ANG KARUNUNGAN NI SOLOMON
Panimula
Bagama't ang aklat na ito ay nasulat na para bang si Haring Solomon ang may-akda, marahil ito'y nasulat noong unang siglo bago dumating si Jesu-Cristo. Isinulat ito sa Alexandria, sa Egipto, upang hikayatin ang mga Judiong naninirahan roon na maging matapat sa Diyos. Ang ilan sa kanila ay tumalikod na sa pananampalatayang Judio at niyakap ang mga relihiyong Griego. Layunin ng may-akda na ipakitang ang mga katuruan ng Kasulatan tungkol sa karunungan ay higit kaysa mga katuruang batay sa relihiyon at pilosopiyang Griego. Sinikap niyang ipaliwanag kung bakit kadalasang mas matagumpay ang mga taong masasama samantalang naghihirap ang mga taong matuwid. Sinulat din ng may-akda na makatuwirang huhusgahan ng Diyos ang lahat ng tao pagdating ng tamang panahon; paparusahan niya ang mga masasama, subalit ang mga matapat sa Diyos ay makakasama niya magpakailanpaman.
Nilalaman
Di namamatay ang mga taong matuwid, ngunit pinaparusahan ang masasama 1:1–5:23
Pinupuri ang Karunungan 6:1–9:18
Iniingatan ng Karunungan ang mga anak ng Diyos at pinaparusahan ang mga kaaway 10:1–12:27
Kahangalan ang sumamba sa mga diyus-diyosan 13:1–15:13
Pagpapala at pagpaparusa sa pag-alis sa Egipto 15:14–19:22
1
Ang Paghahanap sa Katarungan
1 Kayong mga namamahala at may kapangyarihan sa daigdig, mahalin ninyo ang katarungan;
taimtim ninyong isipin ang Panginoon,
at taos-pusong hanapin siya.
2 Matatagpuan siya ng mga hindi nag-aalinlangan sa kanya.
Nagpapakita siya sa mga lubos na nagtitiwala sa kanya.
3 Ngunit ang mga baluktot ang isipan ay di makalalapit sa Diyos.
Sinumang hangal na mangahas subukin ang kanyang kapangyarihan ay tiyak na mabibigo.
4 Ang Karunungan ay di papasok sa may masamang kalooban,
at di mananahan sa pusong alipin ng kasalanan.
5 Ang tunay na nagpapakabanal ay umiiwas sa mga manlilinlang.
Lumalayo siya sa lahat ng nagpapahayag ng kahangalan,
at di niya matitiis ang anumang pang-aapi o kawalang-katarungan.
Alam ng Diyos ang Ating Sinasabi
6 Ang Karunungan ay diwang magaan ang loob sa lahat,
ngunit hindi niya mapapayagang lapastanganin ang Diyos.
Sapagkat alam ng Diyos ang ating mga damdamin at isipan,
at naririnig niya ang lahat ng sinasabi natin.
7 Ang Espiritu ng Panginoon ay laganap sa buong sanlibutan,
at siya ang nagpapanatili sa lahat ng bagay,
kaya alam niya ang bawat katagang sinasalita ng bawat nilalang.
8 Walang makakapagsabi ng di matuwid na di mapapansin ng Panginoon.
Batay sa katarungan, lalapatan ito ng angkop na parusa.
9 Ang mga binabalak ng mga walang takot sa Diyos ay isa-isang sisiyasatin.
Ang bawat sinasabi nila'y makakarating sa kaalaman ng Panginoon,
at tatanggap sila ng parusang angkop sa kanilang masasamang gawa.
10 Hindi ipahihintulot ng Diyos na may lumaban sa kanya.
At dahil naririnig niya ang lahat, hindi ninyo maililihim ang inyong mga paghihimagsik.
11 Kaya huwag kayong reklamo nang reklamo;
walang kabutihang maidudulot iyan.
Iwasan ninyo ang mga usapang udyok ng hinanakit.
Ang mga sinabi ninyo nang palihim ay tiyak na magbubunga,
At ang pagsisinungaling ay kapahamakan ng kaluluwa.
Ang Kamatayan ay Hindi Likha ng Diyos
12 Huwag ninyong hanapin ang inyong kamatayan sa pamamagitan ng masasamang gawa;
huwag kayong pumasok sa kapahamakan na kayo na rin ang may kagagawan.
13 Ang kamatayan ay hindi gawa ng Diyos.
Hindi siya nalulugod sa pagkamatay ng alinmang may buhay.
14 Ginawa niya ang bawat nilalang upang magpatuloy,
at lahat ng nilalang niya ay mabuti at mahusay.
Wala silang kamandag na nakamamatay.
Ang kamatayan ay di naghahari sa daigdig na ito,
15 sapagkat ang katarungan ng Diyos ay walang kamatayan.
16 Ngunit ang masasama ay naghahanap ng kamatayan sa pamamagitan ng kanilang mga gawa;
kinaibigan nila ang kamatayan at nakipagtipan dito,
sapagkat iyon ang nararapat nilang kasama.