11
1 “Sa unang taon ni Dario na taga-Media, dumating ako mismo upang tulungan at pangalagaan si Miguel.
2 At ngayon, ipapahayag ko sa iyo ang isang katotohanan. Tatlong hari ang lilitaw sa Persia at ang ika-apat ay higit na mayaman kaysa sa kanilang lahat. Nang magkaroon siya ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kaniyang mga kayamanan, hihimukin niya ang bawat isa laban sa kaharian ng Grecia.
3 At mamumuno ang isang makapangyarihang hari sa isang napakalaking kaharian at gagawin niya ang lahat ng bagay na kaniyang naisin.
4 Sa kaniyang paglitaw, mawawasak ang kaniyang kaharian at mahahati sa apat na hangin ng langit. Ngunit hindi ito maibibigay sa kaniyang mga kaapu-apuhan, at hindi ito magkakaroon ng dati nitong kapangyarihan nang pinamumunuan niya ito. Sapagkat mabubunot ang kaniyang kaharian at ibibigay sa hindi niya sariling kaapu-apuhan.
5 Magiging malakas ang hari ng Timog ngunit isa sa kaniyang mga pinuno ng hukbo ang magiging mas malakas sa kaniya at pamumunuan ang mas malaki pang kaharian.
6 Pagkatapos ng ilang taon, sa tamang panahon, gagawa sila ng isang kasunduan. Pupunta ang babaeng anak ng hari ng Timog sa hari ng Hilaga upang patunayan ang kasunduan. Ngunit mawawala ang kaniyang kapangyarihan, at iiwanan siya—siya at ang mga nagdala sa kaniya, ang kaniyang ama, at ang isang taong tumulong sa kaniya sa mga panahong iyon.
7 Ngunit lilitaw ang isang sanga mula sa kaniyang mga ugat na papalit sa kaniyang puwesto. Sasalakayin niya ang mga hukbo at papasukin ang mga tanggulan ng hari ng Hilaga. Lalabanan niya sila at sasakupin.
8 Dadalhin niya sa Egipto ang kanilang mga diyos kasama ang kanilang mga inukit na imaheng metal at ang kanilang mahahalagang lalagyan ng pilak at ginto at sa loob ng ilang taon, iiwasan niyang salakayin ang hari ng Hilaga.
9 Sasakupin ng hari ng Hilaga ang kaharian ng hari ng Timog, ngunit aatras siya sa kaniyang sariling lupain.
10 Magsisimula ng digmaan ang kaniyang mga anak na lalaki at magtitipon ng isang malaking hukbong patuloy na darating at aapaw na tulad ng isang baha, makakapasok at muling sasalakay hanggang sa kaniyang tanggulan.
11 Ang hari ng Timog ay galit na magmamartsa at makikipaglaban sa hari ng Hilaga. Magpapalakas ng malaking hukbo ang hari ng Hilaga, ngunit ibibigay ito sa hari ng Timog.
12 Kapag nagtagumpay na ang mga hukbo, mapupuno ng pagmamataas ang hari ng Timog, at papatayin ang libu-libo sa kaniyang mga kaaway. Ngunit hindi siya magtatagumpay.
13 Muling bubuo ng isa pang hukbo ang hari ng Hilaga, mas malaki kaysa nauna. Pagkatapos ng ilang taon, ang hari ng Hilaga ay tiyak na babalik na may isang malaking hukbo na natustusan ng maraming kagamitan.
14 Sa mga panahong iyon, marami ang lilitaw laban sa hari ng Timog. Ang mga pinakamarahas sa iyong mga tao ay tatayo sa kanilang mga sarili upang tuparin ang pangitain, ngunit matitisod sila at mahuhulog.
15 Darating ang hari ng Hilaga at magtatayo ng mga tambak na daraanan at bibihagin ang pinatibay na lungsod. Hindi makakayanang tumayo ng puwersa ng Timog, maging ang kanilang pinakamalalakas na kawal ay walang lakas upang tumayo.
