5
Ang Pagsisisi ng Masasama
1 Pagdating ng araw, ang matuwid ay taas-noong haharap sa mga nagpahirap sa kanya
at hindi nagpahalaga sa kanyang mga pagsisikap.
2 Pagkakita sa kanya, ang masasama'y magugulat,
sapagkat hindi nila inaasahang siya ay maliligtas, at sila'y manginginig sa matinding takot.
3 Pagsisisihan nila ang kanilang ginawa,
at sa gitna ng paghihirap ng damdamin ay sasabihin nila,
4 “Narito ang taong dati'y ating pinagtatawanan! Tayo pala ang hangal!
Nilibak natin siya at hinamak.
Akala natin ay kabaliwan ang kanyang pamumuhay,
at nang mamatay siya'y hindi natin pinarangalan.
5 Ngayon, narito siya't itinuturing na anak ng Diyos,
at kabilang sa mga taong hinirang ng Diyos.
6 Tayo pala ang lumihis sa landas ng katotohanan!
Hindi tayo namuhay sa liwanag ng katuwiran,
hindi man lamang natin nasilayan ang unang sinag ng kanyang liwanag.
7 Nagpakasawa tayo sa daan ng kasamaan at kapahamakan,
naglakbay tayo sa gubat ng kasalanan,
hindi natin tinunton ang landas ng Panginoon.
8 Ito ang napala natin sa ating pagmamataas,
maging ang ipinagmamagaling nating kayamanan ay walang kabutihang naidulot sa atin.
9 Ang lahat ng iyon ay naglahong parang anino,
para lamang nagdaang ugong ng balita.
10 “Pagdaan ng barko sa ibabaw ng dagat,
nahati ang mga alon at nahawi ang tubig,
ngunit pagkalampas ay walang naiwang bakas.
11 Paglipad ng ibon sa himpapawid,
di mo matutunton ang kanyang dinaanan.
Ang hanging hinampas ng kanyang mga pakpak
at binagtas ng mabilis niyang lipad,
dagling naghilom na parang di nagalaw.
12 Nahahati ng palasong patungo sa tudlaan ang hangin na kanyang dinaanan,
ngunit pagkalampas ay wala ka ring makikitang bakas.
13 Ganyan ang mangyayari sa ating buhay.
Isinilang tayo at pagkatapos ay mamamatay,
at wala tayong maiiwang bakas ng anumang kabutihan.
Sa halip, inaaksaya natin ang panahon sa pagpapakasama.”
14 Ang pag-asa ng masama ay parang dayaming ikinakalat ng malakas na hangin,
parang bula sa karagatang hinahampas ng bagyo,
parang usok na itinataboy ng banayad na simoy ng hangin.
Parang alaala ng isang panauhing tumira lamang nang isang araw.
Ang Taong Matuwid
15 Ngunit ang matuwid ay mabubuhay magpakailanman,
gagantimpalaan sila ng Panginoon,
iingatan sila ng Kataas-taasang Diyos.
16 Sila'y bibigyan ng maringal na karangalan
at puputungan ng maningning na korona.
Sila'y lulukuban ng kanang kamay niyang matuwid,
at ipagtatanggol ng kanyang malalakas na bisig.
17 Sasalakayin niya ang kanyang mga kaaway hanggang sa malipol,
at gagamitin niyang sandata ang sangnilikha.
18 Ang baluti niya'y ang katuwiran,
ang helmet niya'y ang katarungan,
19 at ang kabanalan ang kanyang kalasag.
20 Ihahasa niya ang kanyang galit upang gamiting espada,
at sasamahan siya ng mga lakas ng kalikasan,
upang bakahin ang mga hangal na nangangahas lumaban sa kanya.
21 Mula sa balumbon ng mga ulap, iigkas ang mga kidlat,
na tila mga palasong walang mintis na tatama sa bawat tudlain ng Panginoon.
22 Uulanin ang kanyang mga kaaway ng malalaking tipak ng yelo,
hahampasin sila ng nagngangalit na alon ng dagat,
at tatabunan sila ng umuugong na baha.
23 Babayuhin sila ng malakas na hangin
at ipapadpad silang parang dayami.
Kaguluhan ang maghahari sa buong daigdig,
at babagsak ang mga pamahalaan dahil sa kanilang masasamang gawa.