28
1 Ang mapaghiganti ay paghihigantihan din ng Panginoon,
pagkat natatandaan niya ang kasalanan ng bawat tao.
2 Patawarin mo ang kapwa sa kanyang pagkukulang,
at kapag ikaw ay dumalangin sa Diyos, patatawarin ka rin naman.
3 Ang nagtatanim ng galit laban sa kapwa,
kapag tumawag sa Panginoon, walang kakamting awa.
4 Kung hindi siya nahahabag sa kapwa,
paano niya ihihingi ng tawad ang kanyang mga kasalanan?
5 Kung siya na tao lamang, ay nagkikimkim ng galit,
sinong magpapatawad sa kanyang mga kasalanan?
6 Alalahanin mo ang iyong wakas at pawiin mo ang iyong galit.
Isipin mo ang kamatayan at maging tapat ka sa mga Kautusan.
7 Tandaan mo ang Kautusan at huwag kang magalit sa kapwa;
alalahanin mo ang kasunduan ng Kataas-taasang Diyos at matuto kang magpatawad.
Ang Pagtatalo
8 Iwasan mo ang pagtatalo nang hindi ka laging magkasala;
ang mainitin ang ulo ay laging napapaaway.
9 Ang masamang tao'y naghahasik ng alitan,
pinag-aaway-away nito ang mga magkakaibigan.
10 Ang pagliliyab ng apoy ay nasa dami ng gatong;
ang pag-init ng labanan ay nasa tindi ng pagkagalit.
Ang tindi ng pagkagalit ay nasa yaman ng bawat isa,
kung mayaman ang isang tao, lalong matindi ang galit niya.
11 Ang padalus-dalos na usapa'y nauuwi sa mainitang pagtatalo;
ang biglang siklab na alita'y humahantong sa patayan.
12 Hipan mo ang baga, iyo'y magniningas,
ngunit kung duraan mo, iyo'y mamamatay,
at alinman dito'y bibig mo ang may gawa.
Ang Dila
13 Sumpain ang madaldal at ang mahabang-dila,
maraming nananahimik ang kanyang sinasalanta.
14 Marami nang ipinahamak ang dilang mapanghimasok:
Mga bansa'y napatapon sa iba't ibang lupain;
mga lunsod na may kuta ay nalupig ng kaaway; mga naghahari ay bumagsak nang tuluyan.
15 Dahil pa rin sa dilang iyan ang matapat na maybahay ay napalayas sa tahanan,
at ang kanyang pinagpagura'y inagaw na walang awa.
16 Ang sinumang nakikinig sa tsismis ay hindi magkakamit ng kapahingahan.
17 Ang hampas ng latigo ay nakakalatay;
ang hagupit ng dila ay nakakabali ng buto.
18 Mas marami ang namatay sa talas ng dila,
kaysa napahamak sa talim ng espada.
19 Mapalad ang taong dito'y nakaiwas,
sa kalupitan nito'y lubhang nakaligtas.
Mapalad ang taong hindi nito nagapos,
at hindi nagpasan ng pamatok nito.
20 Ang pamatok nito'y sintigas ng bakal,
ang tanikala'y mabigat na tanso.
21 Ang kamatayang iginagawad nito'y kakila-kilabot,
higit na malupit kaysa libingan.
22 Walang magagawa ang dilang malupit sa mga tunay na banal,
at hindi sila masusunog ng apoy nito.
23 Ngunit ang mga tumatalikod sa Panginoon ay mahuhulog sa kapangyarihan niya,
matutupok sila magpakailanman sa kanyang ningas na di mapapawi.
Ang malupit na dila ay sasalakay na parang leon,
parang malupit na leopardo na lalapa sa kanila.
24-25 Kung sinususian ang ginto mo't pilak upang hindi manakaw,
mga salita mo ay dapat timbangin at pakaingatan.
Kung pinalilibutan mo ang iyong ubasan ng bakod na tinik,
lagyan mo ng pinto't matibay na tarangka ang iyong bibig.
26 Pakaingatan mong huwag magkamali nang dahil sa dila,
upang hindi mahulog sa kapangyarihan ng nakaabang na kaaway.