33
Hindi mapapahamak kailanman ang may takot sa Panginoon;
sa lahat ng pagsubok siya'y laging maliligtas.
Ang taong marunong ay di napopoot sa Kautusan,
ngunit ang tumutupad nito nang paimbabaw ay parang bangkang hinampas ng bagyo.
Ang+ matalinong tao ay nananalig sa Kautusan;
ang tiwala niya dito'y tulad sa tinig ng Panginoon.
 
Ihanda mo ang iyong sasabihin kung nais mong ikaw ay pakinggan,
isaayos mo muna ang iyong nalalaman bago ka tumugon.
Parang gulong ng kariton ang isipan ng mangmang,
parang paikut-ikot na ehe ang kanyang pangangatuwiran.
Ang kaibigang mapanlibak ay parang kabayong haling,
na kapag sinakyan ninuman ay humahalinghing.
Ang Pagkakaiba-iba ng mga Bagay
Bakit may araw na itinuturing na higit kaysa iba,
gayong iisa namang araw ang sumisikat sa buong isang taon?
Sapagkat may mga araw na itinangi ang Panginoon,
nang itatag niya ang mga panahon at mga kapistahan.
May araw siyang pinagpala at pinabanal,
at mayroon namang itinuring na pangkaraniwan.
 
10 Lahat ng tao ay mula sa alabok;
sa alabok hinugis si Adan.
11 Ngunit sa di malirip na karunungan ng Panginoon, wala siyang ginawa na magkatulad;
binigyan niya ang bawat isa ng kanyang tanging kalagayan.
12 Mayroon siyang pinagpala at pinadakila,
mayroon siyang hinirang at itinalagang maglingkod sa kanya;
at mayroon namang sinumpa, pinahiya, at pinalayas sa kanilang kinalalagyan.
13 Ang putik ay hinuhugisan ng magpapalayok
ayon sa kanyang maibigan.
Gayundin naman, ang tao ay binibigyan ng Diyos ng kani-kaniyang kalagayan,
ayon sa kanyang minamarapat.
14 Ang katapat ng masama ay ang mabuti,
ang katapat ng kamatayan ay ang buhay,
at ang katapat ng makasalanan ay ang taong maka-Diyos.
15 Ganyan nagmula sa kamay ng Lumikha ang lahat ng bagay:
magkakatambal, ang isang bagay ay kabaligtaran ng ikalawa.
 
16 Ako ang kahuli-hulihang namitas ng ubas,
wari'y namulot lamang ako pagkaraan ng mamimitas.
Ngunit sa awa ng Panginoon, marami pa rin akong nakuha,*
at napuno ko pa rin ang aking mga pisaan, gaya ng mga naunang namitas.
17 Alalahanin ninyong ito'y hindi ko ginawa para sa aking sarili lamang,
kundi alang-alang sa lahat ng naghahangad matuto ng mabuting aral.
18 Kaya makinig kayo, mga pinuno ng bayan,
kayo, mga namamahala sa kapulungan, pag-isipan ninyo ito.
Manatiling Malaya
19 Habang ikaw ay nabubuhay pa dito sa daigdig,
huwag mong ipagkatiwala ang buhay mo kaninuman, maging sa asawa, anak, o kaibigan.
At huwag mo ring ipamigay na lahat ang iyong ari-arian.
Baka ka magsisi at mapilitang magmakaawa sa ari-ariang iyong ibinigay.
20 Habang ikaw ay may hininga,
huwag mong ipailalim ang buhay mo sa iba.
21 Mas mabuti na ang mga anak mo ang humingi sa iyo,
kaysa ikaw ang magmakaawa sa kanila.
22 Magsikap ka sa lahat mong kabuhayan,
at huwag mong dudungisan ang iyong karangalan.
23 At sa wakas ng iyong buhay, kapag ika'y naghihingalo na,
saka mo ipamana ang lahat mong ari-arian.
Tungkol sa mga Alipin
24 Ang asno'y dapat bigyan ng kumpay, karga, at latigo;
ang alipin nama'y dapat bigyan ng pagkain, disiplina at trabaho.
25 Pagawain mo nang husto ang iyong alipin upang matahimik ang loob mo;
kapag siya'y walang gawain, malamang na makaisip ng paglaya.
26 Singkaw at pamatok ang pampasuko sa toro;
parusa ng berdugo ang pansupil sa masamang alipin.
27 Pamalagiin mo siyang abala sa gawain;
sapagkat ang walang ginagawa ay nakakaisip ng masama.
28 Pagtrabahuhin mo siya, doon siya nakatalaga,
at kung hindi sumunod, tanikalaan mo siya.
 
29 Ngunit huwag kang magmamalabis kaninuman,
at huwag gagawa ng anumang labag sa katarungan.
30 Kung mayroon kang alipin, mahalin mo siyang gaya ng iyong sarili,
sapagkat pinaghirapan mo ang salaping ibinili sa kanya.
31 Ituring mo siyang parang kapatid,
sapagkat kailangan mo siya gaya ng iyong sarili.
Kung maging malupit ka sa kanya at siya'y lumayas,
saang panig ng daigdig mo siya hahanapin?
+ 33:3 Exo. 28:30; Ecc. 45:10. * 33:16 marami pa rin akong nakuha: o naabutan ko pa ang mga iba.