16
Si Samson sa Gaza
1 Minsan, si Samson ay nagpunta sa Gaza. Doo'y may nakilala siyang isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw. Siya ay nagpalipas ng gabi roon kasama ang babaing ito.
2 Nalaman ng mga Filisteo na siya'y naroon, kaya't pinaligiran nila ang lugar na iyon, at magdamag na nagbantay sa pasukan ng lunsod. Ipinasya nilang magbantay hanggang umaga upang tiyak na mapatay nila si Samson.
3 Ngunit nang hatinggabi na'y pumunta sa pintuang-bayan si Samson, inalis ang mga pangharang, poste at tarangka. Pinasan niya ang mga ito at dinala sa ibabaw ng gulod sa tapat ng Hebron.
Sina Samson at Delilah
4 Pagkatapos nito'y umibig naman si Samson sa isang dalagang nakatira sa libis ng Sorek. Siya ay si Delilah.
5 Ang babaing ito'y nilapitan ng limang pinunong Filisteo at kanilang sinabi, “Suyuin mo si Samson para malaman namin kung ano ang lihim ng kanyang lakas at nang mabihag namin siya. Kapag nagawa mo iyan, bawat isa sa ami'y magbibigay sa iyo ng sanlibo't sandaang pirasong pilak.”
6 Kaya't sinabi ni Delilah kay Samson, “Sabihin mo naman sa akin kung saan nanggagaling ang iyong lakas. Paano ka ba maigagapos at madadaig?”
7 Sumagot si Samson, “Kapag ako'y ginapos ng pitong sariwang yantok, manghihina ako gaya ng karaniwang tao.”
8 Sinabi ito ni Delilah sa mga pinunong Filisteo at siya ay binigyan nila ng pitong sariwang yantok na igagapos kay Samson.
9 Samantala, may ilang Filisteo namang nag-aabang sa kabilang silid. Pagkatapos ay sumigaw si Delilah, “Samson, may dumarating na mga Filisteo!” Ang yantok na iginapos kay Samson ay nilagot nito na para lamang nasusunog na sinulid. Kaya, hindi nila nalaman ang lihim ng kanyang lakas.
10 Dahil dito, sinabi ni Delilah, “Niloloko mo lang pala ako. Kasinungalingan lang ang sinasabi mo sa akin. Sabihin mo naman sa akin kung paano ka talaga maigagapos.”
11 Kaya, sinabi ni Samson, “Kapag ako'y ginapos ng bagong lubid na hindi pa nagagamit, manghihina ako gaya ng karaniwang tao.”
12 Kumuha si Delilah ng bagong lubid at ginapos si Samson. Pagkatapos ay sumigaw siya, “Samson, may dumarating na mga Filisteo!” Samantala, may mga lalaking nag-aabang sa kabilang silid. Ngunit ang gapos ni Samson ay nilagot niya na para lamang sinulid.
13 Kaya sinabi uli ni Delilah kay Samson, “Hanggang ngayo'y niloloko mo ako at hindi ka nagsasabi ng totoo. Sabihin mo naman sa akin kung paano ka magagapos.”
Sinabi ni Samson, “Kapag pinag-isa mo ang pitong tirintas ng aking buhok, saka ipinulupot sa isang tulos, manghihina na ako at magiging katulad ng karaniwang tao.”
14 Kaya pinatulog ni Delilah si Samson, at pinag-isa ang pitong tirintas nito. Pagkatapos, ipinulupot niya ito sa isang tulos saka sumigaw, “Samson! May dumarating na mga Filisteo!” Ngunit siya'y gumising at dali-daling kinalas sa tulos ang kanyang buhok.
15 Kaya't sinabi sa kanya ni Delilah, “Ang sabi mo'y mahal mo ako, hindi pala totoo! Tatlong beses mo na akong niloloko. Bakit ayaw mong sabihin sa akin ang lihim ng iyong lakas?”
