9
Si Abimelec
Paglipas ng panahon, si Abimelec na anak ni Gideon* ay nagpunta sa Shekem, sa mga kamag-anak ng kanyang ina. Sinabi niya sa mga ito, “Itanong ninyo sa lahat ng taga-Shekem kung alin ang gusto nila: pamunuan sila ng pitumpung anak ni Gideon o ng iisang tao? At huwag ninyong kalilimutang ako'y dugo ng inyong dugo at laman ng inyong laman.” Ang mga taga-Shekem ay kinausap nga ng mga kamag-anak ng ina ni Abimelec. Pinagkaisahan ng mga ito na siya na ang mamahala sa kanila, sapagkat siya naman ay kamag-anak nila. Binigyan nila si Abimelec ng pitumpung pirasong pilak mula sa kabang-yaman ng templo ni Baal-berit. Ginamit niya ito bilang pambayad sa ilang tao roon na walang magawang magaling at sila'y sumama sa kanya. Nagpunta siya sa Ofra, sa bahay ng kanyang ama at pinatay sa ibabaw ng isang malaking bato ang kanyang pitumpung kapatid sa ama niyang si Gideon. Lahat ay napatay niya liban kay Jotam na siyang pinakabata sapagkat nakapagtago ito. Ang mga taga-Shekem at Bethmilo ay sama-samang nagpunta sa may malaking puno sa Shekem at ginawa nilang hari si Abimelec.
Nang mabalitaan ito ni Jotam, tumayo siya sa taluktok ng Bundok ng Gerizim at sumigaw, “Mga taga-Shekem, makinig kayo sa akin upang makinig sa inyo ang Diyos. Isang araw, nag-usap-usap ang mga punongkahoy upang pumili ng hari nila. Sinabi nila sa olibo, ‘Ikaw ang maghari sa amin.’ Sumagot ang olibo, ‘Hindi ko maiiwan ang paggawa ng langis na ginagamit sa pagpaparangal sa mga diyos at sa mga tao para maghari lamang sa inyo.’ 10 Sinabi nila sa igos, ‘Ikaw na ang maghari sa amin.’ 11 Ngunit sumagot ang igos, ‘Hindi ko maaaring itigil ang pagbibigay ng masasarap kong bunga upang pagharian ko lamang kayo.’ 12 Kaya sinabi nila sa ubas, ‘Ikaw na ang maghari sa amin.’ 13 Sumagot ang ubas, ‘Hindi ko maaaring itigil ang pagbibigay ng alak na pampasaya sa mga diyos at sa mga tao upang pagharian ko lamang kayo.’ 14 Kaya, sinabi nila sa halamang matinik, ‘Ikaw na nga ang maghari sa amin.’ 15 Ang sagot ng halamang matinik, ‘Kung talagang gusto ninyo akong maging hari, sumilong kayo sa akin. Kung ayaw ninyong sumilong, magpapalabas ako ng apoy sa aking mga tinik upang sunugin ang mga sedar ng Lebanon.’
16 “Ngayon,” patuloy ni Jotam, “sang-ayon ba sa inyong malinis na hangarin na ginawa ninyong hari si Abimelec? Iginalang ba ninyo ang alaala ni Gideon, at nilalapastangan ninyo ang kanyang pamilya? 17 Alalahanin ninyong kayo'y ipinaglaban ng aking ama. Itinaya niya ang kanyang buhay upang iligtas kayo sa mga Midianita. 18 Ngunit ngayo'y kinakalaban ninyo ang sambahayan ng aking ama. Pinatay ninyo ang pitumpu niyang anak sa ibabaw ng isang bato at si Abimelec na anak niya sa kanyang aliping babae ang ginawa ninyong hari sapagkat kamag-anak ninyo. 19 Kung iyan ang inaakala ninyong dapat iganti sa kabutihan sa inyo ni Gideon at sa kanyang sambahayan, ipagpatuloy ninyo. Magpakaligaya kayo, pati si Abimelec. 20 Ngunit kung hindi, sana'y sumiklab ang apoy mula kay Abimelec at tupukin ang mga lalaki ng Shekem at Bethmilo. Sumiklab sana ang apoy mula sa mga lalaki ng Shekem at Bethmilo at sunugin si Abimelec.” 21 Pagkasabi nito'y patakbong umalis si Jotam at nagtago sa Beer dahil sa takot sa kapatid niyang si Abimelec.
22 Tatlong taóng pinamunuan ni Abimelec ang Israel. 23 Ngunit nagpadala ang Diyos ng espiritu ng hidwaan sa mga taga-Shekem at kay Abimelec. Dahil dito, naghimagsik ang mga kalalakihan ng Shekem laban kay Abimelec. 24 Nangyari ito upang pagbayarin si Abimelec at ang mga nagsulsol sa kanya na patayin ang pitumpung anak ni Gideon. 25 Ang mga taga-Shekem ay naglagay ng mga tauhan upang tambangan sa bundok si Abimelec. Hinaharang nila ang lahat ng magdaan doon. Nabalitaan ito ni Abimelec.
