8
Nalupig ang mga Midianita
Pagkatapos, pumunta kay Gideon ang mga kalalakihan ng Efraim. “Bakit mo kami ginanito? Bakit hindi mo kami tinawag bago ninyo lusubin ang mga Midianita?” pagalit nilang tanong.
“Ang nagawa ko ay hindi maipapantay sa nagawa ninyo. Ang maliit ninyong nagawa ay higit pa sa nagawa ng angkan namin,” sagot ni Gideon. “Niloob+ ng Diyos na sa inyong mga kamay mahulog ang dalawang pinunong Midianitang sina Oreb at Zeeb. Alin sa mga nagawa ko ang maipapantay riyan?” Nang marinig nila ito, napawi ang kanilang galit.
Si Gideon at ang tatlong daan niyang tauhan ay nakatawid na ng Ilog Jordan. Pagod na pagod na sila ngunit patuloy pa rin nilang hinahabol ang mga Midianita. Nang umabot sila sa Sucot, nakiusap siya sa mga tagaroon, “Maaari po bang bigyan ninyo ng makakain ang aking mga tauhan? Latang-lata na sila sa gutom at hinahabol pa namin ang dalawang hari ng mga Midianita na sina Zeba at Zalmuna.”
Ngunit sumagot ang mga taga-Sucot, “Bakit namin kayo bibigyan ng pagkain? Hindi pa naman ninyo nabibihag sina Zeba at Zalmuna.”
Dahil dito, sinabi ni Gideon, “Kayo ang bahala. Kapag nahuli na namin sina Zeba at Zalmuna, hahagupitin ko kayo ng latigong tinik na mula sa halamang disyerto.” Pagkasabi nito'y nagtuloy sila sa Penuel at doon humingi ng pagkain. Ngunit ang sagot ng mga tagaroon ay tulad din ng sagot ng mga taga-Sucot. Sinabi niya sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyong kami'y matagumpay na makakabalik dito. Pagbalik namin, gigibain ko ang tore ninyo.”
10 Sina Zeba at Zalmuna ay nasa Carcor noon, kasama ang nalalabi nilang kawal na 15,000 sapagkat 120,000 na ang napapatay sa kanila. 11 Dumaan sina Gideon sa gilid ng ilang, sa silangan ng Noba at Jogbeha, saka biglang sumalakay. 12 Tatakas sana sina Zeba at Zalmuna, ngunit nahuli sila nina Gideon. Dahil dito, nataranta ang mga kawal ng dalawang haring Midianita.
13 Nang magbalik sina Gideon mula sa labanan, sa Pasong Heres sila nagdaan. 14 Nakahuli sila ng isang binatang taga-Sucot. Itinanong niya rito kung sinu-sino ang mga opisyal at pinuno ng Sucot, at isa-isa namang isinulat nito. Umabot ng pitumpu't pito ang kanyang naisulat. 15 Pagkatapos, pinuntahan ni Gideon ang mga ito at tinanong, “Natatandaan ba ninyo nang ako'y humingi sa inyo ng pagkain? Sinabi ninyo sa akin na hindi ninyo kami bibigyan ng pagkain hanggang hindi namin nahuhuli sina Zeba at Zalmuna, kahit na noo'y lupaypay na kami sa gutom. Bihag na namin sila ngayon!” 16 At nagpakuha siya ng mga tinikang sanga ng kahoy at sa pamamagitan nito'y pinarusahan ang mga pinuno ng Sucot. 17 Pagkatapos, giniba niya ang tore sa Penuel at pinatay ang mga kalalakihan roon.
18 Pagkaraan, tinanong niya sina Zeba at Zalmuna, “Anong hitsura ng mga lalaking pinatay ninyo sa Tabor?”
“Kamukha mo silang lahat, parang mga anak ng hari,” sagot nila.
19 Sinabi ni Gideon, “Sila'y mga kapatid ko at mga anak ng aking ina. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,* kung hindi ninyo sila pinatay ay hindi ko rin sana kayo papatayin.” 20 At sinabi niya sa pinakamatanda niyang anak na si Jeter, “Patayin mo sila!” Palibhasa'y bata, natakot itong bumunot ng tabak at pumatay ng tao.
21 Dahil dito, sinabi nina Zeba at Zalmuna kay Gideon, “Bakit hindi ikaw ang pumatay sa amin? Mga tunay na lalaki lamang ang maaaring pumatay ng tao.” Kaya sila'y pinatay ni Gideon at kinuha ang mga palamuti sa leeg ng kanilang mga kamelyo.
22 Pagkatapos, nagtipun-tipon ang mga Israelita at sinabi nila kay Gideon, “Ikaw rin lamang ang nagligtas sa amin sa mga Midianita, ikaw na at ang iyong angkan ang maghari sa amin!”
23 Sumagot si Gideon, “Hindi ako ni ang aking mga anak ang dapat maghari sa inyo. Si Yahweh ang dapat maghari sa inyo. 24 Ngunit mayroon akong hihilingin sa inyo: Ibigay ninyo sa akin ang mga hikaw na nasamsam ninyo mula sa kanila.” (Nakahikaw ng ginto ang mga Midianita sapagkat iyon ang ugali ng mga taong taga-disyerto.)
25 Sumagot sila, “Buong puso naming ibibigay sa iyo.” Naglatag sila sa lupa ng isang malapad na damit at inilagay roon ang lahat ng nasamsam nilang hikaw. 26 Nang timbangin nila ang mga hikaw na ginto, ito'y umabot ng animnapung libra, hindi pa kasama ang mga hiyas, kuwintas, at mga kulay ubeng kasuotan ng mga hari ng Midian. Hindi rin kasama roon ang mga palamuti sa leeg ng mga kamelyo. 27 Mula sa gintong nasamsam, si Gideon ay nagpagawa ng isang diyus-diyosan at dinala sa Ofra na kanyang lunsod. Ang mga Israelita'y tumalikod sa Diyos at naglingkod sa diyus-diyosang ipinagawa ni Gideon. Ito ang naging malaking kapulaan kay Gideon at sa kanyang sambahayan.
28 Lubusang natalo ng Israel ang Midian at ito'y hindi na nakabawi. Nagkaroon ng kapayapaan sa Israel sa loob ng apatnapung taon, habang nabubuhay si Gideon.
Ang Pagkamatay ni Gideon
29 Umuwi si Gideon sa sarili niyang bahay at doon nanirahan. 30 Pitumpu ang kanyang naging anak sapagkat marami siyang asawa. 31 Mayroon pa siyang isang asawang-lingkod sa Shekem na nagkaanak ng isang lalaki na pinangalanan niyang Abimelec. 32 Matandang-matanda na nang mamatay si Gideon na anak ni Joas. Inilibing siya sa libingan ng kanyang ama sa Ofra, ang bayan ng angkan ni Abiezer.
33 Mula nang mamatay si Gideon, ang mga Israelita'y hindi na namuhay nang tapat sa Diyos. Sa halip, naglingkod sila sa mga Baal, at ang kanilang kinilalang diyos ay si Baal-berit. 34 Hindi na sila naglingkod sa Diyos nilang si Yahweh na nagligtas sa kanila sa mga kaaway na nakapalibot sa kanila. 35 Hindi sila tumanaw ng utang na loob sa sambahayan ni Gideon sa lahat ng kabutihang ginawa nito para sa Israel.
+ 8:3 Awit 83:11. * 8:19 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay. 8:29 Gideon: o kaya'y Jerubaal.