10
Ang Kadakilaan ni Mordecai
[1] Pinagbuwis ni Haring Xerxes ang mga mamamayan sa kanyang kaharian, sila ma'y naninirahan sa mga pulo o sa mga lalawigan. [2] Ang kapangyarihan ng hari, ang lahat ng ginawa niya, pati ng pagkataas sa katungkulan ni Mordecai at ang malaking karangalang ibinigay niya rito ay pawang nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari ng Media at Persia. [3] Si Mordecai ay naging kanang kamay ni Haring Xerxes. Siya ay mahal na mahal at iginalang ng mga kapwa niya Judio sapagkat ginawa niya ang lahat para sa kapakanan at kabutihan nila.
Naalala ni Mordecai ang Kanyang Panaginip *
[1] At sinabi ni Mordecai: “Niloob ng Diyos na mangyari ang lahat ng ito. [2] Naalala ko tuloy ang aking panaginip, at nagkatotoo ang lahat. [3] Ang batis ay naging ilog, dumaloy ang tubig at sumikat ang araw. Ang batis na naging ilog ay si Ester na napangasawa ng hari at naging reyna. [4] Ang dalawang dragon ay si Haman at ako. [5] Ang mga bansa ay ang mga taong naghangad lipulin ang mga Judio. [6] Ang aking bansa ay ang Israel. Tumawag siya sa Diyos na siya ay iligtas. Iniligtas nga siya ng Panginoon sa kapahamakan, sa pamamagitan ng maraming himala na kailanma'y di nangyari sa mga bansa. 10 [7] Nangyari ito sapagkat magkaiba ang kapalarang itinalaga niya para sa kanyang bayan at para sa mga bansa. 11 [8] Dumating ang sandali ng pagpapasya sa dalawang kapalarang ito, at kailangan nang hatulan ang mga bansa. 12 [9] Naalala ng Diyos ang kanyang bayan at iniligtas niya sila sa kapahamakan. 13 [10] Kaya mula ngayon, tuwing ikalabing apat at ikalabing lima ng ikalabindalawang buwan, magtitipon sila at ipagdiriwang ang mga araw na iyon nang buong kagalakan. Patuloy na gaganapin ang pagdiriwang na ito taun-taon, sa habang panahon.”
Pahabol
Ang nasabing sulat tungkol sa Kapistahan ng Purim ay dala ni Dositeo, isang paring Levita, noong ika-4 na taon ng paghahari ni Tolomeo at Cleopatra. Kasama niya ang anak niyang si Tolomeo, at pinatotohanan nilang tunay ang sulat na iyon. Ang nagsalin ng sulat ay si Lisimaco na anak ni Tolomeo, na taga-Jerusalem.
* 10:3 Naalala ni Mordecai ang Kanyang Panaginip: Sa ibang saling Tagalog, ito'y Kabanata 10:4–11:1.