44
Ang Ating mga Ninuno
Papurihan naman natin ngayon ang ating mga ninuno,
ang mga lalaking tanyag* noong kanilang kapanahunan.
Sa pamamagitan nila'y ipinakilala ng Panginoon ang kanyang kadakilaan,
at ipinakita ang kanyang kapangyarihan sa mula't mula pa.
May mga namahala ng mga kaharian,
may mga nabantog dahil sa kanilang kapangyarihan,
ang iba nama'y naging mga dalubhasang tagapayo,
at ang iba'y nagpahayag ng kalooban ng Diyos.
Mayroong mga naging taga-akay ng buong bansa, mga pinunong umakda ng mabubuting batas,
mga dalubhasang nagturo ng magagandang aral,
at mga matatalinong lumikha ng malalalim na talinghaga.
Mayroon namang gumawa ng mga awit at humabi ng mga tula.
Ang iba nama'y naging mayaman at makapangyarihan,
at namuhay ng tahimik sa kani-kanilang tahanan.
Silang lahat ay iginalang habang sila'y nabubuhay,
at kinilala ng madla noong kanilang kapanahunan.
Mayroon sa kanilang nag-iwan ng matatag na pangalan,
at patuloy pang pinapupurihan magpahanggang ngayon.
Mayroon namang hindi na natatandaan ninuman,
at lubusan nang naglaho ang kanilang pangalan.
Para silang hindi isinilang sa daigdig na ito,
at gayundin ang nangyari sa kanilang mga angkan.
10 Narito ang talaan ng mga lalaking tunay na may takot sa Diyos,
ang kanilang ginawa'y hindi pa nalilimutan.
11 Patuloy na mamanahin ng kanilang mga salinlahi ang kanilang magandang pangalan,
at ito ang kanilang magiging mahalagang kayamanan.
12 Dahil sa kasunduan sa kanila ng Panginoon, nanatiling matatag ang kanilang angkan.
At alang-alang pa rin sa kanila, ay magpapatuloy hanggang sa kanilang kaapu-apuhan.
13 Hindi mapuputol ang kanilang lahi,
at hindi maglalaho ang kanilang katanyagan.
14 Matagal nang nalibing ang kanilang mga bangkay,
subalit mananatili pa ring buháy ang kanilang alaala.
15 Matatanyag sa mga bansa ang kanilang karunungan,
at patuloy silang pararangalan ng buong sambayanan.
Si Enoc
16 Namuhay+ si Enoc ayon sa kalooban ng Panginoon, at siya'y buháy na dinala ng Diyos sa langit,
upang maging halimbawa ng pagsisisi sa susunod na mga salinlahi.
Si Noe
17 Si+ Noe ay natagpuang matuwid at tapat,
kaya't naligtas siya sa galit ng Panginoon.
At dahil sa kanya'y may natirang tao sa lupa,
nang gunawin ang daigdig sa pamamagitan ng baha.
18 Nakipagtipan sa kanya ang Panginoon,
na hindi na niya lilipulin uli ang tao sa pamamagitan ng baha.
Si Abraham
19 Si+ Abraham naman ang naging ama ng maraming bansa,
at walang maipapantay sa kanyang karangalan.
20 Sinunod niya ang utos ng Kataas-taasang Diyos,
at nakipagtipan siya sa Panginoon.
Dinala niya sa katawan ang tanda ng kanilang kasunduan,
at natagpuang tapat sa oras ng pagsubok.
21 Kaya't ipinangako sa kanya ng Panginoon
na pagpapalain ang mga bansa sa pamamagitan ng kanyang lahi;
ang mga salinlahi niya'y daraming parang alabok,
at magniningning na parang mga bituin.
Ibibigay niya sa kanila bilang pamana ang isang lupaing ang mga hangganan ay dagat,
at mula sa ilog hanggang sa dulo ng daigdig.
Si Isaac at si Jacob
22 Gayundin+ ang ipinangako niya kay Isaac,
alang-alang kay Abraham,
na pagpapalain sa pamamagitan niya ang sangkatauhan.
23 Isinalin niya kay Jacob ang kanyang pakikipagkasundo,
at pinagtibay ang ipinangakong pagpapala.
Ibinigay niya rito ang lupaing kanyang ipinangako,
at pinaghati-hati sa labindalawang lipi.
* 44:1 tanyag: Sa ibang manuskrito'y makadiyos. + 44:16 Gen. 5:24; Heb. 11:5; Ju. 14. + 44:17 Gen. 6:99:17. 44:17 At dahil…lupa: o kaya'y At binigyan niya ng bagong pag-asa ang sangkatauhan. + 44:19 Gen. 15:117:27; 22:1-18. 44:19 walang maipapantay sa kanyang karangalan: Ganito ang nasa tekstong Griego. Sa tekstong Hebreo ay ang kanyang karangalan ay dalisay at ganap. + 44:22 Gen. 17:19; 26:3-5; 27:28; 28:14.