38
1 Pagkatapos tinawag ni Yahweh si Job sa malakas na bagyo at sinabi,
2 “Sino itong nagdadala ng kadiliman sa aking mga plano sa pamamagitan ng mga salita na walang kaalaman?
3 Talian mo ang iyong baywang gaya ng isang lalaki dahil magtatanong ako sa iyo, at kailangan mo akong sagutin.
4 Nasaan ka nang inilatag ko ang pundasyon ng mundo? Sabihin mo sa akin, kung mayroon kang labis na kaunawaan.
5 Sino ang nakaaalam ng lawak nito? Sabihin mo sa akin, kung alam mo. Sino ang nag-unat ng panukat dito?
6 Saan nakalatag ang mga pundasyon nito? Sino ang naglatag ng mga panulukang-bato nito
7 nang magkakasamang kumanta ang mga bituin sa umaga at sumigaw sa galak ang lahat ng mga anak ng Diyos?
8 Sino ang nagsara ng dagat gamit ang pinto kapag bumubulwak ito, na parang lumabas sa sinapupunan -
9 nang ginawa ko ang mga ulap bilang damit nito, at makapal na kadiliman bilang mga bigkis nito?
10 Iyon ay noong nilagyan ko ng tanda ang hangganan ng dagat, at naglagay ako ng mga rehas at mga pinto,
11 at nang sinabi ko dito, 'Maari kang pumunta hanggang dito, pero hanggang dito lamang; dito ko ilalagay ang hangganan ng pagmamalaki ng iyong mga alon.'
12 Binuksan mo na ba, buhat noong nagsimula ang iyong mga araw, na magbigay ng utos na magsimula ang umaga, at idulot ang bukang-liwayway na malaman ang lugar nito sa takbo ng mundo,
13 para mahawakan nito ang mga dako ng mundo para yanigin ang mga masasamang tao?
14 Nagbago ang anyo ng mundo gaya ng luwad na nagbabago sa ilalim ng tatak; nangingibabaw ang lahat ng naroroon gaya ng mga tiklop na piraso ng damit.
15 Mula sa masasamang tao ang kanilang 'liwanag' ay kinuha; sinira ang nakataas nilang braso.
16 Nakapunta ka na ba sa mga pinagmumulan ng tubig sa dagat? Nakapaglakad ka na ba sa pinakamababang bahagi ng kailaliman?
17 Naipakita na ba sa iyo ang tarangkahan ng kamatayan? Nakita mo na ba ang mga tarangkahan ng anino ng kamatayan?
18 Naintindihan mo ba ang kalawakan ng mundo? Sabihin mo sa akin, kung alam mo ang lahat ng ito.
19 Nasaan ang daan patungo sa kinalalagyan ng liwanag - para sa kadiliman, saan ito nakalagay?
20 Kaya mo bang dalahin ang liwanag at kadiliman sa kanilang pinagtatrabahuhan? Kaya mo bang hanapin ang pabalik sa bahay nila?
21 Siguradong alam mo, dahil pinanganak ka roon; ang bilang ng iyong mga araw ay napakahaba!
22 Nakapasok ka na ba sa mga imbakan ng niyebe, o nakita mo na ba ang mga imbakan ng yelo,
23 ang mga bagay na itinatago kong ito ay para sa panahon ng kaguluhan, para sa araw ng labanan at digmaan?
24 Saang daanan binabahagi ang mga kidlat o saan kinakalat ang mga hangin mula sa silangan para sa buong mundo?
25 Sino ang gumawa ng mga agusan ng mga pagbaha ng ulan, o sino ang gumawa ng mga daanan ng mga dagundong ng kulog,
26 para idulot ito na umulan sa mga lupain kung saan walang tao ang nabubuhay, at sa ilang, kung saan walang ni isang tao,
27 para matugunan ang mga pangangailangan ng baog at malungkot na mga rehiyon, at para pasibulin ang sariwang damo?
28 May ama ba ang ulan? Sino ang nagbunga ng mga patak ng hamog?
29 Kaninong sinapupunan galing ang yelo? Sino ang nagsilang ng puting hamog ng yelo mula sa himpapawid?
30 Tinago ng mga tubig ang kanilang mga sarili at naging gaya ng bato; tumigas ang ibabaw ng kailaliman.
31 Kaya mo bang ikandado ang mga kadena sa Pleyades, o kalagan ang mga tali ng Orion?
32 Kaya mo bang patnubayan ang mga bituin para lumitaw sa kanilang nararapat na mga panahon? Kaya mo bang patnubayan ang Oso sa kaniyang mga anak?
33 Alam mo ba ang mga batas sa himpapawid? Kaya mo bang ipatupad ang batas ng himpapawid sa mundo?
34 Kaya mo bang sumigaw sa mga ulap, para masaganang bumuhos ang ulan sa iyo?
35 Kaya mo bang ipadala ang mga kidlat para makalabas sila, na sasabihin nila sa iyo, 'Narito na kami'?
36 Sino ang naglagay ng karunungan sa mga ulap o nagbigay ng pang-unawa sa mga ambon?
37 Sino ang makabibilang ng mga ulap sa pamamagitan ng kaniyang kahusayan? Sino ang kayang magbuhos ng tubig sa himpapawid
38 kapag nagsama-sama ang maraming alikabok at nagkumpulan nang magkakasama ang tipak ng lupa?
39 Kaya mo bang maghanap ng biktima para sa babaeng leon o pawiin ang gutom ng mga batang leon
40 kapag yumuyukyok sila sa kanilang mga lungga at nakahigang naghihintay sa kanilang taguan?
41 Sino ang nagbibigay ng biktima sa mga uwak kapag umiiyak ang mga batang uwak sa Diyos at sumusuray dahil sa kakulangan ng pagkain?