16 Araw-araw ay iyon ang inuulit-ulit niya kay Samson hanggang sa mainis ito.
17 Kaya, sinabi na niya ang totoo, “Alam mo, mula sa pagkabata'y inilaan na ako sa Diyos bilang isang Nazareo. Ni minsa'y hindi pa nasasayaran ng panggupit ang aking buhok. Kaya, kapag naputol ang aking buhok, hihina akong tulad ng karaniwang tao.”
18 Nabatid ni Delilah na nagsasabi na ng totoo si Samson, kaya ipinatawag niya ang mga haring Filisteo. Ipinasabi niyang nagtapat na si Samson kaya maaari na silang magbalik sa Sorek. Nagbalik nga roon ang mga pinuno, dala ang perang ibabayad kay Delilah.
19 Si Samson naman ay pinatulog ni Delilah sa kanyang kandungan. Nang ito'y mahimbing na, tumawag siya ng isang tao at ginupit ang pitong tirintas ng buhok ni Samson. Nang mawala na ang kanyang kakaibang lakas, ginising ni Delilah si Samson
20 at kanyang sinabi, “Samson! May dumarating na mga Filisteo!” Nagtangkang bumangon si Samson sapagkat akala niya'y makakawala siyang tulad ng dati. Hindi pa niya namamalayang iniwan na siya ni Yahweh.
21 Binihag siya ng mga Filisteo at dinukit ang kanyang mga mata. Siya'y dinala nila sa Gaza, tinalian ng tanikalang tanso at pinagtrabaho sa isang gilingan sa loob ng bilangguan.
22 Samantala, unti-unting humabang muli ang kanyang buhok.
Ang Kamatayan ni Samson
23 Minsan, nagkatipon ang mga haring Filisteo upang magdiwang at maghandog sa diyus-diyosan nilang si Dagon. Sa kanilang pagdiriwang ay umaawit sila ng, “Pinagtagumpay tayo ng ating diyos laban kay Samson na ating kaaway.”
24 Nang siya'y makita ng mga taong-bayan, ang mga ito'y umawit din ng, “Tayo'y pinagtagumpay ng ating diyos laban sa sumira sa ating lupain at pumatay sa marami nating kasamahan.”
25 At sa laki ng kanilang katuwaan, naisipan nilang pagkatuwaan si Samson. Inilabas nila ito sa bilangguan at pinatayo sa pagitan ng dalawang malalaking haligi.
26 Sinabi ni Samson sa batang lalaki na umaakay sa kanya, “Ihawak mo ang aking mga kamay sa mga haligi ng gusaling ito. Gusto kong sumandal doon.”
27 Ang gusali'y napakasikip dahil sa dami ng tao, babae't lalaki, lahat-lahat ay may 3,000. Naroon din ang mga haring Filisteo. Masaya nilang pinagkakatuwaan si Samson.
28 At nanalangin si Samson, “Panginoong Yahweh, mahabag kayo sa akin. Isinasamo kong minsan pa ninyo akong palakasin upang sa pagkakataong ito'y makaganti ako sa mga Filisteo sa pagkadukot nila sa aking mga mata.”
29 Itinukod niya ang kanyang mga kamay sa dalawang haligi sa gitna ng gusali,
30 at malakas na sinabi, “Mamamatay ako ngunit sama-sama tayong mamamatay!” Ibinuhos niya ang kanyang lakas at itinulak ang mga haligi. Gumuho ito at nabagsakan ang mga pinuno at lahat ng Filisteong naroon. Kaya, ang napatay ni Samson sa oras ng kanyang kamatayan ay mas marami pa kaysa noong siya'y nabubuhay.
31 Kinuha ng kanyang mga kapatid at mga kamag-anak ang bangkay ni Samson at inilibing sa puntod ng ama niyang si Manoa, sa pagitan ng Zora at Estaol. Dalawampung taon siyang naging hukom at pinuno ng Israel.