3
1 Aking anak, huwag kalimutan ang aking mga utos, at isapuso ang aking mga katuruan,
2 dahil ang haba ng mga araw at mga taon ng buhay at kapayapaan ang idadagdag ng mga ito sa iyo.
3 Huwag hayaang lisanin ka ng pagiging tapat sa tipan at pagiging katiwa-tiwala, itali ito ng magkasama sa iyong leeg, isulat ito sa kaloob-looban ng iyong puso.
4 Pagkatapos ikaw ay makakahanap ng pabor at mabuting reputasyon sa paningin ng Diyos at ng tao.
5 Magtiwala kay Yahweh ng buong puso at huwag umasa sa sarili mong pang-unawa;
6 sa lahat ng iyong ginagawa ay kilalanin siya at gagawin niyang matuwid ang iyong mga landas.
7 Huwag maging marunong sa iyong sariling mga mata; matakot kay Yahweh at talikuran ang kasamaan.
8 Ito ay kagalingan sa iyong laman at inuming makapagpanibagong sigla para sa iyong katawan.
9 Parangalan si Yahweh ng iyong kayamanan at ng mga unang bunga ng lahat ng iyong ani,
10 at ang iyong mga kamalig ay mapupuno at ang iyong mga bariles ay aapaw, puno ng bagong alak.
11 Aking anak, huwag hamakin ang disiplina ni Yahweh at huwag mapoot sa kaniyang pagsaway,
12 dahil dinidisiplina ni Yahweh ang kaniyang mga minamahal, katulad ng pakikitungo ng ama sa kaniyang anak na nakalulugod sa kaniya.
13 Siya na nakasusumpong ng karunungan ay masaya, siya din ay nakakuha ng kaunawaan.
14 Ang matatamo ninyo sa karunungan ay mas mabuti kaysa sa maibibigay ng pilak at ang pakinabang ay mas mabuti kaysa sa ginto.
15 Ang karunungan ay mas mahalaga kaysa sa mga hiyas at wala sa mga ninanais mo ang maikukumpara sa kaniya.
16 Mayroon siyang haba ng mga araw sa kaniyang kanang kamay; sa kaniyang kaliwang kamay ay mga kayamanan at karangalan.
17 Ang kaniyang mga daan ay mga daan ng kabaitan at lahat ng kaniyang mga landas ay kapayapaan.
18 Siya ay isang puno ng buhay sa mga humahawak dito, ang mga kumakapit dito ay masasaya.
19 Sa pamamagitan ng karunungan itinatag ni Yahweh ang mundo, sa pamamagitan ng pang-unawa itinayo niya ang kalangitan.
20 Sa pamamagitan ng kaniyang kaalaman, ang mga kailaliman ay bumukas at ibinagsak ng mga ulap ang kanilang hamog.
21 Aking anak, panatilihin ang mahusay na pagpapasya at talas ng pag-iisip, at huwag mawala ang paningin sa mga ito.
22 Ang mga ito ay buhay sa iyong kaluluwa at isang palamuti ng pabor para isuot sa iyong leeg.
23 Pagkatapos ikaw ay lalakad sa iyong daan sa kaligtasan at ang iyong paa ay hindi madarapa;
24 kapag ikaw ay humiga, hindi ka matatakot; kapag ikaw ay humiga, ang iyong tulog ay magiging mahimbing.
25 Huwag matakot sa biglaang pagkakilabot o pagkawasak na idinulot ng mga masasama, kapag dumating ang mga ito,
26 dahil si Yahweh ay nasa iyong tabi at iingatan ang iyong paa na huwag mahuli sa bitag.
27 Huwag ipagkait ang mabuti sa mga karapat-dapat dito, kapag nasa iyong kapangyarihan upang kumilos.
28 Huwag sabihin sa iyong kapwa, “pumunta ka, at bumalik muli at bukas ibibigay ko ito,” kapag ang pera ay nasa iyo.
29 Huwag gumawa ng plano para makasakit ng iyong kapwa— siya na nakatira sa malapit at nagtitiwala sa iyo.
30 Huwag makipagtalo sa isang tao ng walang dahilan, kapag wala siyang ginawa para saktan ka.
31 Huwag kainggitan ang isang marahas na tao o piliin ang kahit na ano sa kaniyang mga paraan.
32 Dahil ang sinungaling na tao ay kasuklam-suklam kay Yahweh, nguniit dinadala niya ang matuwid na tao sa kaniyang pagtitiwala.
33 Ang sumpa ni Yahweh ay nasa tahanan ng masasamang tao, ngunit pinagpapala niya ang tahanan ng mga matuwid.
34 Kinukutya niya ang mga nangungutya, ngunit ibinibigay niya ang kaniyang pabor sa mga taong may mababang loob.
35 Ang mga marurunong na tao ay nagmamana nang karangalan, ngunit ang mga hangal ay iaangat sa kanilang kahihiyan.