! Kailangang panagutan mo na ang maraming kasalanang ginawa mo.
53 Hindi makatarungan ang mga hatol na iginagawad mo; pinaparusahan mo ang walang kasalanan at pinalalaya ang talagang nagkasala, bagama't sinabi ng Panginoon, ‘Huwag ninyong paparusahan ng kamatayan ang walang sala.’
54 Kung talagang nakita mo ang ipinaparatang mo sa babaing ito, sabihin mo sa akin, sa ilalim ng anong puno sila nagtatalik nang mahuli ninyo?”
Sumagot siya, “Sa ilalim ng maliit na puno ng goma.”
55 Sinabi ni Daniel, “Kung gayon, buhay mo ang kapalit ng iyong sagot, sapagkat ibinigay na ng Diyos sa kanyang anghel ang parusa mo at hahatiin ka sa dalawa.”
56 Inilayo siya roon, at ipinatawag ang kanyang kasama. Paglapit nito, sinabi ni Daniel, “Ikaw naman malupit na Canaanita na hindi mula sa angkan ni Juda. Binihag ng alindog ng babae ang iyong isip at inalipin ng kahalayan ang iyong puso.
57 Alam na namin ngayon ang ginagawa mo sa kababaihan ng Israel. Tinatakot mo sila para pagbigyan ang iyong kahalayan. Subalit narito ang isang babae ng Juda na hindi kayang sikmurain ang iyong kabuktutan!
58 Sabihin mo, sa ilalim ng anong puno ninyo nakita ang inyong pinagbibintangan?”
At sumagot ang matanda, “Sa ilalim ng malaking puno ng roble.”
59 “Kung gayon!” sagot naman ni Daniel, “Buhay mo ang katumbas ng kasinungalingang ito, sapagkat naghihintay na ang anghel ng Diyos upang putulin ka sa pamamagitan ng espada. Sa gayon, pareho kayong mapapahamak.”
60 Dahil dito, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng naroroon at nagpuri sila sa Diyos sapagkat iniligtas niya ang mga nagtitiwala sa kanya.
61 Binalingan nila ang dalawang hukom matapos patunayan ni Daniel na sila'y nagsisinungaling at nanumpa nang hindi totoo.
62 Hinatulan silang mamatay. Ayon sa Kautusan ni Moises, ang nagparatang nang hindi totoo ay siyang lalapatan ng parusang nakatakda sa kasalanang ipinaratang niya. Naligtas nga sa kamatayan ang isang taong walang kasalanan nang araw na iyon.
63 Si Hilkias at ang kanyang asawa ay nagpuri sa Diyos sapagkat napatunayang hindi totoo ang mga ipinaratang kay Susana. Gayon din ang pasasalamat ng asawa niyang si Joakim at lahat ng kanyang mga kamag-anak.
64 At mula noon, si Daniel ay dinakila ng kanyang mga kababayan.