27
1 Nang matanda na si Isaac at ang kanyang mga mata ay malabo na kaya hindi na siya makakita, tinawag niya ang nakatatandang anak niyang si Esau. Sinabi niya, “Anak ko.”
2 Sumagot ito, “Narito po ako.” Sinabi niya rito, “Tumingin ka rito, matanda na ako. Hindi ko alam ang araw ng aking kamatayan.
3 Kaya kunin mo ang iyong mga sandata, ang iyong sisidlan ng palaso at pana at mangaso ka sa bukid para sa akin.
4 Gawan mo ako ng masarap na pagkain na gusto ko at dalhin mo iyon sa akin para makain ko iyon at pagpalain ka bago ako mamatay.”
5 Ngayon narinig ni Rebeca nang kausapin ni Isaac si Esau na kanyang anak. Nagpunta si Esau sa bukid para mangaso ng hayop at dalhin ito pauwi.
6 Kinausap ni Rebeca si Jacob na kanyang anak at sinabi, “Tumingin ka rito, narinig kong kinausap ng iyong ama ang kapatid mong si Esau. Sinabi niya
7 'Dalhan mo ako ng pinangasong hayop at gawan ako ng masarap na pagkain, upang kainin ko ito at pagpapalain ka sa harap ni Yahweh bago ang aking kamatayan.'
8 Kaya ngayon, anak ko, sundin mo ang tinig ko habang inuutusan kita.
9 Pumunta ka sa kawan at dalhan mo ako ng dalawang batang kambing; at magluluto ako ng masarap na pagkain para sa ama mo, na katulad ng gusto niya.
10 Dadalhin mo ito sa kanya para kainin upang ikaw ay pagpalain niya bago ang kanyang kamatayan.”
11 Sinabi ni Jacob sa kanyang inang si Rebeca, “Tingnan ninyo, ang kapatid kong si Esau ay mabalahibo, at ako ay makinis na tao.
12 Malamang himasin ako ng ama ko, at ako ay magmimistulang manlilinlang sa kanya. Magdadala ako ng isang sumpa sa aking sarili at hindi pagpapala.”
13 Sinabi sa kanya ng kanyang ina, “Anak ko, hayaan mong mapunta sa akin ang anumang sumpa. Basta sundin mo ang tinig ko, at umalis ka, at dalhin mo ang mga iyon sa akin.”
14 Kaya kinuha ni Jacob ang dalawang batang kambing at dinala ang mga ito sa kanyang ina, at ang kanyang ina ay gumawa ng masarap na pagkain katulad ng gusto ng kanyang ama.
15 Kinuha ni Rebeca ang pinakamagandang damit ni Esau, na nakatatandang anak niya, na nasa kanya sa bahay, at ipinasuot ito kay Jacob, na nakababatang anak niya.
16 Inilagay niya ang balat ng batang kambing sa mga kamay niya at sa makinis na bahagi ng leeg niya.
17 Inilagay niya ang inihanda niyang masarap na pagkain at ang tinapay sa kamay ng anak niyang si Jacob.
18 Pumunta si Jacob sa kanyang ama at nagsabi, “Ama ko.” Sinabi niya, “Narito ako; sino ka, anak ko?”
19 Sinabi ni Jacob sa kanyang ama, “Ako si Esau na unang anak mo; nagawa ko na ang sinabi mo sa akin. Umupo ka at kainin ang aking napangaso upang pagpalain mo ako.”
20 Sinabi ni Isaac sa kanyang anak, “Paano mo itong natagpuan nang napakabilis, anak ko?” Sinabi niya, “Dahil si Yahweh na iyong Diyos ay dinala ito sa akin.”
21 Sinabi ni Isaac kay Jacob, “Lumapit ka upang mahimas kita at malaman kung ikaw ang tunay kong anak na si Esau o hindi.”
22 Pumunta si Jacob sa kanyang amang si Isaac, at hinimas siya ni Isaac at sinabi niya, “Ang tinig ay tinig ni Jacob, ngunit ang mga kamay ay mga kamay ni Esau.
23 Hindi siya nakilala ni Isaac dahil ang kanyang mga kamay ay mabalahibo, katulad ng mga kamay ng kapatid niyang si Esau, kaya pinagpala siya ni Isaac.
24 Sinabi niya, “Ikaw ba talaga ang anak kong si Esau?” Sumagot siya, “Ako nga.”
25 Sinabi ni Isaac, “Dalhin mo sa akin ang pagkain at kakainin ko ang napangaso mo upang mapagpala kita.” Dinala ni Jacob sa kanya ang pagkain. Kumain si Isaac, at dinalhan siya ni Jacob ng alak, at siya ay uminom.
26 Sinabi ng kanyang amang si Isaac, “Lumapit ka sa akin at hagkan mo ako, anak ko.”
27 Lumapit si Jacob at hinalikan siya, at naamoy niya ang amoy ng kanyang damit at pinagpala siya. Sinabi nya, “Tingnan mo, ang amoy ng aking anak ay katulad ng amoy ng isang bukid na pinagpala ni Yahweh.
