31
1 Ang mga salita ni Haring Lemuel—ang pananalita na itinuro ng kaniyang ina sa kaniya.
2 Ano, aking anak? At ano, anak sa aking sinapupunan? At ano, anak ng aking mga panata? —
3 Huwag mong ibigay ang lakas mo sa mga babae, o ang mga kaparaanan mo sa mga naninira sa mga hari.
4 Hindi ito para sa mga hari, Lemuel, hindi para sa mga hari ang uminom ng alak, ni para sa mga namumuno ang magtanong, “Nasaan ang matapang na inumin?
5 Dahil kung sila ay iinom, makakalimutan nila kung ano ang naisabatas, at mababaluktot ang mga karapatan ng lahat ng mga naghihirap.
6 Bigyan ang mga taong nasasawi ng inuming matapang at alak sa mga taong may mapait na kalungkutan.
7 Iinom siya at makakalimutan niya ang kaniyang kahirapan, at hindi niya maaalala ang kaniyang kabalisahan.
8 Magsalita ka para sa mga hindi nakakapagsalita, para sa mga kapakanan ng lahat ng mga napapahamak.
9 Magpahayag at humatol sa pamamagitan ng panukat na matuwid at ipagtanggol ang kapakanan ng mga mahihirap at ng mga taong nangangailangan.
10 Sino ang makatatagpo ng may kakayahang asawang babae? Ang halaga niya ay higit sa mamahaling hiyas.
11 Ang puso ng kaniyang asawang lalaki ay nagtitiwala sa kaniya, at kailanman hindi siya maghihirap.
12 Mga mabubuting bagay ang ginagawa niya para sa kaniya at hindi masama sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.
13 Pumipili siya ng balahibo at lana at gumagawa ng may kasiyahan ang kaniyang mga kamay.
14 Katulad siya ng mga barko ng mangangalakal; nagdadala siya ng pagkain mula sa malayo.
15 Bumabangon siya habang gabi pa at nagbibigay ng pagkain sa kaniyang sambahayan, at ipinamamahagi niya ang mga gawain sa kaniyang mga aliping babae.
16 Isinasaalang-alang niya ang bukirin at ito ay binibili, sa pamamagitan ng bunga ng kaniyang mga kamay, nakapagtanim siya ng ubasan.
17 Dinadamitan niya ang kaniyang sarili ng lakas at pinalalakas niya ang kaniyang mga braso.
18 Nauunawaan niya kung ano ang magbibigay ng malaking kita para sa kaniya; buong gabi ay hindi namatay ang kaniyang lampara.
19 Inilalagay niya ang kaniyang mga kamay sa ikiran, at buhol na sinulid ay kaniyang hinahawakan.
20 Ang mga taong mahihirap ay inaabot niya ng kaniyang kamay; ang mga taong nangangailangan ay inaabot niya ng kaniyang mga kamay.
21 Hindi siya natatakot sa lamig ng niyebe para sa kaniyang sambahayan, dahil ang kaniyang buong sambahayan ay nababalot ng pulang makapal na kasuotan.
22 Gumagawa siya ng mga sapin para sa higaan niya at mga lilang damit na pinong lino ang sinusuot niya.
23 Ang kaniyang asawa ay kilala sa mga tarangkahan, kapag umuupo siya kasama ng mga nakatatanda sa bayan.
24 Gumagawa at nagbebenta siya ng linong kasuotan, at nagmumula sa kaniya ang mga sintas ng mga mangangalakal.
25 Ang kalakasan at karangalan ay suot niya, at sa oras na darating, siya ay tumatawa.
26 Binubuksan niya ang kaniyang bibig ng may karunungan, at nasa kaniyang dila ang batas ng kabaitan.
27 Binabantayan niya ang pamamaraan ng kaniyang sambahayan at hindi kumakain ng tinapay ng pagkabatugan.
28 Ang kaniyang mga anak ay babangon at tinatawag siyang pinagpala; ang kaniyang asawang lalaki ay pupurihin na nagsasabing,
29 “Maraming mga babae ang gumawa ng mabuti, ngunit hinihigitan mo silang lahat.”
30 Ang pagiging elegante ay mapanlinlang, ang kagandahan ay walang kabuluhan, pero ang babaeng may takot kay Yahweh ay mapapapurihan.
31 Ibigay mo sa kaniya ang bunga ng mga kaniyang kamay, at hayaan mong ang kaniyang mga gawa, sa mga tarangkahan, siya ay papurihan.