16 Ngunit gagawin ng hari ng Hilaga ang lahat ng gusto niyang gawin laban sa hari ng Timog at walang sinumang pipigil sa kaniya; itatatag niya ang kaniyang sarili sa mainam na lupaing dala-dala ng kaniyang kamay ang ganap na pagkawasak.
17 Ang hari ng Hilaga ay magpapasyang pumunta na taglay ang lakas ng kaniyang buong kaharian, at dala-dala niya ang isang makatarungang kasunduan na kaniyang ipatutupad kasama ang hari ng Timog. Ibibigay niya sa hari ng Timog ang isang babaeng anak na ipapakasal upang wasakin ang kaharian ng Timog. Ngunit hindi magtatagumpay o makakatulong sa kaniya ang balak na ito.
18 Pagkatapos nito, bibigyang pansin ng hari ng Hilaga ang mga baybaying lugar at bibihagin ang marami sa kanila. Ngunit isang pinuno ang pipigil sa kaniyang kalikuan at ibabalik ng pinunong ito ang kaniyang kalikuan sa kaniya.
19 At bibigyan niya ng pansin ang mga kutang tanggulan sa kaniyang sariling lupain, ngunit matitisod siya at babagsak; hindi na siya matatagpuan.
20 Pagkatapos ay may isang lilitaw na kapalit niya at sapilitang maniningil ng pambayad sa buwis para tustusan ang kayamanan ng kaharian. Ngunit sa loob lamang ng ilang araw, siya ay mawawasak, ngunit hindi sa pamamagitan ng galit o labanan.
21 Lilitaw na kapalit niya ang isang hamak na tao, taong hindi pinararangalan ng mga tao ng pangharing parangal; tahimik siyang papasok at kukunin niya ang kaharian dahil sa hindi tapat na papuri.
22 Isang malaking hukbo ang matatangay tulad ng isang baha sa kaniyang harapan. Mawawasak ang hukbong iyon at ang pinunong itinatag ng tipan.
23 Mula sa oras ng pakikipagkasundo sa kaniya, kikilos siya nang may pandaraya; at sa kaunting bilang ng mga tao ay magiging malakas siya.
24 Pupunta siya sa mga pinakamayayamang lalawigan nang walang pasabi at gagawin niya ang mga bagay na hindi man lamang ginawa ng kaniyang ama ni ginawa ng ama ng kaniyang ama— na ikakalat sa kaniyang mga tagasunod ang mga nasamsam, ang mga ninakaw at ang kayamanan. Balak niyang alisin ang pinagtibay na tanggulan, ngunit sa sandaling panahon lamang.
25 Palalakasin niya ang kaniyang kapangyarihan at ang kaniyang tapang laban sa hari ng Timog taglay ang isang malaking hukbo. Magsisimula ng digmaan ang hari ng Timog kasama ang makapangyarihang hukbo, ngunit hindi siya makakatayo dahil sa dami ng banta laban sa kaniya.
26 Maging ang mga kasama ng haring kumakain sa hapag-kainan ay susubukan siyang wasakin. Tatangayin ng agos ang kaniyang mga hukbo tulad ng baha at marami sa kanila ang papatayin.
27 Ang dalawang haring ito ay uupo sa parehong hapag-kainan taglay ang kasamaan ng kanilang mga puso laban sa isa't isa, at magsisinungaling sa bawat isa, ngunit walang layunin. Sapagkat darating ang katapusan sa nakatakdang panahon.
28 At babalik ang hari ng Hilaga sa kaniyang lupain na may maraming kayamanan, ngunit lalabag ang kaniyang puso laban sa banal na tipan. Gagawin niya ang kaniyang ninanais at babalik siya sa kaniyang sariling lupain.
29 Sa nakatakdang panahon, babalik siya at sasakuping muli ang Timog. Ngunit sa pagkakataong ito, hindi ito magiging tulad ng dati.