26 Noon, si Gaal na anak ni Ebed ay nagpunta sa Shekem, kasama ang kanyang mga kapatid. Nagtiwala naman sa kanya ang mga tagaroon. 27 Namitas sila ng ubas, ginawa itong alak, at sila'y nagpista. Sa kainitan ng pista ay pumasok sila sa templo ng kanilang diyus-diyosan. Kumain sila roon at nag-inuman habang patuloy na kinukutya si Abimelec. 28 Sinabi ni Gaal, “Bakit ba tayo pasasakop kay Abimelec? Sino siya kung ihahambing sa mga taga-Shekem? Hindi ba anak lamang siya ni Gideon? At pati si Zebul ay sunud-sunuran sa kanya! Bakit nga tayo pasasakop sa kanya? Ibangon ninyo ang karangalan ng ninuno ninyong si Hamor. 29 Kung ako ang mamumuno sa inyo, tiyak na matatalo natin siya. Sasabihin ko sa kanyang ilabas na niya ang buo niyang hukbo at maglaban kami.”
30 Nabalitaan ni Zebul na tagapamahala ng lunsod ang pinagsasabi ni Gaal, kaya't ito'y nagalit. 31 Nagsugo siya kay Abimelec sa Aruma at ipinasabi, “Si Gaal at ang kanyang mga kamag-anak ay narito sa Shekem. Pinag-aalsa nila ang mga taga-Shekem laban sa iyo. 32 Kaya mamayang gabi, isama mo ang iyong mga tauhan. Magtago muna kayo sa labas ng lunsod. 33 Bukas, pagsikat ng araw, bigla kayong sumalakay. Kapag lumaban sila Gaal, gawin mo na sa kanya ang gusto mo.”
34 Kaya't lumakad si Abimelec at ang kanyang mga tauhan. Sila'y nag-apat na pangkat at nagtago muna sa labas ng Shekem. 35 Kinaumagahan, tumayo si Gaal sa may pagpasok ng lunsod. Sina Abimelec naman ay lumabas sa kanilang pinagtataguan. 36 Nang makita sila ni Gaal, sinabi nito kay Zebul, “May mga taong nanggagaling sa kabundukan.”
Sumagot si Zebul, “Anino lamang ng bundok ang nakikita mo. Ang tingin mo lang ay tao.”
37 Sinabi uli ni Gaal, “May mga taong bumababa sa may burol. May isang pangkat pang nagmumula sa may sagradong puno ng ensina.”
38 Sinabi na sa kanya ni Zebul, “Tingnan ko ngayon ang yabang mo. Di ba't itinatanong mo kung sino si Abimelec para sumakop sa atin? Sila na iyon. Bakit di mo sila labanan?” 39 Tinipon nga ni Gaal ang mga taga-Shekem at hinarap sina Abimelec. 40 Ngunit natalo siya kaya napilitang tumakas. Hinabol siya ni Abimelec at marami ang nabuwal na sugatan hanggang sa may pagpasok ng lunsod. 41 Nagbalik na sa Aruma si Abimelec. Si Gaal naman at ang natitira pa niyang kamag-anak ay pinalayas ni Zebul sa Shekem at pinagsabihang huwag nang magbalik.
42 Kinabukasan, ang mga taga-Shekem ay lumabas ng bukid at ito'y nalaman ni Abimelec. 43 Pinagtatlong pangkat niya ang kanyang mga tauhan at sila'y nag-abang. Nang makita nila ang mga taga-Shekem, pinatay nila ang mga ito. 44 Ang pangkat ni Abimelec ay nagmamalaking nagpunta sa pagpasok ng lunsod upang magbantay samantalang pinapatay ng dalawang pangkat ang mga tao sa kabukiran. 45 Sina Abimelec ay maghapong nakipaglaban sa mga taga-Shekem bago nila naubos ang mga tagaroon at nasakop ang lunsod. Pagkatapos, iginuho nila ang buong lunsod at sinabugan ng makapal na asin ang lupa.
46 Nang mabalitaan ito ng mga nakatira sa kastilyo sa Shekem, nagtago sila sa templo ni Baal-berit. 47 Nalaman ito ni Abimelec, 48 kaya't isinama niya sa Bundok Zalmon ang kanyang mga tauhan. Pagdating doon, pumutol siya ng mga sanga ng kahoy at pinasan. Lahat ng tauhan niya'y pinakuha rin niya ng mga sanga ng kahoy. 49 Nagkanya-kanya sila ng pasan at sumunod kay Abimelec. Ang mga ito'y itinambak nila sa ibaba ng tore at sinunog. Namatay lahat ang nasa loob nitong may sanlibong katao, pati mga babae.
50 Pagkatapos, sina Abimelec ay nagtuloy sa Tebez at sinakop iyon. 51 May matibay na tore doon na pinagtataguan ng mga taga-Tebez. Nang makapasok na ang lahat, sinarhan nila ang daan at sila'y umakyat hanggang sa tuktok ng tore. 52 Sinundan sila ni Abimelec at susunugin na sana ang tore, 53 ngunit+ siya'y binagsakan ng malaking bato ng isang babaing naroon at nabasag ang kanyang bungo. 54 Kaya't dali-dali niyang tinawag ang kanyang lingkod at sinabi, “Patayin mo ako ng iyong tabak para hindi nila sabihing babae ang nakapatay sa akin.” Kaya, siya'y sinaksak ng kanyang lingkod at namatay. 55 Nang malaman ng mga Israelita na patay na si Abimelec, nag-uwian na sila sa kanya-kanyang tahanan.
56 Sa ganitong paraan, si Abimelec ay siningil ng Diyos dahil sa pagpatay sa pitumpu niyang kapatid. 57 Pinagdusa rin ng Diyos ang mga taga-Shekem, tulad ng sumpa sa kanila ni Jotam na anak ni Gideon.
* 9:1 Gideon: o kaya'y Jerubaal. + 9:53 2 Sam. 11:21.