28 Nawa bigyan ka ng Diyos ng isang bahagi ng hamog ng langit, isang bahagi ng katabaan ng lupa, at masaganang mga butil at bagong alak.
29 Nawa ang mga tao ay maglingkod sa iyo at yumuko sa iyo ang mga bansa. Maging amo ka ng iyong mga kapatid na lalaki, at nawa ang mga anak ng iyong ina ay yumuko sa iyo. Nawa ang bawat isang sumumpa sa iyo ay sumpain; at nawa ang bawat isang magpala sa iyo ay pagpalain.”
30 Matapos pagpalain ni Isaac si Jacob, at bahagya pa siyang lumayo sa presensya ng ama niyang si Isaac, noon naman dumating ang kapatid niyang si Esau mula sa pangangaso.
31 Gumawa rin siya ng masarap na pagkain at dinala iyon sa kanyang ama. Sinabi niya, “Ama, bumangon ka at kainin mo ang ilan sa napangaso ng iyong anak upang mapagpala mo ako.”
32 Ang kanyang amang si Isaac ay nagsabi sa kanya, “Sino ka?” Sinabi niya, “Ako ang anak mo, ang unang anak mong si Esau.”
33 Nanginig nang matindi si Isaac at nagsabi, “Sino pala iyon na nangaso ng hayop na ito at dinala sa akin? Kinain ko lahat ito bago ka dumating, at pinagpala ko siya. Tunay nga, siya ay pagpapalain.”
34 Nang marinig ni Esau ang mga salita ng kanyang ama, siya ay umiyak nang napakalakas at umiyak ng may kapaitan, sinabi sa kanyang ama, “Ako rin, pagpalain mo ako, ama ko.”
35 Sinabi ni Isaac, “Mapanlilinlang na naparito ang kapatid mo at inagaw ang iyong pagpapala.”
36 Sinabi ni Esau, “Hindi ba tama lang na pinangalanan siyang Jacob? Dahil dinaya niya ako sa dalawang pagkakataong ito. Inagaw niya ang aking karapatan ng isinilang at tingnan mo, ngayon ay inagaw niya ang aking pagpapala.” At sinabi niya, “Wala ka bang naitabing pagpapala para sa akin?”
37 Sumagot si Isaac at sinabi kay Esau, “Tingnan mo, nagawa ko na siyang amo mo at naibigay ko na sa kanya ang lahat ng mga kapatid niya bilang alipin. At nabigyan ko siya ng butil at bagong alak. Ano pa ang magagawa ko para sa iyo, anak ko?”
38 Sinabi ni Esau sa kanyang ama, “Wala ka bang kahit isang pagpapala sa akin, ama ko? Pagpalain mo ako, ako rin, ama ko.” Umiyak nang malakas si Esau.
39 Sumagot ang kanyang amang si Isaac at sinabi sa kanya, “Tingnan mo, ang lugar na pinaninirahan mo ay magiging malayo sa kayamanan ng mundo, malayo sa hamog ng langit sa itaas.
40 Mabubuhay ka sa pamamagitan ng iyong espada, at paglilingkuran mo ang iyong kapatid na lalaki. Subalit kapag magrebelde ka, maaalog mo ang kanyang pamatok mula sa iyong leeg.”
41 Nagalit si Esau kay Jacob dahil sa pagpapalang binigay ng kanilang ama sa kanya. Sinabi niya sa kanyang puso, “Malapit na ang mga araw ng pagluluksa para sa aking ama; pagkatapos niyon papatayin ko ang kapatid kong si Jacob.”
42 Ang mga salita ni Esau na nakatatanda niyang anak ay nasabi kay Rebeca. Kaya nagpadala at tinawag niya si Jacob na nakababatang anak niya at sinabi rito, “Tingnan mo, ang kapatid mong si Esau ay inaaliw ang kanyang sarili sa pagbabalak na patayin ka.
43 Kaya ngayon, anak ko, sundin mo ako at tumakas ka papunta kay Laban, na kapatid kong lalaki, sa Haran.
44 Manatili ka nang ilang araw sa piling niya, hanggang sa humupa ang galit ng kapatid mo,
45 hanggang mawala ang galit ng kapatid mo sa iyo, at malimutan niya ang ginawa mo sa kanya. Pagkatapos magpapadala ako at ibabalik ka mula roon. Bakit kailangang kapwa kayong mawala sa akin sa isang araw?”
46 Sinabi ni Rebeca kay Isaac, “Ako ay pinanghihinaan sa buhay dahil sa mga anak na babae ni Heth. Kung kunin ni Esau na asawa ang isa sa mga anak ni Heth, tulad ng mga kababaihang ito, ilan sa mga anak na babae ng lupain, ano pa ang kabuluhan ng buhay ko?”