30 Sapagkat darating ang mga barko ng Kitim laban sa kaniya at mawawalan siya ng pag-asa at babalik. Sisiklab ang galit niya laban sa banal na tipan at masisiyahan siya sa mga taong sumasalungat sa banal na tipan.
31 Lilitaw ang kaniyang mga hukbo at lalapastanganin ang santuwaryo at ang kutang tanggulan; kukunin nila ang mga karaniwang handog na susunugin at magsisimula sila ng pagkasuklam na magiging sanhi ng ganap na pagkawasak.
32 Lilinlangin ang mga lumabag sa tipan at aakitin sila, ngunit ang mga taong nakakakilala sa kanilang Diyos ay magiging malakas at kikilos.
33 Magbibigay nang pang-unawa sa marami ang mga matatalinong tao. Ngunit sa loob ng ilang araw ay mamamatay sila sa espada at sa apoy, bibihagin sila bilang mga bilanggo at nanakawin ang kanilang mga pag-aari.
34 Kapag natisod sila, makatatanggap sila ng kaunting tulong at marami ang sasama sa kanila na walang isang salita.
35 Ang ilan sa mga matatalino ay matitisod upang maging dalisay, malinis at malinang hanggang sa panahon ng katapusan. Sapagkat ang nakatakdang panahon ay paparating pa lamang.
36 Gagawin ng hari ang lahat ng kaniyang ninanais. Itataas niya at palalakihin ang kaniyang sarili sa ibabaw ng bawat diyus-diyosan, at magsasalita ng mga bagay na kagulat-gulat laban sa Diyos ng mga diyos. Magtatagumpay siya hanggang sa maganap ang poot. Sapagkat matutupad ang ipinasyang magaganap.
37 Hindi niya isasaalang-alang ang mga diyos ng kaniyang mga ninuno, ang diyos na ninanais ng mga kababaihan, o iba pang mga diyos. Magmamataas siya at aangkining mas mataas siya sa kanilang lahat.
38 Sa halip na sila, sasambahin niya ang diyos ng mga tanggulan. Paparangalan niya ng ginto at pilak ang isang diyos na hindi kilala, kasama ang mga mahahalagang bato at mamahaling handog.
39 Sasalakayin niya ang mga pinakamalalakas na tanggulan sa tulong ng mga taong kabilang sa isang hindi kilalang diyos. Pararangalan niya ang mga humahanga sa kaniya. Gagawin niya silang mga pinuno ng maraming tao at hahatiin niya ang lupain na may kabayaran.
40 Sa mga huling panahon, sasalakay ang hari ng Timog. Mabilis na sasalakay sa kaniya ang hari ng Hilaga na tulad ng isang bagyo na may kasamang mga karwahe at mga mangangabayo at maraming barko. Sasakupin niya ang maraming bansa at tatangayin niya sila tulad ng isang baha.
41 Darating siya sa maluwalhating lupain, at sampung libong Israelita ang matitisod at babagsak, ngunit maraming taga-Edom at Moab at mga natitirang tao ng Amon ang makakatakas mula sa kaniyang kamay.
42 Palalawakin niya ang kaniyang kapangyarihan sa maraming bansa; hindi makakatakas ang lupain ng Egipto.
43 Magkakaroon siya ng kapangyarihan sa lahat ng mga ginto at pilak, at sa lahat ng kayamanan ng Egipto; paglilingkuran siya ng mga taga-Libya at Etiopia.
44 Ngunit mangangamba siya sa mga ulat mula sa silangan at hilaga at lalabas siya nang may napakatinding galit upang ibukod ang karamihan para sa pagkawasak.
45 Itatayo niya ang mga tolda ng kaniyang palasyo sa pagitan ng mga karagatan, at sa magandang banal na bundok. Darating siya sa kaniyang katapusan at walang sinumang tutulong sa kaniya.