33
1 Tumingala si Jacob at masdan, paparating si Esau, at kasama niya ang apatnaraang lalaki. Hinati ni Jacob ang mga bata kina Lea, Raquel at sa dalawang babaeng alipin.
2 Pagkatapos inilagay niya ang mga babaeng alipin at ang kanilang mga anak sa harapan, kasunod si Lea at ang kanyang mga anak, at kasunod si Raquel at si Jose ang pinakahuli sa lahat.
3 Siya mismo ang nauna sa kanila. Yumukod siya ng pitong beses, hanggang makalapit siya sa kanyang kapatid.
4 Tumakbo si Esau para salubungin siya, niyakap siya, niyapos ang kanyang leeg, at hinalikan siya. Pagkatapos sila'y nag-iyakan.
5 Nang tumingala si Esau, nakita niya ang mga babae at mga bata. Sinabi niya, “Sino itong mga taong kasama mo?” Sinabi ni Jacob, “Ang mga anak na malugod na ipinagkaloob ng Diyos sa iyong lingkod.”
6 Pagkatapos ang mga babaeng alipin ay lumapit kasama ang kanilang mga anak, at sila'y yumukod.
7 Sunod na lumapit si Lea at ang kanyang mga anak at yumukod. Sa huli, si Jose at si Raquel ay lumapit at yumukod.
8 Sinabi ni Esau, “Anong ibig mong sabihin sa lahat ng mga pangkat na nasalubong ko?” Sinabi ni Jacob, “Upang makasumpong ako ng pabor sa paningin ng aking panginoon.”
9 Sinabi ni Esau, “Mayroon na akong sapat, kapatid ko. Itago mo na kung ano ang mayroon ka para sa iyong sarili.”
10 Sinabi ni Jacob, “Hindi, pakiusap, kung nakasumpong ako ng pabor sa iyong paningin, sa gayon tanggapin mo ang aking regalo mula sa aking kamay, dahil tunay, nakita ko ang iyong mukha at kahalintulad nito ang pagkakita sa mukha ng Diyos, at tinanggap mo ako.
11 Pakiusap tanggapin mo ang aking mga regalong dinala ko sa iyo, dahil malugod akong pinakitunguhan ng Diyos, at dahil mayroon na akong sapat.” Kaya pinilit siya ni Jacob, at tinanggap naman ito ni Esau.
12 Pagkatapos sinabi ni Esau, “Lumakad na tayo. Mauuna ako sa inyo.”
13 Sinabi ni Jacob sa kanya, “Nalalaman ng aking panginoon na ang mga bata ay musmos pa lang, at ang mga tupa at mga baka ay nagpapasuso ng kanilang mga anak. Kung sila'y pipiliting maglakad ng mabilis kahit isang araw lang, ang lahat ng mga hayop ay mamamatay.”
14 Pakiusap ko mauna na ang aking panginoon sa kanyang lingkod. Maglalakbay ako ng mabagal, ayon sa hakbang ng aking mga alagang hayop na nasa harapan ko, at ayon sa hakbang ng mga bata, hanggang makarating ako sa aking panginoon sa Seir.”
15 Sinabi ni Esau, “Hayaan mong ipaiwan ko sa iyo ang ilan sa mga kasama kong tauhan.” Subalit sinabi ni Jacob, “Bakit mo gagawin iyan? Ang aking panginoon ay naging mabait nang sa akin.”
16 Kaya sa araw na iyon nagsimula si Esau na bumalik sa Seir.
17 Naglakbay si Jacob papuntang Sucot, iginawa ang kanyang sarili ng bahay, at gumawa ng mga silungan para sa kanyang mga alagang hayop. Kaya tinawag ang pangalan ng lugar na Sucot.
18 Nang dumating si Jacob mula sa Paddan Aram, ligtas siyang nakarating sa lungsod ng Sechem, na nasa lupain ng Canaan. Nagkampo siya malapit sa lungsod.
19 Pagkatapos binili niya ang kapirasong lupa kung saan niya itinayo ang kanyang tolda mula sa mga anak na lalaki ni Hamor, na ama ni Sechem, sa halagang isandaang piraso ng pilak.
20 Nagtayo siya roon ng altar at tinawag itong El Elohe Israel.