Ang Sulat ni Pablo kay
TITO
Panimula
Si Tito ay isang Hentil na nahikayat sa Cristianismo at naging kamanggagawa ni Pablo sa pagpapahayag ng Magandang Balita. Naiwan si Tito sa pulo ng Creta upang mangasiwa sa iglesya roon. Tatlo ang pangunahing paksa ng sulat na ito.
Una, ipinapaalala ni Pablo kay Tito ang mga katangiang dapat taglayin ng mga namumuno sa iglesya, lalo na sa gitna ng maraming taga-Cretang masasama ang ugali. Ikalawa, pinapayuhan ni Pablo si Tito kung paano niya tuturuan ang matatandang lalaki, matatandang babae (na siya namang dapat magturo sa mga kabataang babae), mga kabataang lalaki, at mga alipin. Ikatlo, pinapayuhan din si Tito na sumulat tungkol sa asal Cristiano; na siya'y dapat maging mapagpayapa, mabuting makisama, at umiwas sa pakikipagtalo, at sa mga alitan sa iglesya.
Nilalaman
Panimula 1:1-4
Ang mga pinuno ng iglesya 1:5-16
Mga tungkulin ng iba't ibang pangkat sa iglesya 2:1-15
Mga pangaral at babala 3:1-11
Pagwawakas 3:12-15
1
Mula kay Pablo, lingkod* ng Diyos at apostol ni Jesu-Cristo.
Sinugo ako upang patibayin ang pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos, at upang palawakin ang kanilang kaalaman sa katotohanan tungkol sa pamumuhay na maka-Diyos, at bigyan sila ng pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bago pa likhain ang sanlibutan, ang buhay na ito'y ipinangako na ng Diyos na kailanma'y hindi nagsisinungaling. Ipinahayag niya ito sa kanyang salita sa takdang panahon, at ako ang napagkatiwalaang mangaral nito, ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas.
Kay Tito, na tunay kong anak sa iisa nating pananampalataya.
Sumaiyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos Ama at mula sa ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus.
Mga Gawain ni Tito sa Creta
Iniwan kita sa Creta upang ayusin mo ang mga bagay na dapat pang ayusin at upang magtalaga ka ng matatandang pinuno ng iglesya sa bawat bayan, ayon sa iniutos ko sa iyo. Italaga+ mo ang mga taong walang kapintasan; isa lamang ang asawa, at ang mga anak ay mananampalataya, may pagpipigil sa sarili at hindi suwail. Bilang katiwala ng Diyos, kailangang walang kapintasan ang isang tagapangasiwa ng iglesya. Hindi siya dapat mayabang, hindi magagalitin, hindi lasenggo, hindi mapusok o sakim, bukás ang tahanan sa mga panauhin, maibigin sa kabutihan, mahinahon, matuwid, may kabanalan, at marunong magpigil sa sarili. Kailangang matatag siyang nananalig sa mga tunay na aral na natutunan niya, upang ito'y maituro naman niya sa iba at maipakita ang kamalian ng mga sumasalungat dito.
10 Sapagkat maraming tao, lalung-lalo na ang mga galing sa Judaismo, ang suwail at nanlilinlang sa iba sa pamamagitan ng mga katuruang walang kabuluhan. 11 Kailangang pigilan sila sa kanilang mga ginagawa sapagkat ginugulo nila ang mga pamilya at nagtuturo ng mga bagay na hindi dapat ituro, kumita lamang sila ng salapi. 12 Isa na ring taga-Creta na kinikilala nilang propeta ang nagsabi, “Ang mga taga-Creta ay palaging sinungaling, asal-hayop, batugan, at matakaw.” 13 Tama ang kanyang sinabi, kaya't mahigpit mo silang pagsabihan upang maging wasto ang kanilang pananampalataya, 14 at huwag nang maniwala pa sa mga alamat ng mga Judio, o sa katuruan ng mga taong tumalikod sa katotohanan. 15 Malinis ang lahat ng bagay sa may malinis na isipan, ngunit sa masasama at di-sumasampalataya, walang bagay na malinis sapagkat marumi ang kanilang budhi at isipan. 16 Ang sabi nila'y kilala nila ang Diyos, ngunit ito'y pinapasinungalingan ng kanilang mga gawa. Sila'y kasuklam-suklam, suwail at hindi nababagay sa gawang mabuti.
 
* 1:1 lingkod: Sa Griego ay alipin. + 1:6 1 Tim. 3:2-7. 1:7 tagapangasiwa: o kaya'y obispo.