11
Galak na galak na umalis si Tobias. Matapos mamaalam, sinabi pa nito bago umalis, “Mabigyang-kasiyahan ko nawa kayo habang ako'y nabubuhay!” Umalis siya na pinupuri ang Panginoon ng langit at lupa, at Hari ng buong mundo, dahil sa matagumpay nilang paglalakbay. At kanya ring ipinangakong pararangalan ang mag-asawang Raguel at Edna habambuhay.
Ang Paglalakbay Pauwi
Naglakbay nga silang pabalik na kasama rin si Rafael. Nang malapit na sila sa Kaserin na katapat ng Nineve, sinabi ni Rafael, “Natatandaan mo ba ang kalagayan ng iyong ama noong tayo'y lumisan? Mabuti pa'y mauna na tayo para makapaghanda agad sa bahay. Hayaan mo nang mahuli ang iyong asawa at ang buong pangkat.” At nauna nga silang dalawa. Sa daa'y sinabi ni Rafael, “Tobias, dalhin mo ang apdo ng isda.” Lumakad silang kasunod ang aso ni Tobias.*
Samantala'y patuloy na nag-aabang si Ana sa lansangang daraanan ni Tobias. Nang makita niyang ito'y dumarating, pasigaw niyang tinawag si Tobit at sinabi, “Narito na si Tobias kasama ang lalaking pinasama mo.”
Bago dumating ng bahay, sinabi ni Rafael kay Tobias, “Sigurado kong makakakitang muli ang iyong ama. Pagdating mo'y ipahid mo agad sa kanyang mga mata ang apdo ng isda. Aalisin nito ang katarata sa mata ng iyong ama at muli siyang makakakita.”
Tumatakbong sinalubong ni Ana ang kanyang anak at niyakap ito nang mahigpit. Sinabi nito kay Tobias, “Maaari na akong mamatay, anak, ngayong muli kitang nakita.” At naiyak siya sa laki ng tuwa.
Nagbalik ang Paningin ni Tobit
10 Sa pananabik ni Tobit sa kanyang anak, nagmamadali itong lumabas, ngunit nadapa siya sa may tarangkahan ng bulwagan. 11 Nilapitan ni Tobias ang kanyang ama, hawak ang apdo ng isda. Ibinangon niya ito at hinipan ang mga mata. “Lakasan ninyo ang inyong loob, Itay,” sabi niya. 12 Agad+ niyang ipinahid sa mga mata nito ang hawak na apdo. 13 Pagkatapos, inalis niya ang katarata, at nakakitang muli ang kanyang ama. 14 Niyakap ni Tobit ang anak at umiiyak na nagsabi, “Maliwanag na ang aking paningin; nakikita na kita, anak!” Pagkatapos ay sinabi,
“Purihin ang Diyos! Purihin ang dakila niyang pangalan,
pagpalain ang lahat niyang mga anghel.
Nawa'y purihin ang banal niyang pangalan sa lahat ng panahon.
15 Sapagkat siya ang nagparusa sa akin at siya rin ang nahabag.
Narito, nakikita ko na ang aking anak, nakikita ko na si Tobias!”
Pumasok si Tobias sa loob ng bahay. Galak na galak siya at sumisigaw na nagpupuri sa Diyos. Isinalaysay nito sa ama ang kanyang naging tagumpay. Sinabi ni Tobias, “Nakuha ko po ang salapi at napangasawa ko pa si Sara, ang anak ng kamag-anak ninyong si Raguel. Kasunod po namin siya at marahil ay papasok na sila sa Nineve.”
Ang Pagdating ni Sara
16 Galak na galak si Tobit na nagpuri sa Diyos. Lumabas siya at nagpunta sa may pasukan ng Nineve upang salubungin ang kanyang manugang. Napansin ng mga tagaroon na mabilis ang paglakad ni Tobit kahit walang umaakay. Namangha silang lahat. 17 Sa harapan nila'y ipinaliwanag niya ang kagandahang-loob ng Diyos nang ibalik ang kanyang paningin.
Dumating nga ang manugang niyang si Sara, at binati niya ito, “Maligayang pagdating, anak! Purihin ang Diyos sa ginawa niyang ito. Kumusta ang iyong ama't ina? Pagpalain nawa sila at kayo ni Tobias! Maligayang pagdating!”
Lahat ng mga Judio sa Nineve ay nagdiwang nang araw na iyon. 18 Dumating din ang mag-amaing Ahikar at Nadab. Tuwang-tuwa sila para kay Tobit. Pitong araw nilang ipinagdiwang ang pag-aasawa ni Tobias [na tumanggap noon ng maraming regalo.]
* 11:4 kasunod ang aso ni Tobias: Sa ibang manuskrito'y kasama ang Panginoon. + 11:12 Gw. 9:18. 11:18 na tumanggap noon ng maraming regalo: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.