6
1 Kaya inumpisahan itayo ni Solomon ang templo ni Yahweh. Ito ay nangyari sa ika-480 taon pagkatapos lumabas ng lupain ng Ehipto ang bayan ng Israel, sa ika-apat na taon ng paghahari ni Solomon sa buong Israel, sa buwan ng Ziv, na ikalawang buwan.
2 Ang templo na itinayo ni Haring Solomon para kay Yahweh ay may animnapung kubit na haba, dalawampung kubit na lawak, at tatlumpong kubit na taas.
3 Ang portiko sa harapan ng pangunahing bulwagan ng templo ay dalawampung kubit ang haba, kasing lapad ng templo, at sampung kubit na lalim sa harapan ng templo.
4 Para sa bahay gumawa siya ng bintana na may balangkas na mas makitid sa labas kaysa sa loob.
5 Sa gilid ng mga pader ng pangunahing silid siya ay nagtayo ng mga silid sa paligid nito, sa paligid ng parehong panlabas na silid at panloob na silid. Siya ay nagtayo ng mga silid sa paligid ng lahat ng panig.
6 Ang pinakamababang palapag ay limang kubit ang lawak, ang gitna ay anim na kubit ang lawak, at ang ikatlo ay pitong kubit ang lawak. Para sa labas gumawa siya ng ungos sa mga pader ng templo sa lahat ng paligid para ang mga biga ay hindi maaring maisingit sa mga pader ng templo.
7 Ang templo ay itinayo ng mga batong inihanda sa tibagan; walang martilyo, palakol, o anumang kagamitan gawa sa bakal ang narinig sa templo habang ito ay itinatayo.
8 Sa timog na bahagi ng templo ay may pasukan sa ibabang palapag, at maaaring aakyat sa hagdan patungo sa gitnang palapag, at mula sa gitna patungo sa ikatlong palapag.
9 Kaya itinayo ni Solomon ang templo at tinapos ito; binubungan niya ang templo sa pamamagitan ng mga biga at mga makakapal na tablang sedar.
10 Itinayo niya ang mga silid sa gilid salungat sa panloob na mga silid ng templo, bawat panig ay limang kubit ang taas, ito ay nakakabit sa templo sa pamamagitan ng bigang sedar.
11 Ang salita ni Yahweh ay nakarating kay Solomon, nagsasabi “
12 Tungkol dito sa templo na iyong itinatayo, kung ikaw ay lalakad ayon sa aking mga alituntunin at gagawa ng katarungan, pananatilihin ang lahat ng aking kautusan at sumunod sa mga ito, pagtitibayin ko ang aking pangako sa iyo na aking ginawa kay David na iyong ama.
13 Ako ay mananahan sa bayan ng Israel at hindi ko sila tatalikdan.
14 Kaya itinayo ni Solomon ang templo at tinapos ito.
15 Pagkatapos itinayo niya ang mga panloob na pader ng templo sa pamamagitan ng mga tablang sedar. Mula sa sahig ng templo hanggang sa kisame, tinakpan niya ang mga ito sa loob sa pamamagitan ng kahoy, at tinakpan niya ang sahig ng templo sa pamamagitan ng mga tablang saypres.
16 Nagtayo siya ng dalawampung kubit sa likuran ng templo sa pamamagitan ng tablang sedar mula sa sahig hanggang sa kisame. Itinayo niya ang silid na ito para maging panloob na silid, ang kabanal-banalang lugar.
17 Ang pangunahing bulwagan, na banal na lugar na nasa harap ng kabanal-banalang lugar, ay apatnapung kubit ang haba.
18 May sedar sa loob ng templo, inukit sa hugis ng mga gurd at mga nakabukang bulaklak. Lahat ay sedar sa loob. Walang makikitang gawa sa bato doon.
