17
Ang Diyus-diyosan ni Micas
Sa kaburulan ng Efraim ay may nakatirang isang tao na Micas ang pangalan. Minsan, sinabi niya sa kanyang ina, “Nang mawala ang 1,100 ninyong pilak, narinig kong sinumpa ninyo ang nagnakaw. Ako po ang kumuha. Heto po, isinasauli ko na sa inyo.”
Pagkatanggap sa mga pilak, sinabi ng ina, “Pagpalain ka ni Yahweh, anak ko. Ang mga pilak na ito'y inihahandog ko kay Yahweh upang gawing imahen para hindi mangyari sa aking anak ang sumpa.” “Kaya nga po ibinabalik ko sa inyo,” sagot ni Micas. Nang ibalik ni Micas ang pilak ng kanyang ina, kinuha nito ang dalawandaang piraso at ibinigay sa isang platero upang gawing imahen. Pagkayari, inilagay niya ito sa bahay ni Micas.
Ang lalaking si Micas ay may sariling altar. Mayroon din siyang iba't ibang diyus-diyosan, at ginawa niyang pari ang isa sa kanyang mga anak na lalaki. Nang+ panahong iyon ay wala pang hari ang Israel; ginagawa ng bawat isa ang lahat ng kanilang magustuhan.
Samantala sa Bethlehem, Juda ay may isang kabataang Levita. Isang araw, umalis ito at naghanap ng tirahan sa ibang lugar. Sa kanyang paglalakbay, napadaan siya sa bahay ni Micas sa kaburulan ng Efraim. Tinanong siya ni Micas, “Tagasaan ka?”
“Ako po'y taga-Bethlehem, Juda at isang Levita. Naghahanap po ako ng matitirhan,” sagot niya.
10 Sinabi ni Micas, “Kung gayon, dito ka na. Gagawin kitang tagapayo at pari. Bibigyan kita ng sampung pirasong pilak taun-taon, bukod sa damit at pagkain.” 11 Pumayag ang Levita sa alok ni Micas at siya'y itinuring nitong parang tunay na anak. 12 Hinirang siya ni Micas bilang pari, at doon pinatira. 13 Sinabi ni Micas, “Ngayon, sigurado kong ako'y pagpapalain ni Yahweh sapagkat mayroon na akong isang paring Levita.”
+ 17:6 Huk. 21:25.