45
1 Pagkatapos hindi nakapagpigil si Jose sa kanyang sarili sa harapan ng lahat ng mga lingkod na nakatayo sa kanyang tabi. Sinabi niya ng malakas, “Iwanan ninyo akong lahat.” Kaya walang lingkod na nakatayo sa tabi niya nang siya ay nagpakilala sa kanyang mga kapatid na lalaki.
2 Umiyak siya ng malakas, narinig ito ng mga taga-Ehipto at ang tahanan ng Paraon ay nakarinig ito.
3 Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid na lalaki, “Ako si Jose. Buhay pa ba ang aking ama?” Ang kanyang mga kapatid na lalaki ay hindi makasagot sa kanya, sapagkat sila ay nabigla sa kanyang presensiya.
4 Pagkatapos sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid na lalaki, “Pakiusap, lumapit kayo sa akin.” Lumapit sila. Sinabi niya, “Ako si Jose ang inyong kapatid na lalaki, na inyong ipinagbili sa Ehipto.
5 At ngayon huwag kayong magdalamhati o magalit sa inyong mga sarili na ipinagbili ninyo ako dito, sapagkat nauna na akong ipinadala ng Diyos sa inyo upang pangalagaan ang buhay ninyo.
6 Nasa tagtuyot ang lupain nitong mga dalawang taon at magkakaroon pa nang limang dagdag na mga taon na walang pag-aararo o walang ani.
7 Nauna na akong ipinadala ng Diyos sa inyo upang pangalagaan kayo bilang mga nalalabi dito sa mundo at nang mapanatili kayong buhay sa pamamagitan ng dakilang kaligtasan.
8 Kaya ngayon, hindi kayo ang nagpadala sa akin dito kung hindi ang Diyos, at ginawa niya akong ama ng Paraon, amo ng lahat ng kanyang tahanan, at pinuno ng lahat ng lupain sa Ehipto.
9 Magmadali kayo at umakyat patungo sa aking ama at sabihin sa kanya 'Ito ang sinabi ng inyong anak na si Jose, ginawa ako ng Diyos na amo ng buong Ehipto. Bumaba ka dito sa akin at huwag mag-atubili.
10 Maninirahan ka sa lupain ng Gosen at nang ikaw ay mapalapit sa akin, ikaw at ang iyong mga anak at ang mga anak ng iyong mga anak, at ang iyong mga hayop at ang iyong mga baka, at ang lahat ng nasa iyo.
11 Tutustusan kita doon sapagkat mayroon pang limang mga taon na tagtuyot upang hindi ka humantong sa kahirapan, ikaw, ang iyong tahanan, at ang lahat ng nasa iyo.'
12 Tingnan ninyo, nakikita ng inyong mga mata, at mga mata ng aking kapatid na lalaki na si Benjamin, na itong aking bibig ang nakikipag-usap sa inyo.
13 Sasabihin ninyo sa aking ama ang tungkol sa lahat ng aking kapangyarihan sa Ehipto, at ang lahat ng inyong mga nakita. Magmamadali kayo at dalhin ang aking ama dito.”
14 Niyakap niya ang kanyang kapatid na si Benjamin sa leeg at umiyak, at si Benjamin ay umiyak sa kanyang leeg.
15 Hinagkan niya ang lahat ng kanyang mga lalaking kapatid at umiyak sa kanila. Pagkatapos noon nakipag-usap sa kanya ang kanyang mga kapatid na lalaki.
16 Ang balita tungkol dito ay sinabi sa bahay ng Paraon: “Dumating ang mga lalaking kapatid ni Jose.” Ito ay labis na ikinalugod ng Paraon at ng kanyang mga lingkod.
17 Sinabi ng Paraon kay Jose, “Sabihin mo sa iyong mga lalaking kapatid, 'Gawin ito: lagyan ninyo ang inyong mga hayop at pumunta sa lupain ng Canaan.
18 Kunin ninyo ang inyong ama at ang inyong mga sambahayan at pumunta sa akin. Ibibigay ko sa inyo ang kasaganahan ng lupain ng Ehipto, at kakainin ninyo ang taba ng lupain.'
19 Kayo ngayon ay inuutusan ko kayo 'Gawin ninyo ito, kumuha kayo ng mga karitela mula sa lupain ng Ehipto para sa inyong mga anak at mga asawa. Kunin ninyo ang inyong ama at pumarito.
20 Huwag na kayong mag-alala tungkol sa inyong mga ari-arian, sapagkat sa inyo na ang kasaganahan ng lahat ng lupain sa Ehipto.'”
21 Ginawa ito ng mga anak ni Israel. Binigayan sila ni Jose ng mga karitela, ayon sa utos ng Paraon at binigyan sila ng mga panustos para sa paglalakbay.
22 Sa kanilang lahat nagbigay siya sa bawat tao ng mga pampalit na damit, ngunit kay Benjamin nagbigay siya ng tatlong daang mga piraso ng pilak at limang mga pampalit na damit.
23 Ito ang kanyang ipinadala para sa kanyang ama: Sampung mga asno na may kargang magandang mga kagamitan ng Ehipto, at sampung babaeng mga asno na may karga na mga butil, tinapay, at iba pang mga gamit para sa kanilang ama para sa paglalakbay.
24 Kaya pinadala niya ng papalayo ang kanyang mga lalaking kapatid at sila ay umalis. Sinabi niya sa kanila, “Tiyakin ninyo na huwag kayong mag-aaway sa paglalakbay”.
25 Umalis sila mula sa Ehipto at dumating sa lupain ng Canaan, kay Jacob na kanilang ama.
26 Sinabi nila sa kaniya, “Buhay pa si Jose at siya ang namumuno sa buong lupain ng Ehipto”. At ang kanyang puso ay namangha, sapagkat hindi niya sila pinaniniwalaan.
27 Sinabi nila sa kanya ang lahat ng mga salita ni Jose na kanyang sinabi sa kanila. Muling nabuhay ang espiritu ni Jacob na kanilang ama nang makita ni Jacob ang mga karitela na ipinadala ni Jose na magdadala sa kanya,.
28 Sinabi ni Israel, “Sapat na ito. Buhay pa ang aking anak na si Jose. Pupunta ako at makikipagkita sa kanya bago ako mamatay.”