19 Ihihanda ni Solomon ang panloob na silid sa loob ng templo para ilagay doon ang arko ng tipan ni Yahweh.
20 Ang panloob na silid ay dalawampung kubit ang haba, dalawampung kubit ang lapad, at dalawampung kubit ang taas; nilatagan ni Solomon ang mga pader ng purong ginto at tinakpan ang altar ng sedar na kahoy.
21 Nilatagan ni Solomon ang loob ng templo ng purong ginto. At nilagyan niya ng tanikalang ginto ang kabilang panig na harap ng panloob na silid, at nilatagan niya ng ginto ang harapan.
22 Nilatagan niya ang buong panloob ng ginto hanggang ang lahat ng templo ay matapos. Nilatagan niya rin ng ginto ang buong altar na nabibilang sa panloob na silid.
23 Gumawa si Solomon ng dalawang kerubin na kahoy mula sa puno ng olibo, ang bawat isa ay sampung kubit ang taas.
24 Ang isang pakpak ng unang kerubin ay limang kubit ang haba at ang isa pang pakpak nito ay limang kubit din ang haba. Kaya mula sa dulo ng isang pakpak hanggang sa kabilang dulo ng ikalawang pakpak ay mayroong sampung kubit ang agwat.
25 Ang lapad ng pakpak ng isang kerubin ay mayroon din sampung kubit. Kapwa kerubin ay mayroon parehong sukat at hugis.
26 Ang taas ng isang kerubin ay sampung kubit at ganoon din ang isa pang kerubin.
27 Inilagay ni Solomon ang mga kerubin sa pinakaloob na silid. Ang mga pakpak ng mga kerubin ay iniunat para ang pakpak ng isa ay madikit sa isang pader, at ang pakpak ng isa pang kerubin ay madikit sa isa pang pader. Ang kanilang mga pakpak ay nakadikit sa isa't isa sa gitna ng kabanal-banalang lugar.
28 Nilatagan ni Solomon ang mga kerubin ng ginto.
29 Inukitan niya ang lahat ng pader sa paligid ng templo ng mga hugis ng kerubin, mga puno ng palma, at mga nakabukang bulaklak, sa panlabas at panloob na mga silid.
30 Nilatagan ni Solomon ng ginto ang sahig ng templo, sa panlabas at panloob na mga silid.
31 Si Solomon ay nagpaggawa ng mga pintong gawa sa punong olibo para sa pasukan papunta sa panloob na silid. Ang hamba at mga poste ng pinto ay mayroon limang bahagi na may mga puwang.
32 Kaya nagpagawa siya ng dalawang pinto na gawa sa puno ng olibo, at gumawa siya sa mga ito ng mga ukit ng kerubin, mga puno ng palma, at mga nakabukang bulaklak. Binalutan niya ang mga ito ng ginto, at kanyang ikinalat ang mga ginto sa kerubin at mga puno ng palma.
33 Sa ganitong paraan, gumawa rin si Solomon para sa pasukan ng templo ng poste ng pinto na gawa sa puno ng olibo na mayroong apat na bahagi na may mga puwang
34 at dalawang pinto gawa sa kahoy ng puno ng saypres. Ang dalawang panel ng isang pinto ay natitiklop, at ang dalawang panel ng isa pang pinto ay natitiklop.
35 Inukitan niya ang mga ito ng mga kerubin, mga puno ng palma, at mga nakabukang bulaklak, at pantay niyang nilatagan ng ginto ang inukit na ginawa.
36 Itinayo niya ang panloob na patyo ng may tatlong hanay ng mga tabas na bato at isang hanay ng mga bigang sedar
37 Ang pundasyon ng templo ni Yahweh ay inilatag sa ika-apat na taon, sa buwan ng Ziv.
38 Sa ika-labing-isang taon, sa buwan ng Bul, na ika-walong buwan, ang templo ay natapos sa lahat ng mga bahagi nito at umayon sa lahat ng mga detalye nito. Inabot ng pitong taon si Solomon para maitayo ang templo.