16
1 Dahil dito, pinadalhan sila ng angkop na parusa,
pinahirapan sila sa pamamagitan ng napakaraming hayop.
2 Ngunit hindi mo pinarusahan nang ganito ang iyong bayan,
sa halip, kinaawaan mo sila, Panginoon.
Pinadalhan mo sila ng mga pugo upang may makain sila,
masarap at pambihirang pagkain, upang sila'y masiyahan.
3 Ginawa mo ito upang ang mga taong iyon ay hindi makakain kahit nagugutom,
sapagkat ang mga hayop na ipinadala mo ay pawang nakakapandiri.
Ngunit ang bayan mo'y nagutom lamang ng sandaling panahon,
at pagkatapos ay pinakain mo sila agad ng napakasarap na pagkain.
4 Kailangang ang mga mapang-api na bayang iyon ay magdanas ng matinding paghihirap,
upang makita ng iyong bayan kung paano mo pinahihirapan ang kanilang mga kaaway.
5 Nang ang bayan mo'y lusubin ng mababangis na hayop at makakamandag na ulupong,
at pagpapatayin sila sa bagsik ng kanilang kamandag,
hindi nagtagal at nawala na ang galit mo at hindi mo sila pinabayaang malipol.
6 Ang maikling pahirap na iyan ay isang babala lamang.
Kapagdaka'y binigyan mo sila ng isang sagisag ng kaligtasan.
Ang ahas na tanso ay isang paalala sa kanila na hinihingi ng iyong Kautusan.
7 Ang sinumang tumingin doon ay naligtas sa kagat ng ahas,
ngunit hindi sa bisa ng kanilang nakita, kundi sa kapangyarihan mo, ang tagapagligtas ng sangkatauhan.
8 Sa pamamagitan nito, ipinakita mo sa aming mga kaaway
na ikaw ang nagliligtas sa tao sa lahat ng kasamaan.
9 Nagkamatay ang aming mga kaaway sa kagat ng mga balang at langaw,
at walang nakuhang igagamot sa kanila,
sapagkat kailangang parusahan sila sa pamamagitan ng gayong paraan.
10 Samantala, ang mga anak mo ay di nagapi kahit ng kagat ng makamandag na ahas,
sapagkat kinahabagan mo sila, tinulungan at pinagaling.
11 Binayaan mo silang tuklawin ng mga ahas upang maalala nila ang iyong mga utos,
subalit agad mo silang iniligtas upang di ka nila makalimutan
at upang hindi nila tuluyang makaligtaang pakinabangan ang kabutihan mo sa kanila.
12 Hindi gamot na pantapal o panghaplos ang nagpagaling sa kanila.
Pinagaling sila ng iyong salita, O Panginoon, ng salita mong nagpapagaling sa sangkatauhan.
13 Ikaw ang may kapangyarihan sa buhay at kamatayan;
ikaw ang makapagdadala sa tao sa daigdig ng mga patay, at ikaw rin ang tanging makapagbibigay sa kanya ng panibagong buhay.
14 Ang masamang tao ay maaaring pumatay ng kapwa,
ngunit hindi siya maaaring bumuhay ng patay
o magpalaya sa isang kaluluwang bilanggo ng kamatayan.
Pinarusahan ang Egipto
15 Sinuman ay hindi makakaligtas sa iyong mga kamay.
16 Tingnan ninyo ang masasamang taong iyon.
Ayaw ka nilang kilalanin bilang Diyos,
kaya pinarusahan mo sila sa pamamagitan ng dakila mong kapangyarihan.
Hinagupit mo sila ng malalakas na bagyo ng ulan at yelo,
at lubusan silang natupok sa apoy.
17 Ito ang kahanga-hanga: ang apoy ay lalong naglagablab sa gitna ng tubig na siyang ipinampapatay sa apoy.
Ang buong sansinukob ay tumulong upang ipagtanggol ang mga matuwid.
18 Sa isang pagkakataon ang ningas ay biglang namatay,
nang hindi mamatay ang mga hayop na ipinadala mo upang parusahan ang mga taong iyon.
Sa gayon ay ipinakita mo sa kanila
na sila'y inuusig ng parusa ng Diyos.
19 Ngunit sa iba namang pagkakataon, ang apoy ay lalo pang naglagablab nang palibutan ng tubig,
upang sirain ang ani sa lupain ng mga makasalanan.
Ang Pagkaing Mula sa Langit
20 Ngunit ang bayan mo'y hindi nahirapan nang ganyan; sa halip, pinadalhan mo sila ng pagkain ng mga anghel.
Mula sa langit, binigyan mo sila ng tinapay na hindi na kailangang iluto kundi handa nang kainin;
pagkaing naging kasiya-siya sa lahat, kahit na ano ang kanilang panlasa.
21 Dito nakikita kung gaano ang pagkalinga mo sa iyong mga anak.
Nagustuhan ng lahat ang pagkaing iyon,
sapagkat nagbabago ang lasa ayon sa nais na lasa ng bawat kumakain.
22 Ang pagkaing iyon ay dapat sanang natunaw na gaya ng yelo o niyebe,
ngunit hindi natunaw kahit lutuin sa apoy.
Dito'y ipinakilala mo sa iyong bayan na ang apoy na tumupok sa ani ng kanilang kaaway, samantalang umuulan ng yelo,
23 ay siya ring apoy na inalisan mo ng kapangyarihan,
upang sila'y may makain.
24 Ikaw ang lumikha sa sansinukob, at ang lahat ay nasa ilalim ng iyong kapangyarihan.
Ginagamit ng kalikasan ang kanyang lakas upang parusahan ang masasama,
ngunit siya'y banayad at maamo sa mga nagtitiwala sa iyo.
25 Ang kalikasan ay nag-angkin ng lahat ng anyo,
upang ipakita kung paano mo pinangangalagaan ang lahat ng tumatawag sa iyo.
26 Nangyari ang lahat ng ito, Panginoon, upang maunawaan ng bayan mong minahal,
na hindi sila mabubuhay sa pamamagitan lamang ng kanilang mga tanim.
Ang iyong salita ang nagbibigay-buhay sa lahat ng umaasa sa iyo.
27 Ang pagkaing hindi natupok sa apoy
ay natunaw sa unang sinag ng araw.
28 Dito'y tinuruan mo kaming bumangon bago magbukang-liwayway,
at magpasalamat sa iyo at manalangin sa pagsikat ng araw.
29 Ang pag-asa ng taong di marunong tumanaw ng utang na loob ay matutunaw na parang hamog na nagyelo,
at aagos na parang tubig na di pinakinabangan.